NAGULAT si Sumi nang sa pagdating ni Miguel ay duguan ang braso nito. Naka-puting sando na lang ito at pantalon na maong, habang ang kaninang suot nitong polo ay ginawa nitong tali at nilagay sa braso nito. Hinatid pa ito ng tila kasama nitong Pulis. Mas mabilis na dinaluhan niya ito. Maging ang mga pinsan nito at ang Lolo at Lola nito ay napuno ng pag-aalala.
"Miguel, anong nangyari sa'yo?" nag-aalalang tanong niya dito.
Tila balewala lang na nagkibit-balikat ito. "Huwag kayong mag-alala. Daplis lang 'to, malayo sa bituka." Sagot lang nito.
"Ano bang huwag mag-alala eh hayan at dumudugo 'yang sugat mo." Ani Lolo Badong.
"Lolo, okay lang po ako." Sagot nito.
"Halika na, dalhin na kita sa ospital." Yaya niya dito.
"Hindi na, Sumi. Ayos lang ako. Ang mabuti pa, linisin mo na lang ang sugat ko. Betadine lang ang katapat nito." sabi pa nito.
"O sige na nga," napilitan niyang pag-sang-ayon.
"Hala sige, umakyat na kayo at ng magamot ka na. Sumi, ikaw nang bahala sa matigas ang kukoteng batang 'yan." Tila nangungunsuming bilin sa kanya ni Lola Dadang.
"Opo 'La, ako na pong bahala. Huwag na po kayong mag-alala." Pag-aalo niya sa matanda.
Pagdating nila sa itaas, dumiretso sila sa silid nito. Simula ng tumigil siya sa bahay ng mga Mondejar, sa katabing guest room na siya natutulog. Binilinan pa siya ng dalawang matanda na mag-double lock sa gabi, dahil baka daw may pumasok sa kuwarto niya ng natutulog. Ilang araw na ba siyang naroon, pang lima na yata ngayon.
Mabilis niyang kinuha ang first aid kit. Nilinisan muna niya ang bahagi ng braso ni Miguel na may dugo, saka ang mismong sugat nito. Pagkatapos ay nilagyan niya ng Betadine at tinapalan niya ang gasa.
"Palagi ka bang ganyan? Uuwi ng may tama?" tanong niya dito.
"Hindi naman. Ngayon lang nangyari 'to." Sagot nito.
"Ano ba kasing nangyari?" tanong ulit niya.
"May hinabol kaming dalawang most wanted na hold-uper sa kahabaan ng Recto. Eh ayaw pahuli, ayun, binaril ko sa paa para hindi makatakbo. Pinadaplisan ko lang naman. Lalagyan ko na lang ng posas ng biglang akong saksakin, mabuti na lang nakaiwas ako. Iyon nga lang, nahagip pa rin ang braso ko." Kuwento nito.
"Hindi ko lang maintindihan, mayaman ka naman. Pero bakit nagtitiis ka sa pagiging Pulis? Hindi ba, ang liit ng sweldo ng Pulis?"
"It's because of my parents." Seryosong sagot nito.
"Bakit? Anong nangyari sa kanila?"
Kinuwento nito ang tunay na nangyari sa mga magulang nito. Nakaramdam siya ng lungkot para dito. Hindi niya akalain na sa kabila ng mga ngiti nito ay may malungkot pala itong nakaraan.
"Sorry," aniya.
"Para saan?"
"Kasi tinanong ko pa ang tungkol sa kanila. Nalungkot ka tuloy." Sagot niya.
"It's okay."
"Nakakatakot ang trabaho mo. Hindi mo alam ang puwedeng mangyari sa'yo araw-araw." Komento niya. "Parang kapag ganyan ka, ayokong makita ka. Lalo na kapag ganyan duguan kang uuwi dito. Nakakanerbiyos!"
Gumuhit ang matamis na ngiti nito, sabay kurot ng marahan sa pisngi niya.
"Hindi mo kailangan mag-alala sa akin, Sumi. I'll be fine. God is my protector. At sa araw-araw na pag-uwi ko dito galing sa trabaho. Pinapangako ko sa'yo na buo mo pa rin akong makikita." Seryosong wika nito habang diretso sa matang nakatingin ito. Hindi siya sigurado, pero alam niyang may ibig ipakahulugan ito sa sinabi nito. Mabilis na nag-react ang puso niya. Bumilis ang pintig niyon. Hindi alam ni Sumi kung para saan ang kabang sa tuwina ay umaahon sa dibdib niya, lalo na kapag ganitong nasa malapit si Miguel.
BINABASA MO ANG
Car Wash Boys Series 2: Miguel Dustine Despuig
RomanceTEASER: Nang dahil matinding pangangailangan sa pera. Napilitan si Sumi na balikan ang isang gawain na matagal na niyang tinalikuran at pinangako na hindi na muling babalikan pa. At ang naging target niya, ay ang guwapo at mayaman na si Miguel Dust...