Chapter 10

523 27 1
                                    


Chapter 10

Naglabas si Via ng mga maliliit na patalim mula sa mga palad niya. Aasintahin niya si Cyan na pilit ipinagtatanggol ni Craven, ang naging hangal na lalaking ginusto niya. Higit pa sa pagiging Vamolf ang kinahaharap nito ngayon kaya paano pa niya ito nanaisin? Kaya papatayin na lang niya si Cyan nang makaganti siya sa ginawa nito.

Hindi niya alam na sa isang sanga sampung metro malapit sa kanya ay may isang nilalang na nakaasinta rin ang pana sa kanya. Dahil sa pagkaabala sa binabalak naging manhid siya sa paligid.

Bago pa niya pakawalan ang mga patalim, isang pana na may nakamamatay na lason ang nasa talim ang patungo sa kanya nang mabilis. Tinamaan si Via sa likuran na tumagos hanggang sa harapan niya. Nabigla siya kaya agad niyang nilingon kung sino ang gumawa niyon.

Nang makilala niya ito ay nakatutok na uli sa kanya ang pana nito. Bago siya makaganti ay tumalab na ang lason sa katawan niya na ikinamanhid niyon.

Pinakawalan muli ng kalaban niya ang pana nito na sa leeg na niya tumama. Nagkalat ang dugo sa katawan at leeg ni Via bago siya bumagsak sa damuhan. Sinundan siya nito sa ibaba at hinugot nito ang dalawang palaso sa naghihingalong si Via.

"Magpahinga ka na. Masikip ang daigdig na ito para manatili pa ang isang tulad mong walang silbi," isang ngiti ang gumuhit sa labi nito.

"Mag... ba... ba... yad ka..." ani Via. Nang malagutan ito ng hininga ay hindi ito naglaho dahil ang edad nito ay angkop pa rito kagaya ni Craven.

Isinuot ni Red ang itim na hood at tiningnan si Craven na nakikipaglaban. Hindi siya sang-ayon sa pagkakagusto ni Cyan kay Craven. Ngunit dahil pareho silang kalahating bampira ay hindi na niya ito isasama sa mga bampirang nais niyang wakasan ang buhay.

Naglaho na si Red dahil kailangang maging lihim ang ginawa niya. Pinagkakatiwalaan siya ni Creed at hindi dapat masira iyon. Ginawa na niya ang parte niya. Kausap niya ang doktor na may pagnanasa kay Cyan nang dumating si Via at sabihin na itinakas ni Craven si Cyan. Nang mag-utos ang doktor na ipaalam agad iyon sa konseho ay mas inuna niyang tunguhin ang inutusan nito at pinatay. Kaya walang nakarating sa konseho dahil kung dadating ang balita roon nasisiguro niyang wala na talagang ligtas ang dalawa.

Hindi niya rin maaaring kaharapin ang doktor na iyon dahil may kakayahan itong magpahatid ng mensahe kay Creed gamit ang isipan nito. Si Creed ang katulad nitong may kakayahan na makipag-usap sa isip gaano man kalayo ang pagitan ng mga ito sa isa't isa. At kahit humingi ito ng tulong kay Creed, hindi ito tutulungan ng makasariling Pure Blood dahil wala itong pakialam sa kahit na sino maliban kung tungkol sa kanya. Makapagpapalala lamang siya ng sitwasyon kaya lumisan na siya.

Samantala, walang patid ang luha ni Cyan dahil ilang beses nang bumagsak sa harapan niya si Craven. Malakas ang huling kinakaharap nito. Bugbog na bugbog na ang katawan ni Craven. Mabibilis ang naging pagsugod nito sa doktor na napabagsak rin nito. Ngunit kung titingnan ang laban ay higit pang malakas ang doktor.

"Craven—" umiiyak na wika niya rito.

Pinilit pa rin ni Craven na tumayo. Nanghihina na talaga siya. Ngunit kinakailangan niyang ituwid ang tayo dahil alam niyang nag-aalala si Cyan.

"Susunod ako sa 'yo. Tumakbo ka na at magkulong ka sa kuwarto mo. Humingi ka ng tulong sa mga kaibigan mo."

Iyon na lang ang tanging nakikita niyang pag-asa para makaligtas ito.

"Hindi ako aalis nang 'di ka kasama!"

"Umalis ka na," may pakiusap sa mga mata ni Craven. Hindi niya masabi dito na hinang-hina na ang pakiramdam niya. "Hindi ko na gustong bumalik ka pa sa laboratoryo, Cyan! Umalis ka na!" ani Craven na labis ang pakiusap dito.

FORBIDDEN FRUIT ( BL ) PUBLISHED UNDER BLACK INKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon