Una

8 0 0
                                    

Kanina pa ako nakatitig sa kisame ng kuwarto ko. Sa sobrang dami ng iniisip ko ay hindi ko na alam kung ano ba ang dapat kong isipin. Gabi na, papalapit na naman ang oras kung saan manggugulo sila.

Matagal ko na silang pilit nilalabanan. Matagal ko na ring gustong lumaya. Gusto ko sanang humingi ng tulong pero hindi ko alam kung paano ang gagawin. Hindi ko mawari kung ano ang mga tamang salita na dapat kong gamitin upang ipaliwanag ang mga bagay na kahit ako mismo ay hindi ko maintindihan.

Nagpakawala ako ng isang malalim na buntong-hininga at kinuha ang aking cellphone sa ilalim ng unan.

1:13 am.

Kaninang alas dyes ko pa pinipilit matulog pero wala ring nangyari. Tatlong oras mahigit na akong nakatulala lang at nakahiga. Minsan hinihiling ko na lang na sana mawala na ako, na kunin na Niya ako kasi wala naman na akong silbi. Hindi ko na nga alam kung paano pasayahin ang sarili ko, ginagawa ko pang miserable ang buhay ng mga tao sa paligid ko.

Kung tutuusin, dapat nga matuwa ako dahil nakakakain naman ako ng tatlong beses sa isang araw, may maayos kaming tirahan, buo ang pamilya namin at maituturing akong isa sa mga pinagkalooban ng pribilehiyo.

Pero hindi ko maintindihan kung bakit sa tuwing sumasapit ang madaling araw, kung saan mag-isa na lang ako sa aking silid, ay nag-uunahan sa pagtulo ang aking mga luha, kinakapos ang aking hininga at parang pinipiga ang aking puso.

At doon na sila isa-isang manggugulo. Isinasampal ang mga bagay na kailanaman ay hindi ko kayang gawin. Pinapamukha sa akin na isa akong talunan. Iniisa-isa ang aking mga kahinaan at hindi tumitigil hanggang hindi pa tuluyang umaagos ang dugo sa mga tinatagong sugat. Niyuyurakan nila ang pagkatao ko kaya hindi ko na maramdaman kung tao pa nga ba ako. O baka isa na lang ligaw na kaluluwang nakakulong lang sa isang sisidlang walang laman at nagpapanggap na may buhay pero ang totoo ay matagal ng patay.

Ang layo na naman ng itinakbo ng pag-iisip ko. Kahit gusto kong may makausap tungkol sa lahat ng nasa aking isipan ay hindi ko kayang isiwalat ang lahat. Dahil hindi kayang ipaliwanag ng mga salita ang lahat.

Isa lamang ito sa mga gabing pilit kong iginagapang. Nagmamakaawa sa sarili na huwag bumitaw at muling hintayin ang pagsikat ng araw.

Hindi ko maintindihan. Paggising ko sa umaga ay parang walang nangyari. Isang masayang ako ang haharap sa mundo. Nasanay na sa pagsuot ng iba-ibang maskara. Iniaakma sa kung ano ang sitwasyon at sa sino ang mga kaharap. Kalkulado ang bawat kilos at 'tila memoryado na kung ano ba ang dapat sabihin.

Kilala ako bilang masiyahin, palangiti, madaldal at may positibong pananaw sa buhay. 'Yan ang pagkakakilala nila sa akin. Hindi ko alam kung sino ang tunay na ako. Ang ako sa harap ng maraming tao o ang ako pag nag-iisa na ako. Alin ang totoo? Alin ang peke? May makapagsasabi ba ng alin sa alin?

Hindi ko alam kung saan patungo. Hindi ko alam kung ano ang kahihinatnan. Ang tanging dalangin ko lang ay ang makaalpas. Tuluyang mabuwag ang mga tanikalang nakabalot hindi lamang sa aking mga kamay at mga paa kundi sa aking buong pagkatao. Ang maging tunay na malaya at tunay na masaya sa mundong puno ng kasinungalingan at hindi ko alam kung totoo ba.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Jun 01, 2019 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

ObraWhere stories live. Discover now