CHAPTER 04

127 6 3
                                    

"Rise and shine, sweetie pie!"

Nanatiling nakapikit si Sabrina kahit pa naramdaman na niya ang paghablot sa kumot na gamit niya ng taong panggulo sa kanyang tulog. Alam niyang si Drew iyon sapagkat ito lang naman ang may duplicate ng susi ng bahay niya. Kaya naman nagagawa nitong maglabas-masok doon.

Minsan na siyang nagkasakit at wala siyang lakas na bumangon kaya kahit naririndi na siya sa sunud-sunod na katok na naririnig niya ay hindi siya tumayo upang pagbuksan ng pinto ang tao sa labas. Ang susunod na namalayan na lang niya ay may pumasok sa kwarto niya mula sa bintana. Pawis na pawis at nag-aalalang mukha ni Drew ang nakita niya pagkatapos.

Ito pala ang kumakatok at nang hindi niya ito pinagbuksan ng pinto ay naisipan nitong akyatin ang bahay niya. Dati yatang akyat-bahay ang best friend niya. At magmula noon ay kinulit siya nitong ibigay ang duplicate key ng bahay niya. Ayon pa sa binata ay ayaw na nitong maulit muli ang pangyayaring iyon. Nagdrama pa ang loko. Siya raw ang magiging dahilan kung magkaroon man ito ng sakit sa puso. Masyado na itong naging mas over-protective sa kanya magmula nang mangyari iyon.

Naramdaman niya ang pagbigat ng kaliwang bahagi ng kama, palatandaan na umupo ang binata kaya humarap siya sa kanan. Niyugyog ni Drew ang kanyang balikat ng walang tigil.

"Taba, gising na. Oras na."

Patuloy ang pagyugyog ng makulit na binata at gusto na niya itong singhalan sapagkat late na siyang natulog kagabi kaya naman antok na antok pa siya. Pero wala yatang balak na tumigil si Drew sa pangungulit sa kanya. Napilitan siyang umupo at naghikab muna bago hinarap ang binata.

Napakamot na lang ng siya ng ulo nang makitang ngiting-ngiti sa kanya ang mokong. "Ano na naman ang kailangan mo? Umagang-umaga nangugulo ka. Patulugin mo ako, Andres," aniya sabay balik sa pagkakahiga. Kinuha pa niya ang unan at tinakpan ang kanyang mukha.

"Nagluto na ako ng almusal. Kain na tayo," anito sabay agaw sa kanyang unan.

"Bakit ba kasi hindi ka kumain mag-isa? At bakit dito ka pa sa bahay ko nag-aalmusal?" asar na tugon niya.

"Walang laman ang ref ko."

Ayaw man niyang humarap kay Drew ay napaharap pa rin siya dahil sa tinuran nitong iyon. "Anong wala? Kung anong laman ng ref ko, iyon din ang sayo, 'no!"

Totoo naman iyon sapagkat sa tuwing namimili siya ay sinasabay na niya ang kay Drew. Hindi na malugaran ng binata ang pagpunta ng supermarket sapagkat abala ito sa pagpapatakbo ng ad agency ng ipinasa na ng ama nito rito. Kaya hindi siya naniniwala sa sinabi nitong wala ng laman ang ref nito dahil dalawang araw pa lang ang nakaraan nang mamili siya.

Ngumisi si Drew sabay kamot sa tainga nito na may hikaw. "Ayokong kumain ng mag-isa."

"Para kang tanga."

"Sige na."

"Ayoko." Muli niyang kinuha ang unan na inagaw nito sa kanya kanina at niyakap iyon bago muling pumikit. "Bahala ka sa buhay mo."

Ang sunod na naramdaman niya ay ang paghiga ni Drew sa kanyang tabi at ang pagdikit ng matipuno nitong dibdib sa kanyang likuran. Ang isang braso naman nito ay yumakap sa kanyang baywang.

"Sige na nga. Mamaya na lang tayo kumain. Matulog muna tayo."

Daig pa niya ang binuhusan ng malamig na malamig na tubig. Mabilis siyang tumayo at lumayo sa binata. Binato niya rito ang hawak yakap-yakap niyang unan kanina. Ramdam na ramdam din niya ang pag-iinit ng kanyang buong mukha.

"Walang hiya ka talaga! Ba-bakit... B-bakit..?" Hindi niya maituloy ang kanyang sasabihin sapagkat nanginginig ang kanyang labi. Parang naparalisa ang mga muscles ng labi niya at hindi niya magawa na maibuka ng maayos iyon. May ganoon ba? Ah, basta! Letse!

Her Own Happy EndingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon