ISANG buntong-hininga ang pinakawalan ni Shelby. Tapos na ang pelikulang nasa harapan niya subalit hindi pa yata siya matatapos sa pagbabalik-tanaw. Hindi siya tuminag sa kinauupuan. Hinayaan niyang maunang magsilabas ang mga nanood.
Ang gabing iyon ang huling pagkikita nila ni Marcus. Kung ano ang nangyari kay Marcus pagkatapos niyon ay hindi na siya nakabalita. Ang alam lang niya, nang linggo ring iyon ay umuwi sa kanila ang Kuya Jonas niya. Ayaw na raw nitong tumira sa flat dahil na-realize na hindi pa handang bumukod.
Tuwang-tuwa naman ang mommy nila. Siyempre, kahit naman binata na si Jonas ay asikasong-asikaso pa ito ng kanilang ina. At ang isa pang katwiran ni Jonas, hindi ito nakakakain nang maayos sa flat dahil parehong hind matinong magluto ito at si Marcus.
Gusto sana niyang itanong kung bakit hindi na napasyal si Marcus sa kanila. Bukod sa inaabangan niyang maulit ang date nila ay talagang nami-miss niya ang binata. Minsan ay nagtanong siya sa kuya niya kung nasaan si Marcus.
"At bakit mo naman hinahanap ang impakto na iyon?" pagalit na tugon nito sa kanya.
Nagulat siya sa naging reaksyon ng kapatid kaya kahit na gustong-gusto niyang malaman ang tungkol kay Marcus ay hindi na siya nagtanong pa. Hanggang sa maka-graduate ang mga ito ay hindi na niya nakita si Marcus. Kahit ang mga parents nila ang nagtanong dahil na-miss din ng mga ito ang binata ay paiwas ang sagot ni Jonas.
Ang mommy nila ang nag-conclude na nag-away siguro ang dalawang lalaki. At kung tungkol saan iyon, hindi na nila nakuhang alamin sapagkat tunay na tikom ang bibig ni Jonas tungkol sa paksang iyon.
"Ma'am, excuse me po. Magsasara na po itong sinehan," lapit sa kanya ng isang janitor.
Noon pa lamang siya tumayo. "S-sige. Salamat."
Alam niya, nagtataka ang tingin ipinukol sa kanya ng mga empleyadong nagsasara ng sinehan pero wala siyang pakialam. Diretso niyang tinungo ang exit ng mall. Nakasakay na siya sa jeep nang marinig ang tunog ng kanyang cell phone.
"Shelby, nasaan ka na ba? Gabi na, ah? Nag-aalala na kami sa iyo," sita ng mommy niya.
"Pauwi na ako, 'My."
"Sige, paaabangan na lang kita kay Auring sa kanto."
"Sus! Huwag na. May guard naman sa subdivision. Malapit na ako, mga fifteen minutes na lang."
"Basta, aabangan ka ni Auring," patapos na wika ni Shelley.
Napangiti na lang siya. Hanggang ngayon na matanda na siya ay protective pa rin ang mommy niya.
PAGBABA pa lang ni Shelby ng jeep ay nakita na niyang nakaabang sa kanya ang katulong nila. At hindi lang iyon. Pagdating niya sa bahay, obvious na nakaabang din ang mommy niya.
"Tsk! Ano ba ang problema, Shelby?" tanong na agad nito sa kanya.
"Wala, 'My," tipid na sagot niya. "Ano ba ang ulam? Hindi pa ako nagdi-dinner, eh."
"Inabot ka ng closing sa mall nang hindi naghapunan?" Bakas ang disapproval sa tinig nito. "Auring, ihanda mo ang mesa at kakain si Shelby."
"Ako na lang," aniya. "Sige na, Auring, mamahinga ka na."
Kasunod pa rin niya ang mommy niya nang magtungo siya sa kusina. Hindi ito nagsasalita pero alam niyang nakasunod ito ng tingin sa kanya.
"Sige na, 'My. Sabihin ninyo na ang gusto ninyong sabihin kahit kumakaing ako," aniya nang dumulog sa mesa.
"Kumain ka na muna," sa halip ay sabi nito.
Tumaas nang kaunti ang kanyang kilay. "Alam ko naman ang sasabihin ninyo, eh. Si Rogel, di ba?"
BINABASA MO ANG
Wedding Girls Series 05 - SHELBY - The Wedding Singer
Romantizm"Tell you what, Shelby, kapag nag-mature ka na. Maybe, kapag eighteen ka na at ako pa rin ang crush mo, ibibigay ko sa iyo ang first kiss na hinihiling mo." ***** Marcus Sandoval was her big crush during her teens. Fifteen si Shelby nang matanggap n...