”CONGRATS, ah,” bati ni Kisses kay Jeremiah pagkatapos ng laro ng mga ito. Ang school kasi nila ang nanalo.
“Thanks,” sagot ni Jeremiah sa kanya.
Inaya siya ni Mandy na puntahan ang mga ito sa labas ng dugout pero nawawala naman ang kaibigan niya. Bigla itong nagpaalam na magpupunta ng CR pero hindi na bumalik ang bruha. Mag-isa lang tuloy siya ngayon dito.“Nag-enjoy ka ba sa panonood?” tanong nito.
Tumango siya. “Yup. Ang ganda ng performance mo,” komento niya rito. Sa buong oras ng laro ay hindi nawala ang energy nito. Marami itong naiambag na puntos.
“Really?” Hawak ang batok na sambit nito.
Gusto niyang matawa. Ang mayabang na lalaking ito ay marunong din palang magpaka humble paminsan-minsan.
“Ganoon talaga kapag may inspiration,” biglang singit ng isang lalaki sa kanila. Umakbay ito kay Jeremiah. “Sino ba namang hindi gaganahang maglaro kung may naghihintay na kiss, ‘di ba, pare?” nakangising wika nito kay Jeremiah.
Agad siyang nag-iwas ng tingin. Nagsimula na namang mag-init ang pisngi niya. Hindi tuloy niya nakita ang reaksyon sa mukha ni Jeremiah. Narinig lang niya ang mahinang pagtawa nito. Kapagkuwan ay nagsalita ang binata. “Why don’t you look at me?”
Kagat ang ibabang labing hinarap niya ang lalaki. Mabuti na lang at wala na ang lalaking kasama nito. “W-what?”
Tumaas ang isang sulok ng labi nito. “Did you just blush?” amuse na tanong nito.
“Huh?” Muli siyang nag-iwas ng tingin. Ramdam pa rin niya ang pamumula ng pisngi niya.
Nanunuksong humalukipkip ito. “So, where’s my kiss?”
Napamaang siya. “W-what kiss?” She tried to act normal as she can. Ito na nga ba ang sinasabi niya, eh. Lintik naman kasi itong si Mandy, kung anu-ano ang kalokohang naiisip. Siya tuloy ang nalalagay sa ganitong sitwasyon. Paano niya ngayon lulusutan ang pang-aasar ng lalaking ito?
“Kinalimutan mo na agad?”
Alanganin siyang ngumiti. “I really didn’t mean that kiss. Si Mandy talaga ang nagsulat n’on.”
Lumarawan ang panghihinayang sa mukha nito. “Akala ko pa naman totoo na.” Pumalatak ito. “Lagi mo talaga akong tinatanggihan.”
Hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Hindi rin kasi niya alam kung seryoso ba ito o nagbibiro lang. Pero he looked as if he was really hurt. Nasaktan nga kaya ito sa sinabi niya? Kung tutuusin ay wala namang masama sa paghingi nito ng kiss. They were in a relationship at normal lang ang bagay na iyon. Pero paano niya magagawang halikan ito kung hindi naman talaga siya ang nobya nito? Kung holding hands at akbay lang ay walang problema sa kanya. Pero ibang usapan ang kiss. Hindi siya papayag na ang maging first kiss niya si Jeremiah. He was her sister boyfriend, for heaven’s sake.
Hindi sinasadyang napatingin siya sa labi ni Jeremiah. Pinkish at kissable ang manipis na labi nito. Marahil ay maraming nahalikan ang mga labing iyon. She would also bet na eksperto na ang mga labi nito sa art of kissing. Lihim na pinagalitan niya ang sarili. Lately, ay kung anu-ano na ang naiisip niya. Sana talaga ay matapos na ang isang linggong pagpapanggap niya. She couldn’t take it anymore. Hindi niya sigurado kung sa mga susunod na araw ay makakaya pa niyang magpanggap bilang Hershey sa harap ni Jeremiah.
“Hey,” untag sa kanya ni Jeremiah. Inakbayan siya nito. “Bakit natahimik ka?”
Umiling siya. “Nothing.” She took a deep breath. Heto na naman siya sa kakaibang nararamdaman kapag kadikit ang binata. Nang maging aware siya sa paglalapit nila ay awtomatiko ang pagiging abnormal ng tibok ng puso niya. Lalo tuloy siyang naiilang sa binata. Ano ba itong nangyayari sa kanya?
