Chapter 2

1.1K 53 13
                                    


Chapter 2


Chapter 2

Marahang itinaas ni Craven ang kanang kamay at ipinuwesto ang kamay sa ilalim ng buwan. Tila iyon nasa palad niya—ganoon ang nais niya, ang makilala ang ama na kabilang sa lahi ng mga matataas na taong-lobo at maabot ito sa mas maagang panahon. Pero paano mangyayari iyon kung hindi niya alam kung paano ito hahanapin?

Naningkad ang balat niya na tila kumikinang dahil natatamaan iyon ng liwanag ng buwan. Pakiramdam niya ang buwan lang ang koneksiyon na mayroon siya sa hindi nakikilalang ama.

Isa siyang 'Vamolf' o kalahating bampira at kalahating taong lobo. Nabibilang siya sa pamilya ng mga Royal Blood Vampire—ikalawang pangkat na pinakamataas at sumusunod sa mga Pure Blood Vampire. Ngunit kahit gaano kataas ang puwesto niya bilang bampira ay hindi niya maiwasang isipin ang ama na kabilang din sa mataas na lahi ng mga taong-lobo.

Hindi man sabihin ng iba, pero alam niyang hindi siya katanggap-tanggap dahil resulta siya ng maling pag-ibig. Isang malaking kahihiyan sa mga Royal Blood ang magkaroon ng kadugong katulad niya na nahahaluan ng dugo't laman ng isang taong-lobo. Kung may isang bampira man na tumatanggap sa kanya ay ang kanyang ina lamang iyon na alam niyang umaasa pa rin na makasama ang ama niya kahit ikalawang asawa lamang nito. At lahat gagawin ni Craven para matupad ang nais ng kanyang ina na tanggapin siya ng mga kauri niyang bampira, lalo na ang tingalain sa kabila ng dugong nananalaytay sa kanya.

Ipinikit niya nang marahan ang mga mata. Dinama niya ang malamig na simoy ng hangin. Mga kakaibang huni ng panggabing ibon at mga hayop na sa oras na iyon ay hindi mapakali sa kakahuyan para humanap ng makakain at ang iba naman ay tumatakbo upang mabuhay dahil bibiktimahin sila ng mga hayok na hayok na hayop ng kakahuyan.

Nilayuan niya ang pandama hanggang makarating iyon sa isang eskuwelahan at dormitoryo na puro lalaki lang ang naninirahan. Narating niya ang lugar na kanina lang ay inapakan niya at pinasok.

Nangiti siya nang maalala na pinapasok lang siya nang ganoon kadali, hindi man ito nagsalita ay hindi rin ito tumutol. Hindi man ito nabiktima ng asong-lobo ay siya ang bibiktima rito. Gumuhit ang ngiti sa labi ni Craven at marahang iminulat niya ang kanyang mga mata.

Kusa siya nitong pinapasok sa kuwarto nito kahit pa alam nito na hindi siya pangkaraniwan. Hindi ito tumutol kaya naman kahit hindi nito sabihin ay nagawa niyang pumasok sa loob. At oras na papasukin sila ng isang tao sa pamamahay ng mga ito ay magagawa na nilang pasukin iyon nang paulit-ulit. Iyon ang kahangalan ng taong iyon. Ang totoo ay wala siyang balak iligtas ito. Dahil kahit katiting na damdamin sa mga tao o malasakit ay wala siya para sa mga ito.

Nakakahalina lang ang amoy nito. Pakiramdam ni Craven tinutuyuan siya ng lalamunan. Isa itong mabangong pagkain. Para bang ang dugo nito, kung matitikman niya, ay nanaisin niyang unti-untiing namnamin. Walang kahit na anong tabletang dugo ang makapagbibigay sa kanya ng linamnam na pakiwari niya ay matitikman niya sa lalaking iyon. Nakapagtataka man dahil lalaki rin ito, ngunit nakadarama siya nang labis na pagnanasa sa dugo nito.

Isinara niya ang bintana kaya nanamlay ang liwanag na mayroon ang kuwarto niya. Tanging ang lampshade lang sa side table na malapit sa kama niya ang bukas at mapula pa ang ilaw na mayroon ito. Ngunit sapat na iyon dahil malinaw naman ang paningin ng bampira kung gabi.

Sa Renfield University siya nag-aaral. Isang institusyon na nasa dulo ng kakahuyan at lahat ng nag-aaral doon ay bampira mula sa iba't ibang uri. Kalapit ng eskuwelahan ang R.U. Pharmaceutical Company na pag-aari ng Renfield University. Isa ito sa nag-aaral at tumutuklas ng mga makabagong gamot na magagamit nilang mga bampira upang maiwasang makapanakit ng tao. Iniiwasan pa rin nilang lumaganap ang tungkol sa kanila dahil magiging mailap ang mga tao kapag nagkataon.

FORBIDDEN FRUIT ( BL ) PUBLISHED UNDER BLACK INKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon