Chapter 9

455 23 0
                                    


Chapter 9

Isang tipid na ngiti ang ibinigay ni Craven sa mga dumalo sa salo-salo na inorganisa ng kanyang ina. Maraming Royal Blood family roon, at isa na nga ang pamilya ni Via. Puro papuri ang naririnig niya pero hindi niya magawang lubos na maging masaya.

Itong mga bampirang nakakasalamuha niya, hindi siya tinanggap ng mga ito maging ang mga kakayahan niya dahil lang sa kalahating lobo siya. Pero ngayon pinagtutuunan siya ng pansin ng mga ito.

Si Cyan, hindi pa sila matagal na magkakilala pero nagtitiwala ito sa kanya. At hinahayaan niya itong paulit-ulit na suriin. Hiniling pa niyang magtiis ito hanggang matapos lahat ng pagsusuri para sa kanya.

Para sa ninanais niyang pagtanggap, sinasakripisyo niya ang isang taong nagpapahalaga sa kanya.

Nakita ni Craven si Via na kadarating lang sa pagtitipon. Suot nito ang isang itim na makinang na bestida at pulang-pula ang labi nito. Iniwasan niyang magkasalubong sila. Sa exit door siya dumaan. Wala siyang planong makipag-usap.

Alam ni Cyan na hindi siya pupunta ngayong gabi sa kuwarto nito dahil sinabi niyang doon siya magpapalipas sa mansyon nila. Ngunit nagbago ang isip niya, mas gusto niya pang titigan ito habang natutulog. Ang katatagan nito ang higit na nagpapahanga sa kanya dito. Sisiguraduhin niya na kapag natapos na ang lahat, hindi na niya ito hahayaan pang gawing paksa ng kung ano mang pag-aaral.

Naglaho siya pagkalabas sa exit door at sa isang iglap naroon na siya sa pintuan ng silid ni Cyan. Hindi na siya kumatok at pinihit na ang seradura ng pinto. Tumambad sa kanya ang nakaupong si Cyan sa isang gilid at nakatungo ito sa mga binti nitong nakatiklop. Suot nito nang mga oras na iyon ang isang printed shirt at walking short. Nasa ibaba ng paanan nito ang roba nito.

Natulos siya sa kinatatayuan nang makita ang mga pasa sa katawan nito.

"Magdiwang ka na, Vamolf! Nagtagumpay ka sa pagpapaikot kay Cyan, at bago pa niya maisip na humingi ng tulong sa iba mas pipiliin niyang ilihim ang lihim mo. At ngayon, dahil sa katangahan niya sa pagiging mapagpaniwala, mamamatay siya para sa isang demonyong katulad mo!"

Hindi niya inaasahan na mauulinigan niyang muli ang boses ni Red nang huli silang mag-usap.

"Cyan—" pakiramdam niya nilalamukos ang puso niya dahil sa nakikitang anyo nito.

Napaangat ang ulo nito. Namamaga ang mga mata nito, halatang babad sa pag-iyak at may takot sa mga iyon.

Kinuha nito ang roba sa sahig pero pinigil niya ito nang mabilis siyang makarating sa harapan nito.

"Bakit hindi mo sinasabi na nagkakaganito ka?" tiim-bagang na wika niya.

Hinawakan niya ito sa braso na may malaking pasa pero agad nitong binawi iyon dahil nasaktan ito.

"Patawad, hindi ko na kakayanin 'yong susunod..." pumatak na naman ang mga luha nito na halos dumurog sa kanya. "Patawad..." ulit nito.

Wala siyang magawang sabihin dahil galit ang mabilis na kumakalat sa buong katawan niya. Sinasaktan ito at narito ito sa harapan niya humihingi ng tawad na hindi na nito kakayanin pa. Naroon ang paghihirap sa boses nito na lumalamukos sa puso niya nang paulit-ulit.

Niyakap niya ito. Hindi na niya kayang pigilin pa ang damdamin. Hindi na niya kayang isakripisyo pa ito.

"Itatakas kita," aniya rito.

"Mapapahamak ka lang, ganoon din si Red. Hayaan n'yo na lang ako, hindi rin nila tayo papatakasin."

Tama, wala silang matatakbuhan. Maraming mga bampira. Oo kaya niya itong ipagtanggol pero nag-iisa lang siya. Malaki ang tiyansa na ikamatay lang nilang dalawa iyon.

FORBIDDEN FRUIT ( BL ) PUBLISHED UNDER BLACK INKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon