Isang pilit na ngiti ang tanging naisukli ni Myth sa matalim na tinging ibinibigay ngayon ni Nuestra sa kanya. Hindi siya makakibo sa kanyang kinatatayuan. Humugot siya ng lakas ng loob na humakbang patungo sa lababo upang maghugas ng kamay. Gusto niyang ipakita na walang kakaiba sa mga nangyayari. Simpleng pagbabanyo lamang naman ang ginawa niya.
"A-andito ka pala?" Napipilitan ma'y nagawa pa rin niya itong kausapin para maikubli ang pagkabalisa. Hindi siya nito kinibo man lang habang titig na titig pa rin sa kanya. Nang matapos maghugas ay nagpasya na siyang lumabas. Halos mapasigaw naman siya sa gulat nang hawakan siya nito sa laylayan ng kanyang uniporme. Bumitiw ito't naglakad sa kanyang harapan. Napatingin siya sa white board nito.
'Hindi mo pa nafa-flush 'yong bowl.'
Napabuntong-hininga siya na tila nabunutan ng tinik. Iyon lamang pala ang gustong sabihin nito. Halos lumuwa na ang kanyang puso sa kaba. Parang ibang Nuestra kasi ang kaharap niya kanina lamang. Ngumiti ito sa kanya kaya napangiti na rin siya at ginawa nga ang sinabi nito. Sabay pa silang bumalik sa kanilang classroom. Lingid sa kanilang kaalaman ay isang nilalang ang nakamasid sa kanila. Naikuyom nito ang kamao at nagpasyang sumunod na rin sa dalawa pabalik ng silid.
...
"North, salamat ha." Hindi matatawaran ang ngiti sa kanyang mga labi.
"North, bakit? Ano bang nagawa ko?" Nadudurog ang aking puso habang pinagmamasdan ang dire-diretsong luha na alam kong ako ang may dahilan.
"North... North!" Pinigilan ko ang sarili kong lingunin pa siya. Alam kong binu-bully na naman siya. Mula sa harap ko'y nakita kong tumakbo si Eros at nilampasan ako. Alam kong tutulungan niya ito kaya minabuti ko na lamang na hayaan sila.
"North!" Isang tinig ang nagpawala sa imahinasyon ni North. Nakita niya ang isang babae habang iwinawagayway ang kamay nito sa tapat ng kanyang mukha. Napakasaya ng mukha nito na tila hindi makikitaan ng lungkot sa buhay. Tinapik ni North ang kamay ng dalagang nakaharang sa kanyang paningin.
"Ang yabang mo talaga kahit kailan!" Hindi nakalampas sa kanyang pandinig ang sinabi nito.
"Ano bang ginagawa mo dito, Myth?" tanong niya rito.
"Wala naman. Nakatulala ka kasi kaya nilapitan kita," sagot nito sa kanya at umupo sa tabi niya. Bahagya siyang lumayo sa dalaga at inis na tiningnan ito. Agad namang napakurba ang labi ni Myth na tila nainsulto sa ginawa niya. Sabay pa silang nag-iwasan ng tingin.
"North, alam kong mabuti kang tao pero bakit ipinapakita mong mayabang ka?" pagputol ni Myth sa katahimikang pumapalibot sa kanila.
Tatayo na sana si North upang iwan ito subalit agad siyang napahinto sa sunod na binitiwang mga salita nito.
"Alam kong babalik ka rin sa dati."
Bago pa makatingin si North kay Myth ay tumayo na ito at nagsimulang maglakad palayo. Tanging pagtitig sa likuran ng dilag ang kanyang nagawa. Halos mapako siya sa kanyang kinauupuan.
Isang pangalan ang ngayo'y nasa kanyang utak. Sa hindi niya malamamg dahila'y kusang gumalaw ang kanyang mga paa at naglakad palapit sa dalaga. Hinigit niya ang kamay nito kaya naman napahinto ito at takang tinitigan siya.
"Ba-bakit?" Bakas ang kaba sa tono ng pagtatanong nito. Hindi naman makasagot si North na animoy napipi. Ni sarili niya'y hindi rin alam kung bakit nga ba niya ito ginawa. Tanging pagtitig lamang sa mga mata ni Myth ang naisukli niya.
"May problema ba, North?"
Tila natauhan naman ang binata kaya agad niya itong binitawan at mabilis na naglakad palayo. Sarkastikong napangiti ito nang mapagtanto kung saan siya dinala ng kanyang mga paa. Umupo siya't sumandal sa malamig na pader sa rooftop ng kanilang paaralan. Napapikit siya na animoy may malalim na iniisip.
BINABASA MO ANG
Death Cards: HEARTS [ON-GOING EDITING]
HorrorHanda ka na bang mamatay at pumatay alang-alang sa pag-ibig? Anong gagawin mo kung ang mga taong pinili mong pahalagahan at mahalin ay ang magiging dahilan pala ng iyong pagkawala sa mundong ibabaw? Magmamahal ka pa rin ba o mas pipiliin mo na lang...