NAGMAMADALING tinahak ni Kisses ang corridor ng Math building. Kung hindi niya bibilisan ang paglalakad ay tiyak na male-late na siya sa first subject niya. Hindi niya gustong ma-late sa Physics class nila dahil napaka-terror ni Miss Martinez-ang matandang dalaga na teacher nila sa subject na iyon. Tiyak na katakot-takot na panenermon ang aabutin niya rito kapag tuluyan siyang na-late. Kung bakit naman kasi sunod-sunod ang exam nila ngayon. Tinanghali tuloy siya ng gising dahil napuyat siya sa pagre-review kagabi.
Sa kasalukuyan ay fourt year high school na siya sa St. Martin Academy. Balak niyang kumuha ng kursong Interior Design pagdating ng kolehiyo.
Sumulyap siya sa suot na relo pagkatapos ay pumalatak. Ilang minuto na lang at tiyak na masasabon na siya ng masungit na teacher nila.
Sa kanyang pagmamadali ay wala sa loob na nabunggo niya ang isang lalaki. Napasinghap siya ng maramdaman ang malamig na likidong tumapon sa blouse niya.
"Sorry, Miss," maagap na wika ng lalaki sa kanya.
Nanlilisik ang mga matang tiningnan niya ang lalaki sa harap niya. "Sorry yourself. Sa tingin mo, kayang pawiin ng sorry mo ang nangyari sa damit ko?" sikmat niya rito.
"I'm really sorry. Here." Naglabas ito ng panyo sa bulsa at inabot sa kanya.
Tinapunan niya lang ng tingin ang panyo. "Next time, tumingin ka ng mabuti sa dinadaanan mo at nang hindi ka nakakadisgrasya."
Kumunot ang noo nito. "You should've told that to yourself, Miss. Ikaw ang may kasalanan kung bakit kita natapunan ng softdrink. Kung makapaglakad ka kasi parang pag-aari mo ang daan. Ako na ang nag-sorry, ikaw pa'ng galit." Pinasadahan siya nito ng tingin. "O baka naman, sinadya mo talaga ito para magpapansin sa'kin?" Then his lips formed a smile.
Nagpanting ang tenga niya. "Aba't-" Nabitin sa ere ang maaanghang na salitang bibitawan niya nang tumunog ang cellphone niya. Kinuha niya iyon mula bulsa ng kanyang palda at binasa ang text na mula sa kaklase at kaibigan niyang si Mandy.
Hey Kisses, where are you na? Nandito na si Miss Martinez!
Pinaningkitan niya ng mata ang bwisit na lalaki. Ngayon lang niya napansin na hindi ito estudyante ng St. Martin. Naka jeans at shirt kasi ito. Hindi rin ito mukhang high school student base sa tindig at porma nito. "You beast," naiinis na sambit niya. "Dahil sa'yo late na ako sa klase. At worst, mukhang hindi na ako makakakuha ng quiz."
The guy in front of her sighed. "Look Miss, I'm really sorry. "
"Hindi ko kailangan ng sorry mo," she hissed. "Sayo'ng-sayo na iyan." Umismid siya. "'Wag ka kasing pakalat-kalat dito. Sino ka ba, ha?"
He shrugged his shoulders. "Jeremy Sandoval. I'm the school director's nephew." Ngumiti ito. "Kung ayaw mo ng sorry ko, ano'ng gusto mo? A date with me?"
"Anong date?" Kaya naman pala mayabang ang lalaking ito dahil kamag-anak ang school director. Pero so what? Wala siyang pakialam kahit pa anak ng presidente ang makabangga niya.
"Baka kasi iyon talaga ang gusto mo? Sinadya mo akong bunguin para mapansin kita?" He was smiling mockingly.
At talaga naman palang ubod ng yabang ang lalaking ito. "Date your face," panonopla niya rito."
Nananatili pa rin itong nakangiti. "You know what? I like you, Miss." Hinubad nito ang suot na jacket at inabot sa kanya. "Gamitin mo muna. Makakatulong iyan sa'yo."
"Hindi ko kailangan iyang jacket mo."
Nakakalokong tumingin ito sa blouse niya. "Okay. Ang cute ng color, ah. Pink."
Pink? Nanlalaki ang mga matang ibinaba niya ang mga kamay sa dibdib. Dahil nabasa ang blouse niya ay bumakat ang bra niya. "Bastos!" singhal niya sa lalaki.
Nakangising iwinagayway nito ang jacket. "'Need this?"
Naiinis na hinablot niya rito ang jacket at nagmamadaling tumakbo.