BEN CARIAGA.
---
---"Ben, dadalhin ko lang 'tong mga pagkain at damit kay mama sa hospital. Dito ka lang, ha? Wag kang aalis. I-lock mo ang pinto bago ka matulog. Bukas ng umaga, nandito na rin ako. Magdamag ko silang babantayan doon," sabi ni kuya habang inihahanda niya ang kanyang mga dadalhin.
"H-hindi ba talaga ako pwedeng sumama kuya?" Tanong ko.
"Ben, makinig ka sa akin. Gustung-gusto kitang isama. Kaya lang, hindi pwede dahil maraming may sakit doon. Baka mahawa ka. At saka, isang tao lang ang maaaring magbantay sa loob ng kwarto kaya hindi kita pwedeng isama. Mas mabuti na na dito ka magpalipas ng gabi kesa doon," sabi naman niya.
Bumuntong-hininga ako at wala na akong magawa kundi sundin ang sinabi niya. Nasa ICU ngayon si mama dahil sa tumor niya sa ulo. May sakit si mama sa mata at naapektuhan ito ng tumor na lumalaki sa ulo niya. Hindi na rin siya makakita sa mga panahong ito.
Ipinagdasal ko si mama. Walang tigil ako sa pagdarasal dahil may tiwala ako sa Diyos na ililigtas niya si mama. Pagkatapos kong magdasal, kagaya ng sinabi ni kuya ay ini-lock ko na ang pinto at saka ako natulog.
Naalimpungatan lamang ako nang makarinig ako ng hindi natural na ingay sa labas. Ingay ng nakabibinging sirena at nagkakagulong mga tao.
Dahil sa kuryosidad, kahit papungay-pungay pa ang aking mga mata ay binuksan ko ng bahagya ang bintana sa aking kwarto para tingnan ang nangyayari sa labas.
At masyadong naokupa ang utak ko ng mga nagkakagulong tao bago ko pa tuluyang mapansin na nasusunog na pala ang malaking parte ng aming lugar.
Bigla akong nabuhayan ng dugo. Bumalot ang kaba sa dibdib ko at napatingin ako sa paligid. Panay usok ang nakikita ko. Sa takot ko ay lumabas ako ng kwarto. Hindi pa man nadadamay ang bahay namin ay ramdam ko na ang init at ang amoy ng usok.
Pinuntahan ko muna ang kwarto ni kuya Japs ngunit wala siya doon. Mas lalo akong kinabahan.
"Kuya...?" Utal kong pagtawag.
Wala sa sarili akong lumabas ng bahay at nakita ko ang kumpulan ng mga tao. Napatingin ako sa harap namin at halos manghina ang mga tuhod ko nang makita kong nilalamon na ng apoy ang kalakhan ng aming baryo.
Tumingin-tingin ako sa paligid upang hanapin si kuya ngunit hindi ko siya makita dahil sa dami ng taong nagkakagulo. Agad akong umalis sa pwesto ko upang hanapin si kuya Japs.
No, kuya Japs. Please...
"Kuya? Kuya!" Sigaw ko. Ngunit tila walang nakakarinig sa akin. Napahawak ako sa dibdib ko at sobrang bilis na ng tibok ng puso ko dahil sa kaba.
"Kuya!" Pagpapatuloy ko sa pagtawag kay kuya. Ngunit hindi ko sya makita.
Halos malibot ko na ang buong lugar namin ngunit hindi ko pa rin talaga sya makita.
"K-kuya, tulong... Tulungan mo ako.. T-tulungan nyo ako.." pahikbi kong bigkas.
Muli akong lumingon-lingon sa paligid para hanapin siya ngunit wala.
Nakaramdam ako ng matinding bigat sa dibdib ko. Nanginig ang mga labi ko. Ramdam ko ang pag-init ng mga mata ko at ang nagbabadyang pag-tulo ng mga luha ko.
"Kuya..."
Nakarinig ako ng busina ng sasakyan sa bandang kanan ko at tiningnan ko ito. Masyadong nakasisilaw ang liwanag.
Ang labo.
Masyadong malabo.
Pagkatapos noon ay hindi ko na alam kung ano ang sumunod na nangyari. Ang natandaan ko na lang ay nakahiga ako sa isang komportableng higaan. Naririnig ko rin ang paputul-putol na tunog mula sa makina. Tunog na madalas kong marinig sa mga ospital.
BINABASA MO ANG
A Love That Never Fades ☑️
Ficción General[BXB] 🟢 Ito ang mga luha ko. At kahit gaano karaming luha na ang mailuha ko -- nakikita at nakikita ko pa rin siya na nakangiti sa akin. Malinaw. Maliwanag. Masigla. Punung-puno ng kulay. Ito lang naman ang gusto ko. Ang muling makita ang ganda ng...