“HI Hershey!”
Kisses rolled her eyes nang marinig ang pagbating iyon mula kay Mandy. “I’m Kisses,” pagtatama niya rito.
Nanlalaki ang mga matang pinasadahan siya ng tingin ng kaibigan. “Is that really you, Kisses?”
“Uhuh,” tumatangong wika niya. Nang mapansin niyang hindi pa rin ito kumbinsido ay nagsalita siya. “Ako lang ang nakakaalam na crush mo si Kent.” Ang tinutukoy niya ay ang ultimate crush nito noong high school. Sa kanya lang nito sinabi ang bagay na iyon.
“Oh my gosh!” Natutop nito ang bibig. “Ikaw nga si Kisses.” Isang beses pa nitong pinagmasdan siya. “What happened to you? Bakit mukha kang si Hershey sa ayos mo?”
Hindi na talaga siya magtataka kung mapagkamalan siyang si Hershey. Why? Dahil sinadya niya talagang gayahin ang kanyang kakambal.
Hinila niya si Mandy patungo sa cafeteria. Doon niya ikinuwento sa kaibigan ang tungkol sa kapatid niya at ang pakikipaghiwalay dito ng boyfriend nito. At ang pakiusap sa kanya ni Hershey na kausapin niya ang boyfriend nito.“Hershey must be really in love,” wika ni Mandy. Magkakilala ito at ang kakambal niya. Kumunot ang noo ni Mandy kapagkuwan. “Pero hindi ko pa rin ma-gets kung bakit kailangang mo pang gayahin si Hershey.”
“Kailangang kong magpanggap na si Hershey sa harap ng boyfriend niya.”
“What?”
Napangiwi siya sa reaksiyon ni Mandy. Mabuti na lang at kaunti pa lang ang customer sa cafeteria nang mga oras na iyon.
“Akala ko ba kakausapin mo lang ang boyfriend niya, bakit kailangang mo pang magpanggap na ikaw si Hershey sa harap ng Jeremiah na iyon?”
She sighed. Sinimulan niyang magpaliwanag sa kaibigan. Noong una talaga ay akala niya na kakausapin lang niya ang boyfriend ni Hershey kaya pumayag na siya sa pakiusap ng kapatid. Pero nalaman niyang hindi lang pala ganoon kasimple ang gagawin niya. Kailangan niyang magpanggap na si Hershey sa harap mismo ng boyfriend ng kapatid!
“Pumayag ka sa gusto ng kapatid mo?” Hindi makapaniwalang sambit ni Mandy.
“I don’t have a choice,” sagot niya. “My sister was very depressed. Nasabi pa nga niya na magus-suicide siya kapag tuluyang nakipaghiwalay sa kanya ang boyfriend niya.”
“Magagawa naman ba niya iyon?”
“I don’t know,” sagot niya. “Pero paano kung gawin nga niya?” Nitong mga nakaraang araw ay hindi niya nakikita ang ngiti sa mukha ni Hershey. Matamlay ito at parating mugto ang mga mata. Sa lagay na iyon ay nag-aalala siya na baka isang araw nga ay mag-suicide ito.
Kaya kahit labag sa loob niya ay sumang-ayon siya sa nais ng kapatid. Napilitan tuloy siya ngayon na magpalit ng damit at sapatos na palaging suot nito. Inalis din niya ang salamin at gumamit ng contact lens. Kanina habang pinagmamasdan niya ang sarili sa salamin ay masasabi niyang wala na talaga siyang ipinagkaiba kay Hershey.
“That boyfriend of your twin sister was really something,” pumapalatak na wika ni Mandy. “So ngayon, kailangan mong magsanay sa ganyang ayos para kapag makaharap mo na ang boyfriend ni Hershey ay hindi ka mailang?”
Tumango siya.
“Kailan mo naman balak harapin ang boyfriend ni Hershey?”
“Maybe tomorrow,” aniya. “He’s a fifth year engineering student here.”
Namilog ang mga mata nito. “Oh my, schoolmate natin siya?”
“Yeah.” Nagtanong na rin siya ng mga ibang bagay kay Hershey tungkol sa lalaki.
![](https://img.wattpad.com/cover/195608652-288-k360589.jpg)