Chapter 5

740 39 9
                                    



Chapter 5

Nais ni Craven na ilagay ang sarili sa mataas na posisyon. Pero habang nakikilala niya si Cyan, parang may pader na nabubuo paunti-unti na pumipigil sa kanya na marating ang pinangarap niya na pagtanggap ng lahi ng mga bampira.

Nasabi niya nang ganoon kadali lang ang ilang bagay tungkol sa kanyang sarili kay Cyan. At sa hindi niya maipaliwanag na dahilan, nahalikan niya ito. Hindi ba dapat mailang siya sa naganap? Pero bakit hindi? Parang lalo lang tumitindi ang kagustuhan niya na mas mapalapit dito.

Dahil ba sa nakakahalinang dugo nito? Marahil ang kakatuwang damdamin na nadarama niya para rito ay dahil sa masyadong mabango ang dugo nito sa pang-amoy niya. At kung matitikman niya iyon ay masasagot niya ang kanyang mga katanungan sa sarili.

Isa pa, kailangan niyang higit na panindigan ang matagal na niyang ninanais. Hindi habang-buhay ay may oportunidad siyang makukuha. Si Cyan, ito ang kailangan niyang isakripisyo kaya kinakailangan niyang hindi magpadaya sa damdamin niya.

Pero sa ilang araw na lumipas, nagkakaroon si Craven ng kakaibang pagseselos sa mga lalaking nasa paligid ni Cyan. Pakiramdam niya lahat ay may posibilidad na magkagusto rito dahil palagi itong nakangiti. Kaya siniguro niyang kahit saan ito magpunta ay kasama siya nito.

Ipinakiusap niya sa kanyang ina na maging exchange student siya dahil kay Cyan, sinabi niya ang tungkol sa dugo nito at natuwa ito dahil isa iyong magandang oportunidad para sa kanya. Gumawa ito ng paraan para pilitin ang school head na pansamantalang ipagpalit siya sa isang eskuwelahan dahil sa 'stress' kuno na pinagdaraanan niya. Pumayag ito, at dahil isang all boys school ang Ambrose, walang naghinala na may iba siyang pakay sa lugar.

"Ang lalim na naman ng iniisip mo."

Isang sticky note ang dinikit ni Cyan sa noo niya. Kinuha niya iyon at binasa. 'Sungit' ang nakalagay kaya tinitigan niya ito. Hayun na naman ang ngiti nito. Nakapangalumbaba si Cyan sa mesa, naroon sila sa second floor ng library at dahil lunch break kaya wala halos gaanong tao roon.

"Nakakahiya naman sa kausap mo nang matagal sa cell phone," sabi ni Craven na muling ibinalik ang tingin sa binabasa at idinikit sa harapan ng libro ang sticky note.

"Uhm, nagagalit ka ba talaga dahil do'n?" anito na iniharang ang kamay sa libro niya.

"I'm not. Walang dahilan para magalit ako," aniya na tinanggal ang kamay nito.

Hindi naman talaga siya nakapagbabasa. Naiinis siya dahil puro Klyde ang naririnig niya rito. Kulang na lang sabihin nito sa kanya na umalis na siya nang makabalik na iyong hudas na Klyde na iyon. Sa loob nang ilang araw hindi nagpalampas kahit isang araw iyong Klyde na iyon para bugnutin siya. Hindi niya gusto ang siyang-siyang mukha ni Cyan kapag kausap ito sa cell phone.

"Hindi naman pala, bakit lagi kang nakasimangot 'pag kausap ko siya?" panunukso nito sabay pisil sa ilong niya.

"Isa—"

Naiinis siya. Hindi ba nito maramdaman iyon? Kailangan pa bang sabihin niya para malaman nito na hindi niya gusto ang ideya na natutuwa ito sa ibang lalaki? Bakit kailangan niyang magselos sa lalaki rin? Dahil pakiramdam niya may kakaibang halina si Cyan na kahit lalaki ay mapapahulog nito?

"Alam mo ba kung bakit ako isinilang?" anito.

"Bakit?" halos magdikit ang kilay niya dahil hindi na siya umusad sa pagbabasa.

"Para makilala ka."

Sa sinabi nito hindi niya magawang mag-angat ng ulo. Gusto niyang mapamura dahil tila may kiliti sa damdamin niya ang sinabi nito. Nitong mga nakaraan, hindi na ito naiilang sa kanya at dahil doon nagiging malaya itong sabihin ang mga gusto nito, katulad ngayon.

FORBIDDEN FRUIT ( BL ) PUBLISHED UNDER BLACK INKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon