Madalas ay pangungutya at walang maliw na tampulan ng katatawanan. Tila hinuhubadan ang iyong kalahatan at walang maitatagong lihim. Kirot ang hatid, takot ang dulot. Ang tanging hihilingin ay maglaho sa kawalan, kung saan walang makakapansin.
Ika-anim ng Mayo, alas kwatro ng umaga. Nanunuot ang lamig na dulot ng nagbabantang pagsikat ng araw. Malungkot ang langit, tila nagbabadya ang pagluha nito.
Kaba, takot at kakaibang pananabik ang sa kanya ay nananahan. Mga laro ng damdamin na pilit niyang pinaglabanan para sundin ang isang matagal ng pita. Di mapakaling pakiramdam ang sumisidhi sa kanyang kalooblooban. Tuliro at wari'y nawawala sa sarili, pilit niyang nilalakasan ang loob sa mga napipintong magaganap.
Unti unting nauupos na sigarilyo ang nasa pagitan ng kanyang mga daliri Hithit buga, hithit buga, pilit na humihinahon sa pagkabagabag. Hithit buga, hithit buga, kumakalma sa diwang di mapakali. Hithit buga at butil butil na pawis.
Isang hithit pa, sabay tapon ng upos ng yosi. Kapa sa bulsa, kaliwa at kanan. Daling hugot sa pakete ng sigarilyo. Mahinahong pagkabigla nang mapansing wala ng natira.
Mula sa isang bag sa kanyang tabi ay hinugot niya ang kanyang telepono. Agad agad ay nagtext ito sa numerong madalas niyang tinatawagan, "Bes, nandito na siya anytime.".
"Aki! Nandito na!", isang pamilyar na boses ang biglang bumasag sa tahimik na dilim. "Aki, dali! Nandito na siya!", muling sambit ni Icko ng may pananabik.
Dali daling napabalikwas mula sa pagkakahimlay sa driver seat ng kanyang sasakyan si Aki. Mula sa dashboard ay inabot niya ang isang bote ng alcohol. Nagbuhos ng ilang patak at kinuskos ng mabilis sa dalawang palad. Dampi damping pinunas sa kanyang damit. Isang sipat sa side mirror at inayos niya ang kanyang puting sweat shirt, blue checkered shorts at blue na bull cap. Isinara ang mga bintana at pinto, unting diin sa susi at bumalahaw ang beep ng sasakyan. Huling sipat sa side mirror at kumaripas sa lakad ang kinakabahang kaluluwa.
Nakapark sa isang pamosong fastfood ang sasakyan ni Aki, sa harap ng isang ospital sa Bacoor. Mangilan ilan lamang ang ilaw na nagbibigay ng liwanag sa kapaligiran.
Mula sa kanyang sasakyan, natatanaw niya ang nagiisang maliit na babae sa harap ng entrance. Pansin ang malusog na pangangatawan nitong nasisilayan ng malalamlam na liwanag mula sa mga ilaw ng establisiyemento. Siya si Icko, matalik na kaibigan ni Aki. Madalas mataray at matapang ang tingin ng di nakakakila. Ngunit daig pa ni Icko sa pagkaamo ang isang maamong tupa.
Nagsisimula pa lamang noon si Aki sa industriya ng stand up comedy ng makilala niya si Icko. Bagaman di na bago sa pasikot sikot ng entablado, dahilang laman siya ng mga comedy bars noon pa man, di niya maiwasang dagain at kabahan.
Madilim ang paligid at mula sa kanyang kinatatayuan ay tanaw niya ang siwang ng isang pintong bahagyang nakabukas. Hinawakan ang pihitan at marahang itinulak. Nadatnan niya ang isang babaeng nasa harapan ng salamin at abalang naglalagay ng kolorete sa mukha. Sa suot na luray luray na puting tshirt, marahil ay pambahay, mababakas ang bilugan nitong katawan. Agad na naglaro sa isip ni Aki ang mga pintas na maaaring mamutawi sa kanyang mga labi. "Ilang taon na kaya ito hindi dumudumi? Laki ng pwet.", ang sabi nya sa sarili habang nagpipigil sa pagtawa.
Bago pa man siya mapansin nito, hinigit niya sa pinakamaamong ngiti ang kanyang mga labi. "Good evening po, Nay!", ang magiliw na pagbati ni Aki. "Nay" o "Inay", ang tawag sa mga stand up comedians na nauna sa industriya, tanda rin ito ng paggalang. Tumigil ang babae sa pagmemake up, di alintana ang di tapos niyang kilay, sabay sipat mula ulo hanggang paa. "Anak ba kita?", ang pagtataray na sagot ni Icko. "Buti nga hindi! At least mas maliit ang chances magdevelop ako ng high blood o diabetes.", ang pabulyaw na sagot ng nauna. Natahimik si Icko at biglang bumulalas sa kakatawa. Mula noo'y di na sila maawat sa mga chikahan hanggang matapos ang gabi. Isang simula ng makulay at matalik na pagkakaibigan.
"Icko, maayos ba ang suot ko?", ang dalidaling tanung ni Aki. "Bakla, di ka pa naman niya makikita.", ang natatawang sagot ni Icko.
Dahan dahang itinulak ng dalawa ang salaming pinto ng fast food. Sa pinto mababakas ang tuklap na sticker ng letrang M. Bago pa man sumara ang pinto, dinig ni Aki ang biglang bagsak ng malalaking patak ng ulan. "Hala, umuulan.", pangambang may di kaaya ayang mangyayari.
Malamlam ang mga ilaw. Dahilang slack hours, kaya kakaunti ang tao. Tila hinihigop ang pananabik na kanina'y nananaig kay Aki. Mula sa entrance ng fast food, kita niya ang likuran ng babaeng nakupo sa di kalayuan. Bagaman malayo at nakatalikod ito, batid niyang may tangan tangan ito.
Sa kaliwa niya, pansin niya ang isang crew habang naglilinis ng bintana. Pisik ng tubig na may sabon sabay pahid ng wiper. Sa harap ng counter naglagay ang isa pang crew ng signage ng wet floor at agad kumuha ng map para pahiran ang sahig. Mula sa kanyang likuran dumaan sa kanyang kanan ang isang lalaki na may tangang makukulay na upuan na agad agad sinalansan sa mga bakanteng lamesa. Lima ang counter, tatlo ang nakapatay, may isang inaaudit ng store manager at isang bukas para tumanggap ng order.
May nakatayong dalawang lalaki sa harap ng bukas na counter. Habang nagbibigay ng order ang isa, nakayapos dito ang isa pa. Sa lamesang malapit sa condiments area naman, may dalawang babae at isang lalaki ang tahimik at tila tamad na tamad kumain. Lahat ay napapansin ni Aki, di maialis ang pagiging store manager noon ng kabilang fastfood chain.
Ang paligid ay puno ng pagaalinlangan at pangamba. May takot at kaba. Urong sulong ang bugso ng kanyang damdamin. Nahawi ang lahat ng iniisip nang biglang, "Aki! Ito na siya.". Nanahimik ang paligid at tila bumagal ang bawat segundo. Tumayo mula sa pagkakahimlay sa kanyang upuan ang babae at humarap ito tangan ang isang mala anghel na sanggol. Sa pagkakataong iyon ay tumigil ang oras. Ang lahat ng pangambang sa kanya ay bumabalot ay unti unting nilusaw ng pagkamanghang di maarok. Walang salita siyang masambit, bawat tangka ay nauuwi sa pagkautal. Di nagtagal inilapit at inihimlay ng babae ang sanggol sa mga bisig ni Aki.
Wari nabalot ng bula ang mag-ama. Sa kanyang mga bisig ay nakulong ang maselan at kay liit nitong katawan. Tulog at may kunting kunot ang nuo. Laking gulat ni Aki ng tila may isang anghel ang gumuhit ng ngiti sa mumunti nitong mga labi.
Lutang at lasing si Aki sa pagkakataong iyon. Di pa man naabot ang langit ay parang dinuduyan ito sa pagkakatitig sa sanggol. Sa panuwari nito'y walang anuman ang makakasakit dito at tanging pagaaruga lamang ang mararamdaman nito.
Sa mga oras na iyon ay di na niya batid ang mga bagay bagay na nangyayari sa paligid. Nagising lamang si Aki sa malamang singhot ni Icko. "Natouch ako, Bakla!", ang naluluhang sambit ng kaibigan. Napangiti lamang ito na wari ay isang bata. Habang tangan ang bata ay tumigil ito para pansinin ang paligid. Napansin nitong tumigil na ang ulan at wala na ang babaeng may tangan sa sanggol kanina.
Sa lamesang knina'y kinaroroonan ng babae ay iniwan nito ang mangilan ilang piraso ng papel. Dinampot ng may tangan ang papel at binasa, "Isabella!".
Maya maya'y may kung anung nagvibrate sa bulsa ni Aki. Dinukot ni Aki ang kanyang telepono at agad ay binasa nito ang isang text message, "Welcome to Motherhood, Bes!".
BINABASA MO ANG
Bakla ako, Babae ka!
HumorIs a comedy drama story of two friends in a society full of stereo types and prejudice. One, a mother with loud and strong personality who strives to prove her worth in a community dominated by homosexuals. The other, a gay dad who simply wants to m...