CHAPTER SIX

3.9K 89 13
                                    

"KELAN ka pa naging maglulupa?"

Nakangiting lumingon si Samantha. Naroon si Jefti sa may gate nila, at pinapanood siya.

"Ngayon lang, change of career." Nakangising sagot niya.

"Tulungan na kita," pagboluntaryo pa nito. Hindi na nito hinintay siyang sumagot, basta na lang itong pumasok. Siya naman labas ng Papa niya na papasok na sa trabaho nito.

"Magandang Umaga ho," bati ni Jefti dito.

"Oh Jefti, magandang umaga din sa'yo. Maiwan na kita at ako'y papasok na." wika nito.

"Sige po, ingat."

"Bye Pa!"

Kumaway pa ito sa kanila. Naupo si Jefti sa tabi niya. Tinignan nito ang mga halaman na nasa harapan nila ngayon. Bagong bili iyon ng Mama niya, noon pa man ay mahilig na ito sa mga halaman. Ito mismo ang nag-aalaga ng maliit na garden nila. Dahil nag-deliver ito ng mga kurtinang tinahi nito, kaya sa kanya nito inutos iyon. Hindi naman niya maayos ang paglalagay ng lupa dahil natatakot siyang baka may bulate siyang mahawakan.

"Magaan ba ang kamay mo sa halaman?" tanong niya.

"Palagay mo naman sa akin," sagot pa nito.

Kinuha nito ang mga halaman at ito ang naglagay niyon sa paso pati ang lupa. Habang abala ito. Kinuha ni Sam ang pagkakataon para titigan ito ng malapitan. Bumilis ang tibok ng puso niya ng lumingon ito sa kanya sandali at ngumiti pa.

"Diyan ka lang ah, ako na dito," sabi pa nito.

"Sige, mabait ka naman eh." Biro pa niya dito.

"Tigilan mo 'ko sa pambobola mo, Samantha Lei." Saway nito sa kanya. Tinawanan niya ito.

"Uy 'yung pawis ko, punasan mo naman." Sabi pa nito.

"Sabihin mo lang kung gusto mo ulit akong magbago ng career, mula sa pagiging maglulupa, yaya mo naman. Kailangan talaga Yaya?" reklamo pa niya.

"Ang dami mong sinasabi, 'yung pawis ko." Sa halip ay wika nito.

Kinuha niya ang face towel niya na nakasampay sa balikat niya. Saka dinampi iyon sa noo nito, pababa sa pisngi nito. Nang lumingon ito sa kanya at magtama ang mga paningin niya. Parang bumagal ang pag-ikot ng mundo. Saka lang niya napagtanto na malapit pala ang mukha nila sa isa't isa. Bumilis ang tibok ng puso niya. Gusto bawiin ang tingin ngunit hindi niya magawa dahil parang nahipnotismo na siya ng magagandang mga mata nito. At gusto niyang malaman, kung may ideya ito sa kakaibang dating ng mga kilos nito sa kanya. Ano nga kayang magiging reaksiyon nito kapag nalaman nitong espesyal na ito sa puso niya?

Sinubukan niyang magsalita upang mabawasan ang pagkailang na nararamdaman niya ng mga sandaling iyon. Ngunit walang boses na lumabas sa bibig niya.

"Sam," anas nito. Seryoso ang mukha nito.

"Ba-bakit?" kandautal na tanong niya dito.

"May sasabihin sana ako sa'yo." Pabulong na sabi nito.

"A-ano 'yon?" tanong ulit niya, habang patindi ng patindi ang kaba niya.

Bumuntong-hininga pa ito. Sabay turo sa may paanan niya.

"Ano 'yang nasa paanan mo?" tanong din nito.

Kunot-noong tumungo siya para tignan ang tinuro nito. Ganoon na lang ang lakas ng tili niya ng makita niya ang bulate malapit sa paa niya.

"Bulate!" malakas na tili niya.

Car Wash Boys Series 6: Jefti TinamisanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon