Chapter 3: Isang Tasang Kape

108 3 0
                                    

Madaling humusga sa paningin lamang. Ang di lubos maunawaan ay madaling bigyang kahulugan. Hindi makikita sa isang kisap lamang, ang mga bagay na ibig malaman.

Alas kwatro ng hapon, nahupa ang init nang tanghaling nagdaan. Nababanaag ang silay ng hapong araw mula sa mga kurtina ng kwarto ni Aki. Sa kanyang kinahihigaa'y alam na oras na para manaog sa kinaroroonan. "Dennis! Alas kwatro na!", ang balahaw ng isang babae sabay katok sa pinto ng kanyang kwarto. "Dennis!", isang pahabol na sigaw. "Oo, Nay!", ang sagot ng hinihimasmasan.

Matangkad, maputi at may itsura. Madalas sa hindi ay napagkakamalang seryoso at mataas sa lipunan. Siguro dahilan sa galing nitong gumamit ng pananalita at presentasyon ng sarili. Ganito si Aki o Dennis Torres sa pamilya niya. Isang bakla, at ama sa isang anghel.

Humilig ito, sa kanan, sa kaliwa. Naginat ng mabuti at minulat ang mga mata. Ilang minutong nakatitig sa kisame at kusang tumayo mula sa kama.

Sumandali sa CR upang magbawas ng likido sa katawan at nagtungo sa kusina. Kumuha ng tasa at kutsarita. Nagsalin ng tubig sa tasa at iniligay ito sa loob ng microwave. Nilagay niya sa isang minuto at pinainit ng sandali.

Kumuha ito ng 3-in-1 sa cabinet at marahang binuksan. Nang tumunog ang microwave ay agad kinuha ang tasa ng mainit na tubig. Isinalin ang 3-in-1 at saka hinalo ng mabuti.

Uubusin niya ang tinimplang kape, habang tinitingnan ang kanyang cellphone at humihithit ng yosi. Ganito niya madalas simulan ang kanyang araw. Kahit walang laman ang tiyan basta may isang tasang kape at yosi.

Isang higop at tingin sa cellphone. Nagsimula ng isang message at nagtype, "Bes, papasok ka?".

Maya maya pa, "Oo bakla! Nawarla na ako ni Inang. Ilang Lunes na raw akong di pumapasok.", ang reply message ni Cake. Matapos isend ang message, ibinaba ni Cake ang cellphone sa tabi ng isang tasang kape at humithit ng paboritong kapares ng kanyang kape, ang yosi.

May kaliitan, kayumanggi ang kulay at sadyang gandang gandang sa sarili. Artistahin pero kakatulongin. Sa tiyaga at sipag, lumabas na ito sa ilang patalastas. Tanda niyo ba ang komersyal na "Ang kulang na lang, bibig mo!". Ganito si Cake o Rosario Carlos sa totoong buhay. A wife of three, a mother of four.

Kasalukuyang naghahanda si Cake ng hapunan para sa mga anak habang inuubos nito ang kanyang panimula. Maaga aalis ang ina para pumasok sa trabaho, kaya alas singko pa lamang ay nagluluto na ito. Tulad ni Aki, isang tasang kape lang at isang yosi ay ayos na. "Anung isusuot mo? Para terno tayo.", ang muling message ni Cake.

"Gusto ko relax lang. Yung fresh lang.", ang sagot ni Aki. Nang magkasundo ang magkaibigan sa susuotin ay nagsimula ng magayos ang dalawa.

Tila magkadugsong ang likaw ng mga bituka. Parang iisa ang batid at iniisip nila. Di maipagkakailang magkaibigan nga ang dalawa.

"Daddy!", puno ng pananabik na bati ni Isa. Tila nagliwanag ang hapong mukha ni Aki. "Isa'y ko!", sabay yakap dito at halik sa bata. Maliban nga pala sa kape at isang yosi, di kumpleto ang kanyang araw nang di nakikita ang anak na si Isabella. Magtatatlong taong na nang mangyari ang gabing bumago sa buhay ni Aki. Tatlong taon ng tuwa at sakripisyo, tatlong taon na puno ng simula at pangako.

*****

Magaalas nwebe na ng gabi ng dumating si Cake sa Orosa. Lulan ng isang taxi, dala niya ang supot supot ng hand bags at wallet kasama ang mga gamit niyang pang-set. Set, ang tawag sa haba ng oras na inuubos ng isang stand up comedian sa entablado.

Akmang pababa na ito ng gulatin ito ng malakas na busina ng sasakyan nakapark sa likuran ng nakahimpil na taxi. Nagkandahulog ang mga supot na pilit niyang binuhat. Sinipat niya ang sasakyan at tila batid kung sinu ang salarin. "Hoy, bakla, bumaba ka diyan at tulungan mo ko dito!", ang sigaw ni Cake.

Bumaba mula sa isang pulang Ferroza si Aki at bumeso sa kaibigang panay irap. "Anu ito?!", ang pabulyaw na bungad ni Cake. "Sas! Hayaan mo na!", sagot ng salarin habang isa isang dinampot ang mga nagkandahulog na gamit.

Patungo ang dalawa sa Lib, ang premier Comedy bar ng Manila. Gabi gabi, tampok dito ang ilan sa pinakamagagaling na stand up comedians at performers para magbigay ng aliw sa mga parukyano. Tuwing Lunes, ilan sila Aki at Cake sa mga manananghal na pilit nagpapatawa sa mga customer ng Lib.

Dahilang magaalas nwebe na, agad na nagtungo si Aki at Cake sa backstage ng Lib. Mula sa gilid ng establisyimento ay may isang makitid na daan. Kung babagtasin ito, sa dulo makikita ang isang silid na puno ng salaming tadtad ng ilaw, may ilan ilang silya, isang sofa at lagayan ng mga damit. May dalawang lagusan itong patungo sa entablado ng Lib. Dito nadatnan ni Aki at Cake sila Obet, Bogs at Abbey. Lahat sila ay mga kasama ng dalawa sa trabaho.

Obet, short for Roberto. May katagalan na sa industriya ngunit baguhan pa lamang sa Lib. Magaling chumika pero mas effective magpatawa kung chikito. Chikito, ang tawag sa mga komidyanteng gamit ay exagirated na galaw sa pagpapatawa.

Pangaasar naman ang pinagmulan ng stage name ni Bogs, short for burog. Bagaman maraming tigyawat sa mukha, ito ang naging puhunan niya para pasukin ang industriya ng stand up comedy. Kilalang magaling chumika. Karamihan hiram ang mga jokes pero ang paggamit at delivery ng mga ito ang nagpakilala sa kanya sa tanghalan.

Kung may chikito at chika, si Abbey naman ay isang song bird. Ito ang tawag sa mga manananghal na pagawit ang bala sa entablado. Bagaman kaunti ang chika at pagkachikito, bumabawi naman ang mga ito sa pagawit. Matangkad, makinis at maganda ang mukha, tanging ang kasarian na lang ang kulang at ganap na itong babae.

"Hi Nay!", ang bati ng mga nauna sa backstage. Isa isang nagbeso ang mga kararating lamang sa mga nauna liban kay Bogs. "Ay, bakit nay?", ang tila pagtatakang tanung nito. "Kakapaderma ko pa lang!", ang pabirong sagot ni Aki.

Nang makapaglagak na ng mga gamit ang dalawa at nakaupo na sa mga bakanteng silya, "Mauna na lang kaming tatlo tapos 2nd batch na lang kayo nila Nay Azon.", ang suhestiyon ni Obet. "Nandiyan na si Manilyn... Manilyngil?", pabirong tanung ni Cake. Natawa ang mga nauna nang biglang bumukas ng padabog ang pinto. "Anu itong naririnig ko?", sa mala Odet Kahn nitong tono. "Ito naman di mabiro.", ang sagot ni Cake.

Kung meron mang pinakamalapit kay Aki at Cake, walang iba ito kung hindi si Azon. Pagirl na bakla, medyo may kalakihan ang mukha at may kaedaran na rin. Kilala si Azon na nagpapautang kasama ang mahiwagang tita nito, na madalas excuse niya sa paniningil. Dahil dito naging birubiruan sa industriya ang pagiging maniningil nito.

Lumiban ang tatlo nang maupo si Azon sa tabi ng dalawa tangan tangan ang isang tasang kape. Napansin ito ng dalawa at tila mga leyong natakam. "Gusto ko rin niyan.", ang tila naglalaway na banggit ni Aki. "Bes, kapag nagpakuha ka isabay mo na rin ako.", ang bilin ng babae. "Ay huli na ito sabi ng cook sa kitchen.", ang pangiinggit ni Azon.

Dahilang wala ng oras upang magpabili at magpatimpla, nagtiis ang tatlong magsalo sa iisang tasang kape.

Dinig mula sa backstage ang mangilan ngilang palakpakan at hiyawan ng mga parukyano sa bawat chika at biro ng tatlong nauna.

Abala sila Aki at Cake sa pagmemake up nang dahan dahang lumingon si Azon sa dalawa. "Mars, nagtatanung na si tita. Kelan daw ba?", ang marahan na tila nagmamakaawa. Biglang naging busy ang dalawa at wari di maabala sa pagaayos ng kanya kanyang mga gamit.

"Hoy! Anu ito?", ang tila natatawang tanung ng naniningil. "Mars, halika magouting tayo. Pagod ka na naman.", ang tila concern na sagot ni Aki. "Oo nga Mars! Anu ba gusto mo? Gusto mo ba ng tubig?", ang dugtong ni Cake. "Walang halong biro. Nagtatanong na nga si Tita, kelan daw kayo magbabayad.", pangungulit ni Azon. "Kaya ka nabibirong Manilyn eh.", ang sagot ni Cake. Kinuha ni Aki ang tasa ni Azon at humigop, "Mars, kape?", sabay alok ng isang tasang kape.

Bakla ako, Babae ka!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon