Bandang alas-dos ng hapon ay nasa loob si Sabrina ng munti nilang opisina at ang pagsusulat sa deposit slip ang pingakakaabalahan niya. Tumunog ang kanyang cellphone ngunit hindi niya pinansin iyon. Tinapos muna niya ang kanyang ginagawa bago tiningnan kung sino ang nagpadala sa kanya ng text message. Nabigla pa siya nang makita ang pangalan ng nanay ni Drew sa kanyang screen. Nangungumusta ito, akmang sasagot na siya nang tumunog ulit iyon. Tumatawag na ito, mukhang nainip ito sa hindi niya pagsagot kaagad.
"Hello, Ninang," bati niya rito matapos sagutin ang tawag.
"Busy ka ba? Nakakaistorbo ba ako?" kaagad na tanong nito.
"Naku, hindi naman po. Wala naman akong ginagawa," aniya sabay sulyap sa mga deposit slip na nasa mesa niya.
"Talaga? Kumusta ka naman, anak?" Napangiti siya nang marinig ang malambing nitong boses.
"'Eto po, lalong gumaganda." Narinig niya ang pagtawa nito sa sinabi niyang iyon. "Kayo po ni Ninong, kumusta na?"
"'Eto, magkakaroon na ng kapatid si Drew." Muntik na siyang mapamura dahil sa narinig niya. Mabuti na lang at kaagad niyang natakpan ang kanyang bibig.
"Seryoso kayo, Ninang?" Hindi niya maitago ang pagkabigla sa boses niya. Nailayo pa niya ng bahagya ang kanyang cellphone sa kanyang tainga sa lakas ng tawa ng nanay ni Drew sa kabilang linya.
"Ikaw naman, hindi ka na mabiro." Nakahinga siya ng maluwag matapos nitong sabihin iyon sa kanya.
"Ninang naman, eh." Tumawa lang itong muli.
"Malapit na ang birthday ng aking pinakapaboritong anak, Sabrina."
'Ninang, si Drew lang ang anak ninyo," paalala niya dito.
"Oo nga. Anong gagawin ninyo?"
"Sa bahay lang po. Hindi po ba kayo makakauwi?" tanong niya sa ninang niya.
"Alam mo namang walang ibang kasama dito ang aking mother-in-law. Kahit gustuhin namin ng Darling ko ang makita si Drew sa birthday niya ay hindi naman namin magawa. Si Drew na nga lang ang sinabihan naming bumisita dito at nang magkita-kita naman kami. Madalang lang sa isang taon kami magkita. Tuwing Pasko at Bagong Taon ay hindi rin siya umuuwi rito," mahabang litanya nito.
Napansin nga rin niya iyon. Minsan na niyang tinanong si Drew tungkol doon ngunit wala naman itong sinagot sa kanya. Hinayaan na lang niya iyon tutal naman ay siya ang kasama nito tuwing Pasko at Bagong taon.
"Bakit nga po ba hindi iyon umuuwi riyan kahit na holiday naman?" tanong niya. Baka sakaling alam ng ninang niya ang sagot doon.
"Hindi ka naman daw niya maiwan mag-isa riyan," diretsong sagot ng nanay ni Drew.
"S-sinabi niya po talaga 'yan sa inyo?" Bumilis bigla ang tibok ng puso niya mula sa narinig niya. Talagang nabigla siya sa sinabi nitong iyon. Hindi kailanman pumasok sa isip niya iyon. Hindi niya gustong bigyan ng ibang kahulugan ang mga bagay na alam niyang magpapagulo lang sa buhay nilang dalawa ni Drew.
"Hindi. Hula ko lang." Nahilamos na lang niya ang kanyang palad sa tinuran na iyon ng ninang niya. Mayroon talagang pinagmanahan si Drew.
"Si Ninang talaga." Tumawa na naman ito ng malakas.
"Naku, kinilig yata ang aking future daughter-in-law." Lalong bumilis ang kabog ng dibdib niya. Naramdaman din niyang nag-init ang kanyang buong mukha dahil doon.
"Ninang," kunwaring suway niya rito. Alam niyang tinutukso lang siya nito ngunit hindi pa rin siya sanay kapag naririnig niya ang 'future daughter-in-law' mula rito.
"Sige na, magpapaalam na ako. Alam ko naman na marami ka pang gagawin."
"Ikumusta po ninyo ako kay Ninong."
![](https://img.wattpad.com/cover/198628506-288-k929719.jpg)
BINABASA MO ANG
Her Own Happy Ending
RomanceMatagal nang best friend ni Sabrina si Drew. Madalas man silang asarin ay hindi nila iyon pinapatulan, lalong lalo na siya. Isa pa, babaero kasi ang best friend niya. Kaya lang isang araw, nawindang ang mundo niya nang basta na lamang siya hinalikan...