9.Gising (Spoken)

23 1 0
                                    


Anak gumising ka na!
Anak bumangon ka na!
Anak ano ba? Tumayo ka na!
Anak, sige na!
'Yan ang mga katagang lagi kung naririnig mula sa kanya tuwing umaga.
Oo, nakakairita.
Masakit sa ulo at paulit-ulit pa.
Parang isang koro sa poborito mong kanta,
Parang tula na may paulit-ulit na tugma,
Parang manok na walang tigil sa pagtiktilaok sa umaga.
Sa tuwing ako'y niyayaya ng mga kaibigan sa mga gala,
Lagi nyang sagot anak bawal kang sumama.
Bakit?
Kailan pa ba ako magkakaroon ng kalayaang sumaya?
Pag-wala na sya?
Kailan pa ba ako malayang gumising kahit anong oras sa umaga?
Pag-umalis na sya?
Dahil hindi na ako bata para diktahan nya kung ano ba dapat ang aking ginagawa.
Ma. La. Ki. na ako.
Kaya ko na ang sarili ko.
Di ko maintindihan kung bakit lagi nya kung pinagbabawalan,
Lagi nya kung pinapagalitan,
Kahit alam ko namang wala akong ginawang labag sa kanyang kalooban.
Bakit ba pakiramdam ko, 'di nya 'ko naiintindihan?
Bakit pakiramdam 'ko, di nya 'ko pinapakinggan?
Bakit pakiramdam 'ko, para akong nasa bilangguan,
Kung saan wala akong karapatang gawin ang aking mga kagustuhan?
Pero isang araw nagising ako mula sa aking higaan.
Maliwanag ang araw na nakadungaw sa may labasan.
Nawala na ang sigaw na nakakairita mula sa pintuan.
Hindi ko alam kung bakit ganito ang aking nararamdaman
Diba ito naman ang aking kagustuhan?
Bakit ako nasasaktan?
Sinimulan kong maglakad tungo sa dilim ng kalungkutan.
Bawat hakbang katumbas ay ang bigat ng langit at kalupaan,
Kung saan ang dulo ay isang kahong naglalaman ng katotohanang pilit kong iniiwasan./
Masakit.
Masakit isipin na hindi na maibabalik pa ang nakaraan,
Kung saan masabi ko pa sa kanya ang aking narramdaman.
Mahal kita ma pero bakit moko iniwan?
Hindi ako sanay na wala ka sa aking likuran.
Ginising mo ako sa katotohanan,
Pero ikaw naman itong natulog nang walang hanggan
Kaya
Mama, gumising ka na!
Mama, bumangon ka na!
Mama, ano ba? Tumayo ka na!
Mama, sige na!
Ang dating mga katagang naririnigko lang sa umaga,
Mga katagang tinuring kong nakakairita,
Ngayon ay sinisigaw ko na.

Sa Tula Na Lang✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon