"MATAGAL ka yata?" wika ni Rogel nang sumakay siya sa kotse nito.
"Nagpa-extra pa ng isang kanta, eh," sagot niya na totoo rin naman. "Saka nag-usap pa kami sandali ni Eve. Nainip ka?"
"Si Mama ang inip na inip na. Hinihintay niya tayo, eh. Sa bahay tayo tutuloy ngayon, Shelby."
"Bakit? May pasok pa ako mamayang hapon." Part-time college instructor siya sa isang university. Bukod doon, katuwang din siya sa pagtulong sa family business nila kaya ang pagkanta niya sa mga kasal ay parang break lang niya sa busy schedules niya.
"May surprise daw sa atin si Mama."
Bahagya lang ang tuwang gumapang sa dibdib niya, ang mas malamang na naramdaman niya pangamba.
"Palagi na lang may surprise sa atin ang mama mo. Baka naman sobra-sobra na ang mga ibinibigay niya sa atin."
"Ano naman ang masama doon? Ayaw mo ba nu'n, generous sa atin si Mama? Saka solong anak ako kaya talagang sa atin lang ang atensyon ni Mama. Alam mo, Shelby, ang suwerte mo. Dahil gustong-gusto ka ni Mama para sa akin. I'm sure, kung ang niligawan ko at pakakasalan ay hindi niya gusto, hindi magiging ganyan si Mama."
Pinigil niya ng sarili na bilangin kung ilang beses na binanggit ni Rogel ang "Mama."
"Pero nakakahiya na rin sa Mama mo, Rogel. Baka mamaya sinusubukan lang niya ako, ako naman tanggap nang tanggap sa mga regalo niya."
"Mas magtatampo si Mama kapag tinanggihan mo ang mga bigay niya. At saka dapat Mama na rin ang itawag mo sa kanya. Officially engaged na tayo ngayon. Sa weekend mamamanhikan na kami sa inyo. And in the near future, mag-asawa na tayo."
"Naiilang kasi ako kung minsan," amin niya.
"Tsk! You should not feel that. Mabait si Mama. Kung sa ibang biyenan-to-be lang diyan, aba, suwerte ka na sa mama ko."
Naglapat ang mga labi niya. Hindi niya alam kung bakit parang may bumabangong pagkapikon sa kanya pero kinontrol niya iyon.
"Here we are," wika ni Rogel nang ipasok sa malawak na bakuran ang sasakyan.
Her fiancé was rich. Anak ng isang yumaong congressman at negosyante. Ang mama nito ay may chain ng pawnshop at bukod pa roon ang malawak na lupain sa Cavite na pinagawang industrial site. At madalas sabihin ng mama nito na balang-araw ay sa kanila din ni Rogel masasalin ang kayamanang iyon.
Hindi naman madamot ang mama ni Rogel. Sobrang galante nga. Iyon nga lang, hindi niya maipaliwanag kung bakit hindi siya maging kampante sa pagiging mabait ng biyuda sa kanya. Mas matining ang pakiramdam niya na pakikialam iyon sa kanila ng kanyang magiging biyenan.
"Shelby, I have a feeling na hindi basta sorpresa ang inihanda sa atin ni Mama. So please, huwag mo namang tanggihan. Pagbigyan na natin siya sa kaligayahan niyang bigyan tayo ng kung anu-ano."
Hindi na lang siya kumibo.
"Rogel, Shelby," salubong sa kanila ni Mrs. Estella Madlang-hari. "Nakakain na ba kayo?"
"Sa kasalan galing si Shelby, Mama. Hindi ba't wedding singer siya? Siyempre pinakain na siya doon. Ako naman, nakakain na rin sa labas bago ko siya sinundo."
"Sa kasal ka galing?" baling sa kanya ng babae. "Parang hindi yata bagay ang damit mo kung kasal ang pinuntahan ninyo. Masyadong simple. Hindi ko alam na may uma-attend sa kasal na naka-maong."
BINABASA MO ANG
Wedding Girls Series 05 - SHELBY - The Wedding Singer
Romansa"Tell you what, Shelby, kapag nag-mature ka na. Maybe, kapag eighteen ka na at ako pa rin ang crush mo, ibibigay ko sa iyo ang first kiss na hinihiling mo." ***** Marcus Sandoval was her big crush during her teens. Fifteen si Shelby nang matanggap n...