CHAPTER 08

107 5 0
                                    

"Drew, matanong ko lang. Wala ka ba talagang gusto sa bestfriend mo?"

Napalingon si Drew sa lalaking nakaupo sa tapat niya na si Byron. Ang pinakamadaldal sa kanilang magkakaibigan. Naroon sila ngayon sa bakuran ng kanyang bahay at nakaupo sila sa six-seater garden set niya. Nasa mesa ang mga iniluto ni Sabrina kasama ang mga kaibigan nito para sa kaarawan niya. Ginawa nilang pulutan ang mga iyon, kahit ang carbonara hindi nila pinalagpas.

"Ano naman klaseng tanong iyan?" aniya rito sabay inom ng alak. Hindi niya napigilan ang mapainom dahil sa biglaang tanong nito sa kanya.

"Sagutin mo na lang ang tanong." Si Francis na katabi naman niya ang nagsalita. Ito rin ang pinakamalapit sa kanya.

"Bakit ba interesado kayong malaman?" Ang sisig naman ang pinagdiskitahan niya. Kailangan may gawin siyang iba. Kailangan niya ng distraction.

"Iba kasi ang tingin mo sa kanya." Si Ryan naman ang sumagot sa tanong niyang iyon.

"Iba naman kasi talaga siya." Narinig nila ang tawanan ng mga dalagang nasa loob ng bahay niya. Nandoon sina Dionne, Cielo, Brittany, Hershey at Sabrina. Napangiti siya nang marinig niya ang buong-buo na halakhak ng dalaga. "Bestfriend ko siya, alam na ninyo 'yan." Tawanan ulit ang narinig nila. Hindi na nakisali sa kanila ang mga dalaga dahil mas gusto raw ng mga itong mag-girls talk. Kung tungkol saan ay hindi nila alam.

"Paano kung makahanap ka ng babaeng mahal mo pero kailangan ka ni Sabrina? Siya pa rin ba ang pipiliin mo?" Napakunot-noo naman siya sa tanong na iyon ni Ice. Pabilog ang mesa ng garden set niya kaya madali nilang tapunan ng tingin ang isa-t isa.

"What do you mean?" naguguluhan na tanong niya rito.

"Oh, come on. Nagawa mo na iyon noon, hindi ba? Kaya nga kayo nagkahiwalay ni Maricar." Si Martin na ang sumagot sa tanong niya kay Ice.

Bigla niyang naalala ang tinutukoy ng mga kaibigan niya. May plano sila ni Maricar na magpunta ng Baguio para sa kanilang anniversary pero nang madaling araw na paalis na siya ay nakatanggap siya ng tawag mula kay Sabrina. Umiiyak ito at humihingi ng saklolo sa kanya. Hindi siya nagdalawang isip na puntahan ito sa bahay matapos gisingin ang kanyang mga magulang.

Kung maaari lang siyang lumipad noon ay malamang na ginawa na niya. Pagkarating sa bahay nina Sabrina ay kaagad niyang hinanap ito. Sinalubong naman siya ng yakap nito pagbukas ng pinto habang patuloy na umiiyak. Ang ama pala nito ay may iniindang sakit at nabuway nang tangkaing tumayo at lumabas ng kwarto. Ang ingay na nilikha nito ang naging dahilan upang magising ang natutulog nitong anak. Sinabi ni Sabrina na siya raw ang una nitong tinawagan dahil wala itong ibang mahingan ng saklolo.

Pagkadating naman ng kanyang mga magulang ay kaagad nilang dinala sa ospital ang ama ni Sabrina. Panay ang iyak ni Sabrina noon at wala siyang ibang maisip kundi ang damayan ito. Nang makatulog ito sa balikat niya ay noon lang niya naalala ang usapan nila ng kanyang kasintahan. Mabilis na kinuha niya sa pantalon niyang suot ang kanyang cellphone. Halos mapamura siya nang makitang ilang beses na tinatawagan siya ni Maricar at marami rin itong ipinadalang text message sa kanya.

Sinubukan niyang tawagan ito ngunit hindi na ito sumagot. At nang magkaroon siya ng oras na puntahan ito upang magpaliwanag ay isang sampal lang ang ibinigay nito sa kanya. Tuluyan na rin silang naghiwalay pagkatapos. Hindi iyon alam ng kanyang mga magulang at ni Sabrina. Wala siyang balak na sabihin kay Sabrina iyon at baka sisihin pa nito ang sarili. Ang limang kaibigan lang niya ang nakakaalam niyon.

"Lasing ka na kaagad? Huwag mo muna kaming tulugan, brother." Napaayos siya ng upo matapos marinig ang sinabi ni Byron.

"Tigilan ninyo ako," aniya. Wala na siyang ibang maisip na sasabihin.

Her Own Happy EndingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon