Pababa na si Cielo ng hagdan at kasalukuyang nakikipag-usap sa dalawa niyang kasama na sina Amy at Ella nang marinig niya ang pag-ring ng kanyang cellphone. Nang makita kung sino ang caller niya ay nagtaka siya gayunpaman ay sinagot niya iyon at itinuloy ang pagbaba.
"Prinsesa, nasaan ka na? Nasa Fortress ka pa ba?"
"Actually, palabas na ako ng office. Bakit?"
"Tamang-tama, kadarating ko lang. Sa labas na lang kita hihintayin. Bye." Then, he hung up.
Napatitig pa siya sa screen ng kanyang cellphone ng ilang segundo matapos iyon. Nagtataka talaga siya dahil noon ay basta na lang ito sumusulpot. Ngayon naman ay may nalalaman pa itong patawag-tawag sa kanya para sabihin na susunduin siya nito.
Tinukso naman siya nina Amy at Ella ngunit hindi niya pinatulan ang dalawa. Ilang araw na rin kasi siyang sinusundo ng lalaki kahit na ilang ulit na rin siyang sinabi rito na hindi naman nito kailangang gawin iyon. Siya na lang ang sumuko dahil kahit paulit-ulit na niyang sinuway ito ay tila wala naman itong naririnig."Bakit nandito ka na naman?" tanong kaagad niya nang makita si Byron na nakasandal sa hood ng kotse nito. "Alam mo ba na may team dinner kami ngayon?" Tuwing buwan iyon at pauso ni Drew. Masaya naman iyon kaya wala silang naging reklamo pa.
"Oo naman," sagot nito. "In fact, si Drew pa nga ang nagsabi sa akin. Isabay na rin natin ang mga kasama mo." Sinulyapan ng binata ang dalawa niyang kasama. "Okay lang ba 'yon sa inyo, girls?"
"Ayos na ayos, Sir!" sabay pang sagot ng dalawa.
Napailing na lang siya. Wala na siyang iba pang nagawa nang sumakay na ang mga ito matapos buksan ni Byron ang pintuan ng backseat. Sunod na binuksan naman nito ang passenger's seat ng kotse nito at tahimik na lang siyang lumulan doon. Nahihiya siyang makipagbangayan sa binata lalo pa't nandoon ang mga kasama niya. Natigilan siya nang ito na mismo ang naglagay ng seat belt niya. Parang may mga dagang nagrambulan sa kanyang didbdib dahil sa ginawa nitong iyon.
"Ang tamis naman. Nakakainggit!"
"Gusto ko na rin maghanap ng boyfriend!"
Tumingin siya sa likuran at nakita niyang ngiting-ngiti sina Amy at Ella. Sinenyasan niya ang dalawa at tumahimik naman ang mga ito. Lumulan na rin sa sasakyan si Byron at tumingin sa rearview mirror upang silipin ang dalawa.
"Bilang mga members ng fans club namin ni Cielo, ipagdarasal kong makahanap na rin kayo ng boyfriend ninyo," nakangiting sabi nito sa dalawa. Nag-high five naman ang mga ito na tila tuwang-tuwa.
"Pasensya na kung hindi kita naihahatid sa trabaho mo, Cielo. Hanggang sa pagsakay mo lang ng tricycle ang kaya ng oras ko, Prinsesa," anito sa kanya ngunit hindi ito sa kanya nakatingin kundi sa dinaraanan nila. At ang mga 'fans' nila ay hindi maitago ang 'kilig' sa sinabing iyon ni Byron.
Kung siya lang ang masusunod ay mas nanaisin niyang wala ng iba pang makarinig sa pinagsasabi nito o makakita sa mga pinagagawa nito. Madalas mabigyan ng ibang kahulugan ng ibang tao ang mga naririnig at nakikita ng mga ito sa pagitan nilang dalawa ni Byron.
Sa tuwing tumatanggi naman siya ay hindi nagsasalita si Byron. Hinahayaan lang siya nitong magpaliwanag ng magpaliwanag hanggang sa mapagod na lang siya. Hindi naman niya magawang kausapin si Byron dahil alam niyang hindi naman seseryosohin nito ang mga sasabihin niya."Wala ka naman responsibilidad sa akin kaya okay lang 'yon. Actually, hindi mo rin naman kailangan na ihatid at sunduin ako," pinanatili niyang pormal ang kanyang boses.
"Pero gusto ko." Tumingin ito sa kanya ng mabilis at ngumiti. Siya naman ay pinili na lang tumingin sa labas. Nag-komento na naman ng dalawang nakaupo sa backseat.
BINABASA MO ANG
My Daily Dose Of You
Romansa"Falling in love is easy. So, fall freely into me. Hindi naman ako magrereklamo." Kung may tao man na ipinaglihi sa kulit at kapal ng mukha ay si Byron na ang living proof. Nasisiguro iyon ni Cielo sapagkat wala na itong ibang ginawa kundi ang kulit...