Part 7

6.4K 180 4
                                    

"KANINO kotse iyan?" tanong ni Shelby kay Marcus nang paglabas nila ng bahay ay makitang may nakaparadang kotse sa tapat.

"Sa daddy ko. Kaya nga ako na-late ng dating kasi may pinuntahan pa pala. Hindi ko na nga sana hihiramin kasi baka maiinip ka pero nu'ng paalis na ako, dumating na siya. Kaya hayan, may kotse tayo."

"Kahit naman nagba-bus puwedeng mag-Araneta Center, ah?"

"Oo nga. Eh, gusto kong isakay ka sa kotse, eh. Siyempre, special ka. Ikaw yata ang valentine ko."

Daig pa ang kiniliti ang puso niya. Napangiti siya. "Mali ka naman yata du'n. ikaw ang valentine ko. Di ba, iyon ang wish ko?"

"Okay, ganito na lang. Valentine natin ang isa't isa." Nang mapahinto sila sa may intersection ay may inabot ito sa kanya. "For you, Shel."

"Gift!" gulat na wika niya. "Bakit?"

He laughed. "Anong bakit? Valentine kita, di may gift ka. Hindi mo ba bubuksan?"

Kating-kati siyang buksan ang regalo pero nahiya naman siya. "Wala akong gift sa iyo," aniya.

"It's okay. May card ka namang pinadala sa akin." He winked at her.

Lumabi siya. "Heh! Ayaw ko na iyong maalala. Nahihiya ako."

"Huwag ka nang mahiya. Okay lang iyon. Flattered nga ako, di ba?"

"Kahit na. Kung maibabalik ko lang, ni hindi ko bibilhin ang card na iyon."

"Para namang kanta iyan, eh. Kung maibabalik ko lang..." At kumanta nga.

"Nakakainis ka naman, eh!" pikon na wika niya.

"Okay, para hindi na ako kumanta, buksan mo na iyang gift ko sa iyo."

Tumalima siya. "Wow!" Tunay ang paghangang bumadha sa mukha niya nang makita ang regalo. A musical jewelry box. Itinayo pa niya ang ballerina sa ibabaw at ilang sandaling pinanood ang pag-ikot-ikot niyon sa munting salamin. "Thank you, Marc. Ang ganda!"

"May laman pa iyan sa loob. Open it," nakangiti ring wika nito.

"Bracelet?" aniya nang makita ang laman. "Marc, sobra naman ito. B-baka mahal ito?"

Napatawa ito nang mahina. "Hindi, mura lang iyan. Kahit gusto ko ng mahal, hindi ko pa rin naman kaya." Kinuha nito ang bracelet at isinuot sa kamay niya.

"Ang ganda," sinserong paghanga niya. Itinaas pa niya nang bahagya ang braso upang sipatin ang bracelet. "Thank you, Marc."

"You're welcome."

Nanood sila ng sine at pagkatapos, siyempre pa ay ice cream house ang tinungo nila. Bagaman kinakantiyawan siya ni Marcus sa labis niyang pagkahilig sa ice cream ay hindi naman siya napikon. Natutuwa pa nga siya sapagkat kahit na inaalaska siya nito, sunod din naman ang layaw niya kay Marcus. Pati yata tonsil niya ay nagyeyelo na nang sa wakas ay sumuko siya sa pagkain ng ice cream.

"Uuwi na ba tayo, Marc?" tanong niya sa binata habang naghihintay sila ng sukli sa ibinayad ni Marcus.

"Ayaw mo pang umuwi?" ganting-tanong naman nito.

"Ayoko pa. Nag-e-enjoy pa ako, eh," amin naman niya.

"Well, kahit gusto kitang pagbigyan, I simply can't. Gabi nang masyado para sa iyo, Shel. Tiyak na mag-aalala na si Mommy Shelley kapag hindi pa tayo umuwi."

"Di tumawag tayo sa phone. Sabihin natin, may pupuntahan pa tayo."

"May pasok pa tayong pareho bukas, Shelby. Saka malay mo, may next time pa?" Nginitian siya nito.

Wedding Girls Series 05 - SHELBY - The Wedding SingerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon