“MADALAS ka bang pumunta rito?” tanong ni Kisses kay Jeremiah.
Katatapos lang nilang mag-lunch at nandito silang dalawa sa veranda ng bahay ng mag-asawa. Mula sa kinaroroonan nila ay matatanaw nila ang Taal lake.“Once a month,” sagot nito sa kanya. “Kapag hindi busy.” He looked at her. “Pasensya na kung bigla kitang dinala rito.”
Nakakapanibago. Marunong palang magpakumbaba ito. Ngumiti siya. “Wala iyon. In fact. I really enjoyed meeting them.” Totoo sa loob niya ang sinabi niya. Masarap kausap ang mag-asawang Yandra at Rex. Lalo na ang makulit pero ubod ng cute na anak ng mga ito. Very accomodating ang mga ito at likas na mabait. Bubusugin ka pa sa masasarap na putahe ng pagkain. Kanina nga sa lunch ay nasobrahan siya sa kain sa sarap ng luto ng pagkain.
“I’m glad na nag-enjoy ka.”
“Yeah. Baka nga mawili na ako rito, eh,” wala sa loob na sagot niya.
He chuckled. “Don’t worry, lagi kitang dadalhin dito kung gusto mo.”Natigilan siya sa sinabi nito. Bigla niyang na realize na hindi nga pala siya ang dapat ang nasa lugar na iyom kundi si Hershey. Ito dapat ang kasama ni Jeremiah at hindi siya. Ito dapat ang nakaranas ng lahat ng naranasan niya ngayon. Kanina ay nawala sa isip niya ang kapatid. Pakiramdam niya kasi ay hindi siya nagpanggap kanina sa harap ng mga ito. Oo nga at alam niyang nagpanggap siyang si Hershey. Pero habang kasama niya sina ate Yandra, pakiwari niya ay nailabas niya ang tunay na sarili. Pakiramdam tuloy niya ay naging unfair siya kay Hershey. Naagawan niya ito ng mga bagay na dapat sana’y para rito. Pero hindi naman siya ang may gusto nito kundi ang kapatid na mismo niya. Ito ang nagpumilit na magpanggap siya bilang ito.
Muli niyang naalala ang huling sinabi ng binata. That won’t happen again, sagot ng utak niya. Dahil sa susunod na pumunta ang lalaki ay hindi na siya ang kasama nito kundi si Hershey na talaga. Nakaramdam siya ng panghihinayang sa dibdib. Panghihinayang? Pero bakit? Para saan?
“Bakit natahimik ka yata?” untag sa kanya ni Jeremiah.
Ipinilig niya ang ulo. “Wala. Masyado lang akong na-engross sa magandang tanawin.”
He inhaled fresh air. “Nakakawala talaga ng stress ang lugar na ito. Madalas akong bumisita rito kapag stress ako.”
Kumunot ang noo niya. “Stress ka ngayon?”
He smiled lopsidedly. “Not really. Medyo pressure lang dahil sa sunod-sunod na game.”
Member nga pala ito ng basketball varsity team. At nabalitaan niya na nakapasok ang team nila sa semi-finals. “Well, congrats at goodluck sa team n’yo. Sa iyo.”
Bumaling ito sa kanya. “Thanks.”
Pinagmasdan niya ang mukha nito habang tinatamaan ng malakas na hangin. Hindi mababakas sa mukha nito ngayon ang kayabangan. Tuluyan nang nabura sa isip niya ang mga masasamang deskripsyon niya sa lalaki. Nagkamali lang talaga siya ng pagkakilala rito. Inaamin niya iyon. Noong una kasi ay puro hindi magaganda ang nakikita niya rito. Pero ngayon, habang tumatagal ay mas lalo niyang napapansin na mas marami itong magagandang katangian. Ngayon niya na-realize kung gaano kaguwapo ang lalaki. Kung gaano kaganda ang mga mata nito kapag ngumingiti.
“Jeremiah.”
“Hmm?”
She sighed. “Hindi ba gusto mong makipag-break dahil sabi mo walang patutunguhan ang relasyon natin? And now, we’re giving our relationship second chance. I just want to clear something. Bakit mo nasabi na wala ng patutunguhan ang relasyon natin? What went wrong?” matagal na rin niyang gustong itanong iyon sa isip niya. Kung mahal nga ni Jeremiah ang kapatid niya, bakit pa kailangang humantong sa ganoon?