II

237 13 5
                                    

Habang nagpupuno pa ng pasahero ang sasakyang bus pauwi ng Cavite, bumili si Hope ng rice cake. At gaya ng mga normal na araw ng paghatid sa kanya ni Paul, hindi ito umaalis hanggang hindi pa siya nakasasakay sa bus.

"Hope, ano, kasi . . ." panimula ni Paul habang busy siya sa pagkain ng paboritong kakanin. "May sasabihin sana 'ko." Humawak ito sa dibdib. 

"Hmm?"

Hindi niya maipaliwanag ang timpla ng mukha nito kaya kinabahan siya nang kaunti.

"Hoy! Ba't ang seryoso mo? Para kang ewan. May problema ba?"

"Ano, wala naman. Ano kasi . . ." Napakamot pa ito ng ulo. "Hope, gus–"


'Cause I'm not givin' up

I'm not givin' up, givin' up

No, not yet


"Sandali. Sagutin ko lang," aniya.

Tumango si Paul at tumahimik.

"Hello po, 'Nay. Opo, nasa terminal na po ako. 'Nay naman . . . Kasama ko po si Paul . . ." Saglit siyang sumulyap kay Paul. Nginitian niya ito nang matipid. "'Nay, please? Mamaya na lang po. Sige na po. Sasakay na ako. Opo . . ."

Mabigat ang balikat ni Hope nang ibaba ang tawag.

"Galit?"

Tumungo siya.

"Dahil kasama mo 'ko," ani Paul, sanay na. "Favorite talaga ako ng nanay mo, 'no? Teka, ano nga ulit ang paborito niya? Ligawan ko na ba?" natatawa nitong sabi.

"Sorry—"

"Uy! 'Wag kang mag-sorry!" Inabutan siya nito ng tubig. "'Wag mo nang intindihin 'yon. Si Hopeless ka ba? Si Hope ka, 'di ba?" Mahina nitong binangga ang balikat niya. "Ngingiti na 'yan! Ngingiti na 'yan!"

"Baliw!" nasabi niya na lang. "Basta, sorry sa—"

"Gusto kita, Hope," deretsong sabi ni Paul kahit halata ang kaba nito. "Wala akong natapos. Mababa ang tingin ng iba sa 'kin. Pero mahal kita."

Gusto niyang yakapin ito pero nauunahan siya ng hiya kaya nag-iwas na lang siya ng tingin. Kumibot siya nang maramdaman ang mga palad nito sa kanya. Nakakakuryente.

"Masaya akong kahit ganoon sila, pinipili mo pa ring sumama sa 'kin."

Unti-unting bumilis ang tibok ng puso niya. Nang magtama ang mga mata nila, lalo siyang nahulog.

"Salamat sa pagbibigay sa 'kin ng pagkakataong maging malapit sa 'yo sa kabila ng lahat ng nagsasabing hindi tayo bagay para sa isa't isa. Lalo akong nagsusumikap para maging karapat-dapat sa 'yo. Hope, ikaw ang nagbibigay sa 'kin ng pag-asa."

"Paul . . ."

Bumabalik sa alaala ni Hope ang mga araw na pinagsaluhan nilang dalawa . . . ang mga sandaling kahit wala namang kailangan ang mga System Analyst sa mga housekeeping personnel ay palagi siya nitong sinisilip, kinakawayan, at nginingitian. Mga araw na inuuna siya nitong sabihan na dumating na si Kuya Ismael, ang nagtitinda ng merienda sa opisina, dahil sa paborito niyang turon, hanggang sa ito na mismo ang bumibili para sa kanya. Mga pagkakataong ang simpleng pagtatanong nito kung kumusta siya ay naging malaking bagay sa kanya. Na kapag hindi niya ito nakikita sa isang araw ay nag-aalala siya, naghahanap, parang may kulang.

Kailan niya nga ba napagtantong gusto niya si Paul?

"Mahal kita, Hope."

Awtomatikong kumurba ang labi niya sa naalala at sa narinig.

"Pasensya na. Ang pangit ng pagtatapat ko. Dito pa sa terminal. At rice cake lang ang kinakain natin."

Gusto niyang matawa sa nahihiya nitong reaksyon pero mas nananaig ang kakaibang kasiyahan at kaba.

"I love you, too, Paul," malinaw niyang sabi kahit hindi sanay na sinasabi ang nararamdaman.

"A-ano?" Nanlaki ang mga mata ni Paul. "Ano'ng sabi mo?"

Tumingkayad si Hope at niyakap si Paul, hindi alintanang may ibang tao sa lugar. "Sabi ko, mahal din kita," aniya, saka naramdaman ang pagtugon ng yakap ni Paul sa kanya.

"Mahal mo rin ako . . ." ulit nito, hindi makapaniwala. "Mahal mo rin ako?"

Bumitaw si Hope sa yakap saka hinawakan at kinurot ang magkabilang pisngi ni Paul.

"Oo nga! Kulit!"

Sumilay ang ngiti nito bago siya niyakap ulit.

Ano ang pakialam ng puso niya sa magkaibang lebel ng kanilang trabaho at sa mga sinasabi ng ibang tao?

Masyadong masaya ang gabing ito.

-
Part 2 of 7

Hopelessly HopefulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon