"ANO anak, kaya pa ba?" tanong ng Mama ni Sam sa kanya.
Napahinto si Samantha sa paghahalo ng tinimpla niyang gatas, saka kunot noong tinignan ang Mama niya, habang ang Papa naman niya ay panay din ang sulyap sa kanya.
"Ano po ang ibig n'yong sabihin?" nagtatakang tanong din niya.
"Si Jefti," sabad naman ng Papa niya.
Natahimik siya. Saka binaba ang hawak niyang kutsarita. Simula ng magkaalaman ng katotohanan. Hindi na niya kinausap ito. Hindi na rin niya hinaharap ito sa tuwing nagtatangka itong kausapin siya. Gusto niyang magalit ng husto dito, ngunit tinutunaw naman ng pagmamahal niya ang galit na iyon. Dalawang araw na simula ng mangyari ang tagpong iyon. And yet, she's still hurting. But at the same time, still in love with him.
"Huwag na po natin siyang pag-usapan." Wika niya.
"Samantha, hindi habang buhay maiiwasan mo si Jefti." sabi ng Mama niya.
"Pinapahirapan mo lang ang sarili mo." Dagdag naman ng Papa niya.
"Ano kaya kung sumunod na lang ako kay Kuya sa Dubai?" tanong niya. Ang nakakatandang kapatid niya ay nagta-trabaho sa isang malaking kumpanya sa Dubai, doon na rin ito nakapag-asawa at ngayon ay may anak na.
"Ngayon naman tatakbuhan mo." Komento ng Papa niya.
"Papa naman eh!"
"Anak, ano bang akala mo? Wala kaming alam sa nangyayari sa'yo? Kilala ka namin, maging si Jefti. Noon pa man, alam ko ng may nararamdaman kayo para sa isa't isa. Hindi ko lang sinasabi ang obserbasyon ko dahil wala ako sa posisyon magsalita. Kaya nga nagulat ako nung umakyat ng ligaw sa'yo si Wayne. Nagpapakumbaba na siya sa'yo, hija. Ano pa bang gusto mo?" wika ng Mama niya.
"Nasaktan po ako sa ginawa n'ya," sabi niya.
"Bakit siya? Sa tingin mo ba hindi mo siya nasasaktan? Sa mga pagkakataon na may iba kang nobyo noon at masaya ka pang nagku-kuwento sa kanya tungkol doon. Isipin mo kung anong klaseng sakit ang hatid niyon sa kanya." dagdag ng Mama niya.
"Anak, sino ba sa atin sa mundong ito ang hindi nagkasala? Hindi nakagawa ng mali? Wala naman, hindi ba? Kung ang Diyos nga na may gawa ng lahat ay nakakapagpatawad at nagbibigay ng pangalawang pagkakataon. Tayo pa kayang tao lang." pangaral sa kanya ng Papa niya.
Napalingon siya sa Papa niya. "Bakit parang gusto n'yo si Jefti?" nagtatakang tanong niya.
"Gusto ko nga siyang maging manugang." Nangingiting sagot nito.
Natawa siya. Saka nilapitan ang Papa niya at yumakap siya sa beywang nito. "Ang gusto kong mapangasawa ay kagaya mo, Pa." sabi pa niya.
Tinapik-tapik pa nito ang braso niya. "Kaya nga si Jefti ang gusto ko para sa'yo eh, dahil nakikita ko ang sarili ko sa kanya noong kabataan ko." Makahulugang wika nito.
Napatingin siya dito. Saka malalim na napaisip. Hindi niya maintindihan ang ibig sabihin ng Papa niya.
"Ano pong ibig n'yong sabihin?" tanong pa niya dito.
Ngunit hindi ito sumagot. Tumayo ito, habang natatawa na tumingin sa kanya. Bago ito umakyat ng hagdan ay muli siyang tinignan nito.
"Isipin mong mabuti, anak. At huwag kang tumingin sa kamalian ng isang tao. Kung hindi sa tunay na nilalaman ng puso nito. Mahiwaga ang pag-ibig, minsan, kailangan natin dumaan sa pagsubok. Isang paraan ng Maykapal, upang maging mas matatag tayo. Kung ngayon pa lang ay magpapatalo ka ng dahil sa minsang pagkakamali. Paano pa ang mga mas malalaking pagsubok na darating sa buhay mo?" makahulugang payo nito, pagkatapos ay umakyat na ito.
BINABASA MO ANG
Car Wash Boys Series 6: Jefti Tinamisan
Romance"You're all I ever wanted. And nothing in this world can ever compare the joy that you bring in my life." Teaser: Wala pa man din muwang sa mundo ay magkaibigan na si Jefti at Sam. Sanggang-dikit. Partners in Crime. Punching Bag. Crying Shoulder. C...