Part Seven

6.7K 149 6
                                    

NAPATIGIL siya sa paglagok ng beer at nagtatanong ang mga mata niya na tiningnan si Grace. Ngunit mukhang hindi ito ang tumawag sa kanya dahil nakalingon ito sa direksyon ng pinto.

"Tao po! Aira?"

Napatayo siya nang makilala ang boses. Ang Ate Alma niya iyon. Napasulyap siya sa orasan nilang nakasabit sa dingding. Alas-nueve na ng gabi. Naglakad siya patungo sa pinto at binuksan iyon.

"Ate Alma?"

Una niyang napansin ang jacket at sumbrerong suot nito. Nang magtama ang tingin niya ay halos hindi niya ito makilala. Parang may nag-iba sa itsura nito, hindi nga lamang niya matukoy kung ano iyon eksakto.

"Ahm, pasok ka, ate. Napadalaw ka? Ginabi ka na yata," sabi niya nang buksan nang tuluyan ang pinto nila. Nakita niyang natigilan ito saglit sa pagpasok. Saka lamang niya naalala na nag-iinuman nga pala sila ni Grace.

Nakabalatay ang disgusto sa mukha ng ate niya nang tuluyan na itong pumasok ng apartment at ngayon ay nakatingin na sa mga nakapatong sa center table nila. Nang dumako naman ang tingin niya kay Grace ay nakita niya itong nakataas ang dalawang kilay at nakatingin sa kanya.

"Ahm, A-Ate, si Grace, housemate ko. Teacher siya sa Saint Bernadette. Grace, Ate Alma ko, supervising social worker sa DSWD." Iyon ang unang beses na nagkita ang mga ito. At kahit bahagya na rin naman niyang naiku-kwento ang mga ito sa isa't isa, walang bakas sa ekspresyon ng mga ito ang rekognisyon at pagnanais na magkakilanlan pa.

"Hi, Alma," bati ni Grace dito na halatang pinipilit lang na maging civil sa harap ng ate niya.

Tumango lang ang Ate Alma niya rito bago muling humarap sa kanya. "Aira, pwede ka bang makausap ng tayo lang?"

Kumunot ang noo niya, bago litong napatango rito. "Ahm, okay. Sa.. Sa kwarto na lang tayo. Excuse lang, Grace, ha."

Magkasunod sila ng Ate Alma niya na pumasok ng kwarto. Inilibot nito ang tingin sa kabuuan ng silid bago dumako ang tingin nito sa pintong isinarado niya.

Siya na ang naunang magsalita. "Bakit hindi ka man lang 'ata napatawag—"

"Kanina pa 'ko nagte-text at tumatawag. At kanina pa 'cannot be reached' ang cellphone mo," anito sa tonong nanunumbat.

Saka lamang niya naalala na nakalimutan niyang i-charge ang cellphone niya. Na-drain na kasi ang battery noon dahil sa pagpupumilit niyang matalo ang sarili niyang high score  sa larong Fruit Pop.

Ipinaliwanag niya iyon sa Ate Alma niya, ngunit mukhang hindi naman nito iyon iniintindi dahil panay lang ang salitan na pag-iling at pagtango nito.

Napabuga siya ng hangin. "Kung alam ko naman na tatawag ka—"

"Buntis ako."

May ilang segundo rin yata siyang hindi nakahinga. Gusto niyang isipin na nagkamali lang siya ng dinig. Ngunit malinaw ang boses ng ate niya. At malinaw ding nakarating ang sinabi nito sa pandinig niya.

"S-sino'ng tatay ng anak mo? Kilala ko ba?" halos pabulong nang sabi niya. Walang boyfriend ang ate niya. At kung kinailangan pa nitong magbyahe magmula sa Quezon City para lang sadyain siya rito sa Alabang, may pakiramdam siyang hindi niya magugustuhan ang iba pang mga sasabihin nito.

Inisa-isa niya sa isip ang mga lalaking naiku-kwento nito sa kanya. Isa ba sa mga kaopisina nitong may-asawa ang nakabuntis dito? Baka naman iyong boss nito na nakakalbo na? O basta kung sinong lalaki na nakilala nito habang—

"Si Father John."

Nanlamig ang buong katawan niya. "Si... Sino ulit?"

"Si Father John."

Against the Wall (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon