Chapter 6: Hulog ng Langit

140 1 1
                                    

Ikinukubli sa hiram na sandali ang mga pighati at pagdaramdam. Sa mga panandaliang halakhak at saya sa entablado ng tanghalan, Pinapahiran ang mga luha, kinikimkim ang mga pangamba.

Alas kwatro y media ng umaga. Naupo sa mumunting sala ng bahay ni Cake si Nitoy habang nilalapag ang mga gamit ng babae. Pasipat sipat sa paligid wari'y sinusuri ito. Maliit lamang ito, may dalawang sofa, isang single seater at isang kulang sa tatlo na nakasandal sa berdeng dingding kung saan siya ay nauupo. Karugtong ng sala ay ang hapag kainan ng bahay. May isang lamesang may anim na upuan. Mula doon ay may lagusan na papunta sa likod ng bahay na marahil ay ang kusina. Katabi nito ang CR. Sa harap ng kanyang kinauupuan naroon ang dalawang pinto. Ito marahil ang mga silid tulugan ng bahay.

Pumasok sa isa sa mga kwartong ito si Cake upang magpalit. Bagaman maguumaga na, ito ang tila gabi ng isang manananghal tulad niya at ni Aki.

Sa tabi ng sofa, napansin ng binata ang mumunting lamesita. Nakapatong dito ang tatlong larawan. Ang isa ay litrato ni Cake na kuha ilang taon na ang nakakaraan. Ang isa naman ay litrato ni Cake kasama ang isang matandang babae, marahil ay ang kaniyang ina. Ang huli ay larawan ng apat na bata na di maitatangging hawig ng inihatid.

Napakunot ng kaunti ang nuo ng bisita. Tila nagwawari kung sino ang apat. Muling naglakbay ang kanyang mga mata sa paligid. Sa tabi ng isa sa mga pinto ng silid, nakita nito ang dalawang kwadro ng diploma. Ang una ay isang highschool diploma na ang nakasulat ay Unelio Chua, Sa baba nito ang isang elementary diploma na may pangalang Dosido Chua. Nakalagay sa mga ito ang mga litrato ng dalawang pamilyar na mukha. Dalawa sila sa apat na bata sa larawang nasa lamesita.

Nabuo ang ilang tanong sa kanyang isipan. Sino sila sa buhay ng babaeng kanyang sinamahan? Pamangkin kaya? Kapatid? Mga tanung na uhaw sa kasagutan. Ngunit may isang tanong na hindi niya lubos maitanong sa sarili, anak kaya ni Cake ang mga bata.

Naghanap ng orasan habang nagkuyakoy na tanda ng humahabang paghihintay. Labing limang minuto na rin ang lumipas ngunit walang tanda na lalabas ang babae.

Paano kung anak ng kasama ang mga bata. Parang may takot na naniig sa kanyang kalooban. Hindi alam kung handa sa maaaring malaman.

Sa loob ng isa sa mga silid, bagaman nakapagpalit na si Cake ng pambahay, parang may pumipigil ditong humarap sa bisita. Sa kanyang kinatatayua'y tanaw ang kanyang anak na babae at ang inang mahimbing sa pagtulog. Dalawang rason ang pumipigil sa kanyang ituloy ang binabalak maliban sa di kaayaayang maaaring reaksyon ni Nitoy. Isa ay kung hindi matatanggap ng mga anak ang binata at ang pangalawa ang siguradong pagtanggi ng ina.

Sa pangangamba, naisip nitong sagutin ang message ni Aki,"Bes, huwag ka munang maingay ha. Si Nitoy, yung bagong waiter natin sa Lib.".

Sumandal ito sa pinto na tila kinakabahan habang naglilikot ang mga mata. Kunot ang noo at naglalakbay ang paningin. Nagtataka sa iniisip ng naghatid. Nagtatanung kung napansin ng kasama ang larawan ng kanyang mga supling. Batid niyang may pagtingin siya sa kasama at marahil ganun din ito sa kanya. Ang mga pagkakataong ito ay bibihirang dumarating sa buhay ng isang tulad niya. Pagkakataong maaaring di na siguro mauulit.

"Sino ka? Kaanu ano ka ni Nanay?", ang biglang narinig ni Cake mula sa kabilang panig ng pinto. Dalidali niyang binuksan ang pinto at siya namang tingin ng naguusap sa kanya. Tila gulat at wari nagaabang sa susunod na gagawin ng bisita, natakot ito sa maaaring isagot ng binata. "Nay!", ang sambit ni Pot sabay lapit sa ina at yakap dito. "Anak, maaga pa. Bakit gising ka na.", ang pagtataka ni Cake habang sumusulyap sulyap ito kay Nitoy na wari nagaabang sa reaksyon nito.

"Nay! Sinu siya?", ang pangungulit na tanong ni Pot. "Matalik akong kaibigan ng nanay mo. Kasamahan niya ako sa trabaho. Tito Nitoy!", ang sabat ng binata sabay ngiti kay Cake. Lumapit ang bata dito at muling nagusisa, "Boyfriend ka ba ng nanay ko?". Ang ngiti ni Nitoy ay biglang nagbago at tiningnan si Cake. Napalunok at nagiisip ng maaaring isagot.

Bakla ako, Babae ka!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon