PERO paano niya tatawagin si Arlene nang gabing dumating si Marcus sa kanila? Ang lakas-lakas noon ng ulan at mukhang babaha na sa subdivision nila. Kahit anong excuse ang sabihin niya sa ina, imposible siyang payagan nitong makalabas. Kung bakit naman kasi walang linya ng telepono kina Arlene o kahit man lang sa kapitbahay nito.
Nang matanaw niyang dumating ang Kuya Jonas niya kasama si Marcus ay nagkulong na siya sa kuwarto. Inatake na siya ng takot at kulang na lang ay kahit sa loob ng kuwarto niya ay nahiling niyang maging invisible siya.
"Shelby, lumabas ka riyan. Kakain na tayo," tawag sa kanya ng ina.
"Ayoko, Mommy! Busog na ako sa meryenda kanina," pasigaw ding sagot niya.
"Hoy, Patpat! Bakit ayaw mong lumabas diyan? May pimples ka?" tukso sa kanya ni Jonas na bigla na lang pumasok sa kuwarto niya.
"Kuya! Hindi ka kumakatok!" kunwa ay galit na sabi niya upang ipantakip sa pagkagulat niya.
"Bakit naman ako kakatok, eh, bukas naman ang pinto? Bumaba ka roon para makasalo namin. Uubusan ka namin ng bulalo, sige ka."
"Ayoko nga, eh. Busog na ako sa kinain kong ginatang bilu-bilo kanina. Mabigat iyon sa tiyan," katwiran pa niya.
"Nakakahiya naman kay Marcus kung hindi mo kami sasabayang kumain. Kabastusan naman iyon sa bisita."
"Hindi na bisita si Marcus sa atin. High school pa lang kayo, labas-masok na siya dito."
"Tange, bisita pa rin siya." Hinila siya ng kapatid. "Hala, labas na."
"Ayoko!" tili niya.
Tinitigan siya ni Jonas. "Kapag hindi ka lumabas, sasabihin ko kay Marcus, crush mo siya."
Nanlaki ang mga mata niya. At naramdaman din niyang parang dinamba ng kabayo ang kanyang dibdib. "K-k-kuya..."
"Anong k-k-kuya?" tudyo nito. "May crush ka nga kay Marcus. 'no?"
"W-w-wala!"
"W-w-wala?" ngisi nito. "Hoy, Shelby, bata ka pa." Nagseryoso ito.
"Wala naman talaga, eh."
"O, sige, kung talagang wala, tara na sa labas at sabay-sabay tayong kumain."
Pakiramdam niya, bubog ang tinatapakan niya nang humakbang siya. Pero wala siyang choice, hila ng kuya niya ang kanyang kamay at siyempre pa, natatakot siyang mabisto siya nito.
Nasa hapag-kainan na si Marcus at kasalo ng mga magulang niya. Sa itsura ay mukhang nangangalahati na sa pagkain.
"Hoy, kain na kayo," kaswal na bati sa kanila ni Marcus. "Ang sarap ng bulalo ni Mommy Shelley, malapit ko nang maubos."
"Nagpalusot ka pa, talaga namang pagdating sa pagkain, masiba ka," ngisi dito ni Jonas. "Upo diyan, Shelby." Hinila nito ang upuan niya.
"Uy, mabait ka yata ngayon kay little sister?" wika dito ni Marcus at nginitian siya.
Hindi iyon ang unang pagkakataon na nginitian siya ni Marcus pero iyon ang unang pagkakataon na hindi niya magawang gantihan ang ngiti nito. Pakiramdam niya, nalagyan ng glue ang magkabilang sulok ng bibig niya at hindi maigalaw.
"Bihira na nga lang akong mauwi dito, hindi ko pa ba siya makakasabay kumain?"
"Aba, nag-emote si Jonas?" aliw na wika ni Shelley Sta. Ana.
"Tama na muna ang biruan para makakain kayo ng maayos," nakangiti ring saway sa kanila ng daddy niya, si Joseph.
"Mommy, dito kami matutulog ni Marcus."
BINABASA MO ANG
Wedding Girls Series 05 - SHELBY - The Wedding Singer
Romance"Tell you what, Shelby, kapag nag-mature ka na. Maybe, kapag eighteen ka na at ako pa rin ang crush mo, ibibigay ko sa iyo ang first kiss na hinihiling mo." ***** Marcus Sandoval was her big crush during her teens. Fifteen si Shelby nang matanggap n...