EPILOGUE

648 40 0
                                    


Epilogue

Ang malaking barkong sinasakyan ni Cyan at Craven ay patungo sa malayong lupain na may kastilyo ng mga lobo. Ang barkong kinasasakyan nila ay mismong pag-aari ng mga ito na hindi halos mapaniwalaan ni Craven. Kung may kastilyo ang mga taong-lobo, ibig sabihin ay higit pa sa inaasahan niya ang kapangyarihan ng mga ito.

Sumama sila ni Cyan sa mga ito dahil maaaring hanapin sila ng iba pang mga bampira. Isa pa, gusto niya talagang malaman kung sa lugar ba na iyon matatagpuan ang kanyang ama. Tatanggapin kaya siya nito kung sakali?

Bago sila umalis nagpadala si Cyan nang sulat kay Red, Klyde, at sa lolo nito. Sa eskuwelahan ng Ambrose nagpadala ng sulat si Cyan para sa mga kaibigan at sa mismong mansyon nila niya ipinadala ang para sa lolo niya.

Siya naman ay nagpadala ng mensahe sa kanyang ina sa pamamagitan ng isang uwak. Sinabi niyang maaaring hindi na sila magkita ngunit sinabi niyang maayos ang kalagayan niya kasama ang mga salitang 'Malapit ko nang matagpuan si Papa.'

Hindi na siya natatakot pang hindi nito tanggapin kagaya ng mga kalahing bampira. Hangga't kasama niya si Cyan ang pagtanggap lang nito ay sapat na sa kanya.

"Tinanong ni Master King kung alam mo raw ba ang pangalan ng papa mo? Hindi ka kasi ngumingiti sa kanila. Sinabi ko naman sa 'yo gusto ka nilang makilala," sabi ni Cyan na lumapit sa kanya nang nasa upper deck sila ng barko at minamasdan ang maliwanag na siyudad na iniiwanan.

"Lazarus," sagot niya kay Cyan.

Niyakap niya ito mula sa likuran.

"Sasabihin ko na lang sa kanya 'yan," sabi ni Cyan na saglit siyang nilingon at nginitian.

Ngiti lang nito kaya nang pagaanin ang bigat ng damdamin niya. Magpapalakas pa siya para maprotektahan si Cyan, handa niyang ibuwis ang buhay para dito.

"Patawad kung narinig ko ang usapan n'yo," sabi ni King, ang pinuno.

Agad silang kumalas sa isa't isa para tingnan ito.

Nginitian sila nito.

"Kapatid ko si Lazarus. Siya ang madalas na pinuno ng mga digmaan. Kung malalaman niya na nagbunga ang pagmamahal niya sa iyong ina, nasisiguro ko na matutuwa siya."

Naroon ang kasiguraduhan sa mukha nito.

"Nasisiguro mo ba?" tanong pa rin ni Craven na gusto mang umasa pero mas malaki pa rin ang pagdududa.

Tumango si King. "Nasisiguro ko. Isa pa, kitang-kita naman sa anyo mo, lalo na noong nagpalit anyo ka, na mula ka talaga sa aming angkan," malaki ang paniniwalang wika nito.

Nagkatinginan sila ni Cyan at tila nag-usap ang mga mata kasunod ng parehong pagngiti.

Tatlong araw ang biniyahe nila bago nila marating ang mala-paraisong lupain ng mga taong-lobo. Puno iyon nang naggagandahang makukulay na bulaklak at matayog ang kastilyo na nasa dulong bahagi.

Hindi batid ni Craven at Cyan na bago pa sila dumating roon ay nalaman na ni Lazarus ang tungkol sa anak. Isa itong heneral ng hukbo at isa sa pinagpipiliang susunod sa ama nitong hari katulad ni King na kapatid nito.

Kaya naman nang bumukas ang tarangkahan ay sinalubong agad sila nang maraming nakatungong mga anyong tao na mga taong-lobo at ngiting-ngiti sa kanila. Doon pa lang ay pagtanggap na ang humaplos sa puso nila.

Ngayon, hindi na yata masisisi ni Craven ang ina na nagmahal ito ng isang taong lobo lalo pa at hindi mapagmataas ang lahi na iyon kompara sa mga bampira na mas pinahahalagahan ang prinsipyo at kalagayan sa buhay.

"Anak," sabi ni Lazarus na may matikas na pangangatawan at pilak na buhok.

Naroon ang ngiti sa mga labi nito nang makita ang anak na hindi niya akalain na mayroon siya. Kung nalaman niya nang mas maaga, sana ay pinilit niyang bawiin si Cassandra sa pamilya ng mga Royal Blood. Ngayon na nasisiguro niya at nararamdaman niya na anak niya ang nasa harapan, na ngayon ay tila nabigla sa naging pagtawag niya dito, ay sisiguruhin na niyang babawiin ang ina nito para roon na sila manirahan.

Siya na ang kusang lumapit sa anak at niyakap ito. Sa loob ng labing-siyam na taon na nahiwalay siya sa ina nito ay hindi niya akalaing darating pa pala ang panahon na magkokonekta muli ang landas nila. Dahil may supling siya na ngayon ay nasa bisig niya. Nalaman niya kay King ang sinapit ng dalawa kaya naman digmaan ang ihahain nila oras na guluhin uli nang mga bampira ang anak niya at ang kasama nito.

Si Cyan naman ay nangingilid ang mga luha kasabay ang ngiti sa mga labi. Kung hindi man natanggap ng ibang mga bampira si Craven sa lupain ng ama nito ay iba. Walang pag-aalinlangan. Ito na ang bagong mundo nila, bagong tahanan, at bagong pamilya.

FORBIDDEN FRUIT ( BL ) PUBLISHED UNDER BLACK INKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon