Chapter 2: Pangamba at Takot

207 4 0
                                    

Ilang ulit ma'y nasasaktan, wari'y walang pakiramdam. Tamis sa bawat unang tikim, nawawaglit ng pait at sakit. Pilit inaasam ang tahimik na pagtitipan, nauuwi sa pighati't luha, nagtatapos sa mga tanong at hiwaga.

"Para!", sigaw ni Cake mula sa estribo ng jeep na siya'y lulan. Dalidaling hinakot nito ang mga supot ng panindang bag at wallet. Sinipat ang inupuan at saglit sinilip kung may naiwan. Tinapik tapik ang tabi ng jeep sabay sigaw, "Salamat, Randy!". Dalawang busina ang sinagot ng tsuper sa huling pasaherong ibinaba.

Sa paglaho ng jeep na sinakyan, napansin ni Cake ang madilim na daan na kanyang tatahakin. May ilang ilaw ngunit di sapat para bigyang liwanag ang daan. Binalot ng pangamba at takot. Unti unti siyang nilalamon ng pagaalinlangang magpatuloy sa dadaanan.

Sa dulo ng daan, naruruon ang kanyang tahanan. Kung saan naghihintay ang kanyang mga anak at inang madalas kabulyawan. Maingat at marahan, binagtas ang daan.

Biglang kumurap ang liwanag ng daan. Napatingin ng maagap sa mga ilaw at agad nagpatuloy sa paglalakad. Sa pagkabagabag nagulantang si Cake nang may narinig na mahinang sutsot. Nabitawan ang mga dala dalang supot sabay daklot ng kanyang pagkababae. Wari anumang oras ay mapagsasamantalahan. Isa pang sutsot at biglang nanlaki ang mga mata ni Cake. Tila nanindig sa kilabot ang buo niyang katawan.

Madali niyang dinampot ang supot ng kanyang mga paninda at kumaripas sa paglalakad. "Hoy!", ang gumulat ng malala kay Cake. "Ay! Diyos ko po!", ang sambulat niya. Lumingon ito at napansin ang matandang lasinggerang si Aling Lupe. "Aling Lupe naman! Akala ko naman magagalaw ng wala sa oras si Ningning. Anu ba namang tawagin niyo ako sa pangalan ko? May nalalaman pa kayong pasutsot sutsot.", ang usisa niya. Walang isang dipa ang pagitan ni Cake at Aling Lupe ngunit batid nitong nakainum na naman ang matanda sa tindi ng alingasaw ng alcohol mula sa bunganga nito.

"Hoy Cake! Kung tinawag kita agad, magtetengang kawali ka lang at kakaripas ng takbo! Tatlong buwan ka ng di nagbabayad ng renta, oh!", matatas na paliwanag ng lasenggerang landlord. "At least kung iisipin mong mararape ka, magdadalawang isip ka pang tumakbo!", patuloy ni Aling Lupe.

Natigil ang diskusyonan ng dalawa ng biglang tumunog ang kantang Careless Whisper. Agad na hinanap ni Cake ang telepono kahit alam niyang text message lamang ito. Pagkakuha nito ng telepono, agad itong nilagay sa tenga na wari'y may kausap. Tumalikod ito kay Aling Lupe at dahan dahang nagpatungo sa kanilang bahay.

Habang papalayo ang nagkukunwari, wari naglalaho ang bunganga ni Aling Lupe, "Hoy Cake! Magbayad ka naman ng utang mo! Utang na loob!".

Nang makalayu layo at mapagod ang matandang lasinggera, tiyaka binuksan ni Cake ang telepono habang hirap ito sa daladala. "Bes, nandito na siya any time.", ang text ng matalik na kaibigan.

"Welcome to ...", ang tangkang sagot ni Cake. Ngunit bago pa man niya mapadala ang message ay bigla niyang napansing nasa harap na siya ng gate ng kanilang bahay. Nang kanyang buksan ang gate biglang namatay ang ilaw. Tinangka niyang kumatok sa pinto nang marahan itong bumukas, sabay ang ngitngit na nagbigay lalo ng kilabot sa kanya.

Binuksan niya ang pinto upang silipin ang nagbukas nito. Ngunit walang sinuman siyang nakita. Nagtaka ito at muling binalot ng pangamba at takot. Binaba niya ang mga paninda sa may sala at maagap na tiningnan ang paligid. Sa pagtataka, laking gulat nito ng biglang sumara ang pinto. "Ay! Diyos ko po! Kunin niyo na lahat wag niyo lang kami sasaktan!", ang mabilis nitong sambit. Tumalikod ito upang silipin ang salarin at laking pagtataka nito nang makita niya ang tatlong taong gulang niyang anak na lalaki na kinukusot kusot ang mga mata. "Nay!", sa pinakainaantok na boses nito.

"Pot?", ang gulat nitong pagtataka. "Nay, naihi ako sa kama.", ang pagbubunyag ng bata. Ang kanina'y takot na takot na si Cake ay tila binuhusan ng awa para sa anak. Niyapos ng ina ang shorts ng anak sabay tanung, "Bakit tuyo na ang shorts mo? Nasaan si Wowa? Anak naman, ang panghe!". "Naihe nga po kaya mapanghe! Kasama po ni Ate sa kabilang kwarto si Wowa.", sagot ng namumungay na bata. "Bakit di mo ginising si Wowa?", ang muling tanung ni Cake habang hinuhubad ang shorts ng anak. "Ayoko! Nahihiya ako!", ang sagot ng anak. "Ikaw ba nagbukas ng pinto at nagsara ng ilaw sa labas?", muling tanung niya. "Opo!", ang sagot nito.

Nang matapos palitan ang anak nagtungo ito sa kanilang silid para ayusin ang pinagtulugan. Nadatnan niyang natutulog ang kanyang pangalawa at panganay. "Dos! Uno! Umihe na yung kapatid niyo sa kama di man lang kayo nagising.", ang panggigising na sigaw ni Cake sa mga anak. Di natinag ang mga anak wari mga mantikang tulog.

Pinalitan ni Cake ang kubre ng kama at dinala ito sa labahan. "Pot, mahiga ka na dun!", ang bilin ng ina. Saglit na sinilip niya ang maglola sa kabilang kwarto at dali namang tinabihan ang bunso sa kabila. Umakap ito sa anak sabay halik sa nuo.

Nakahiga ang dalawa sa kama habang nakahilig si Pot sa kanan niyang braso. "Nay? I love you!", ang huling mga salita ng anak bago nahimlay.

Di mawari ni Cake ang sayang naramdaman. Batid ang kaawaawang kinahinatnan ng anak habang siya ay nawawalay. Muli siya'y binalot ng pangamba at takot nang mapagtantuhan ang mga bagay na maaring mangyari kung wala siya.

Tiningnan niyang muli ang telepono at naalala nitong di naisend ang message sa kaibigan. "Welcome to Motherhood, Bes!", sabay pindot ng send button.

Bakla ako, Babae ka!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon