PUMALATAK si Kisses habang naglalakad galing sa library. Pagkatapos niyang mangagaling sa condo ni Jeremiah ay nagpahatid siya rito pabalik ng campus. Gusto pa nga nito na hintayin siya at ihatid sa bahay nila pero tumanggi siya. Sinabi niya na magtatagal pa siya kaya umuwi na ito. Kaya nagtagal pa nga siya ng kaunti sa library. Hindi na nga niya namalayan ang oras. Malapit na palang dumilim.
Nasa gitna siya ng paglalakad nang makarinig siya ng boses na tumawag sa kanya—sa kapatid niya pala
“Hershey.”Kunot-noong nilingon niya ang pinanggalingan ng tinig. Nakita niya ang isang hindi pamilyar na mukha ng lalaki ang papalapit sa kanya.
“Bakit?” Iyon na lang ang nasabi niya. Pwede niyang sabihin sa lalaking ito na hindi siya si Hershey pero nagdalawang isip siya. Baka hindi lang ito maniwala. Isa pa, naisip niyang baka kakilala ito ni Jeremiah. Mas mabuti pang pangatawanan na lang niya ang akala nito na siya si Hershey. Mas mainam na ang nag-iingat.
Nabigla siya nang hawakan ng lalaki ang magkabilang balikat niya. Tila ba sabik na sabik itong makita siya.
“Mabuti na lang at nakita na rin kita. I miss you babe.”Nagsalubong ang kilay niya. Ano ang ibig sabihin nito? Bakit tinawag siya nitong ‘babe’? Dalawa ang boyfriend ni Hershey? “Ah—”
Nabitin sa ere ang sasabihin niya nang yakapin siya ng lalaki. “I miss you, Hershey. Please come back to me.”
Nang makahuma ay ubod ng lakas niyang itinulak ang lalaki palayo sa kanya. “How dare you hug me!”
singhal niya rito. Ni hindi nga niya alam kung sino pero ang lakas na ng loob nito na yakapin si ng ganoon na para bang boyfriend niya ito. Nang maalala niya ang sinabi nito. Boyfriend nga ba ito ni Hershey?Umiling siya. Hindi naman two timer ang kapatid niya. Baka naman ex-boyfriend.
“I’m sorry, Hershey,” anang lalaki. “Masyado lang kitang na-miss. I admit na hanggang ngayon, mahal pa rin kita.”
Kung gayon ay isa ito sa mga naging boyfriend ng kapatid niya. Kaya naman pala ganoon na lang ito umasta kanina. Pero kung tutuusin ay mali pa rin ito, hindi na ito nobyo ng kapatid kaya wala na itong karapatan na yakapin ng ganoon ang huli.
“I’m sorry pero may boyfriend na ako,” wika niya. Naisip niyang mas mabuting sabihin niya iyon. Siguro naman ay lulubayan na siya ng lalaking ito.
Nagsalubong ang kilay nito. “Boyfriend? Wala pa tayong isang buwang break, ipinagpalit mo na agad ako sa ibang lalaki?” Nahimigan niya ang hinanakit sa tinig nito.
Ibig sabihin ay ito pala ang karelasyon ng kapatid niya bago si Jeremiah. She tried to remember the guy’s name. Marvin? Yeah. Marvin nga. Tiningnan niya ang lalaki. Lumalabas na ipinagpalit ng kapatid niya ang Marvin na ito para kay Jeremiah. Guwapo at matangkad rin naman ang binata sa harap niya ngayon pero aaminin niyang mas lamang pa rin si Jeremiah. Parang biglang gusto niyang mainis sa ginawa ng kapatid at maawa kay Marvin. Pero wala siya sa posisyon para magsalita dahil hindi naman niya alam ang bawat pangyayari sa naging relasyon nito sa kapatid niya.“Marvin, I’m really sorry,” mahinang sambit niya. Siya na mismo ang humihingi ng tawad dito para sa nagawa ng kapatid niya. Nakikita niya sa mukha ng lalaki na labis itong nasasaktan.
“Sorry?” mapait na gagad nito. “Hindi ko kailangan ng sorry, Hershey. Ikaw ang kailangan ko.”
She took a sigh. Kung ang kapatid niya ay baliw kay Jeremiah. Itong lalaking ito naman ay baliw kay Hershey. “I don’t love you, anymore,” prangkang wika niya rito. Oo nga’t nakaramdam siya ng simpatya rito pero kailangan nitong tanggapin ang katotohanan. Talaga namang hindi na ito mahal ng kapatid niya. “I hope you could understand that.”
