Sa bawat sulat,
Luha ang katapat
Sa bawat sakit,
Letra ang kapalit
Sa bawat luhang pumapatak,
Naaalala ang iyong mga halakhak
Sa bawat panahon na puso ko'y parang sinasaksak,
Mga alaala natin ay bumabagsak
Lulan ng isang sasakyan,
Na 'di alam kung saan ang ruta na dadaanan
Dahil ang alam ko lang ay nais kong lumihis ng daan,
Lumihis ng daan mula sa lugar kung saan una kitang nasilayan
Ang nais ko lang naman ay lumayo,
Sa lugar kung saan naiwan ko ang mga akda kong para sayo
Mga akdang simbolo ng aking walang pasubaling pagmamahal,
Sa taong inakala kong ako lang ang mahal
Sa lahat ng akda ko ay nakaukit ang isang wagas na pagsinta,
Wagas na pagsinta ng isang makatang iniwan ng mahal niya
Ngunit mananatili pa ring buhay sa aking akda,
Ang pagsinta na matagal ng wala
Kung inaakala mo na ang pag-ibig ko sayo ay nananatili pa,
Nagkakamali ka dahil ang totoo'y matagal na itong wala
Dahil sa bawat letrang sinusulat ko,
Ay unti-unti ring nabubura ang nararamdaman ko
