Nasaan ako?
Kanina pa ako palakad-lakad sa lugar na ito ngunit hindi ko alam kung saan ako pupunta maging paano ako napunta sa lugar na ito.
Iginala kong ulit paningin ko sa paligid. Puno ng iba't-ibang halaman at iba't ibang mga bulaklak ang buong lugar at talaga namang masasabi kong napakaganda nito. May daan din itong paikot lamang sa buong lugar. Kaya hindi ko malaman kung saan ba ako pumasok o lalabas man lang.
Kaya naman patuloy na lamang akong naglakad hanggang sa mapukaw ang aking atensyon ng isang napakagandang puno na nasa gitna ng ilang mga halaman.
Cherry Blossoms! Teka! Hindi ko ito nakita kanina.
Nababasa ko lamang ito sa mga libro at nakikita sa mga litrato ngunit hindi ko inakalang mararanasan kong makita ang ganda nitong sobrang nakakahalina. Ni hindi ko magawang alisin ko ang tingin ko sa kagandahan nito.
Awtomatikong naglakad ang aking mga paa patungo sa napakagandang puno. Habang palapit ako dito at palaki ng palaki ito sa aking paningin ay tila ba kinukuha nito ang aking buong atensyon.
Napakaganda talaga.
Ilang sandali pa'y nasa harapan na ako ng puno ng Cherry Blossom. Napalunok ako ng mariin at hindi ko maiwasang mapangiti ng maluwang. Pakiramdam ko'y nasa paraiso ako. Inangat ko ang aking kamay at sinalo ang mga dahon na nalalaglag patungo sa akin.
Ang ganda talaga..
Wala akong ibang ginawa sa harapan ng punong ito kung hindi titigan at hangaan ang kagandahan nito.
"Nandito ka ba dahil nahanap mo na o patuloy ka pa ring naghahanap?"
Awtomatikong napaatras ako ng may narinig akong nagsalita. Sandali kong iginala ang aking paningin upang hanapin kung saan iyon nagmula. Nang wala akong nakita ay muli akong tumingin sa puno at napalunok ako sa kaisipang naglalaro sa utak ko ngayon.
Nagsasalita ang puno?!
Ngunit agad na umalis sa sistema ko ang kaisipang iyon ng may lumabas na isa lalaki mula sa likod ng puno. Dilaw ang kanyang buhok at napakaganda ng kanyang mukha. Hamak na mas matangkad ito sa akin. Nakasuot lamang ito ng puting polo shirt, maong na pantalon at naka-rubber shoes. Simple lamang ang kanyang suot ngunit tila ba isa siyang modelo.
Sino siya?
"Nahanap mo na ba?" Bungad na tanong nito sa akin ng makalapit ito sa akin.
Hindi ko magawang sumagot kaagad. Kunot noo at puno ng pagtatakang nakatingin ako sa kanya.
"Kilala mo ba ako? Magkakilala ba tayo?" Tanong ko sa kanya.
Ngunit imbes na sumagot ay ngumiti lamang ito ng matipid at pagkatapos ay tumalikod sa akin at tumingin lamang sa puno ng Cherry Blossoms.
"Hinahanap mo kapangyarihan mo?" Tanong nito.
Kaagad nanlaki ang mga mata ko dahil sa pagkabigla sa tanong niya.
Paano niya nalaman?
Hindi ko napigilan ang sarili ko at mabilis na lumakad patungo sa harapan niya. Kaagad ko syang hinawakan sa braso niya ng marahan habang siya'y patuloy lamang na nakatingin sa puno.
"Paano mo nalaman?! Sino ka ba? Alam mo ba kung ano ang kapangyarihan? Paano ko ito malalaman?" Sunod-sunod kong tanong sa kanya.
Nakatingin lamang ako sa kanya ngunit kahit pa tinanong ko siya ng ganoong paraan ay tila ba hindi ito natinag. Patuloy lamang ang pagtingin nito sa puno. Kaya naman muli ko siyang tinanong.