Hindi nawawalan ng pag-asa si Hope. Malakas ang paniniwala niyang dahil ito sa pangalan niya at sa mga kahulugan nitong naging paborito na rin niya. Kaya sa unang Biyernes ng taon, wash day sa opisina, suot niya ang bagong biling puting T-shirt na may nakatatak na:
Dahil uuwi siya ng Cavite pagkatapos ng trabaho, maaga siyang pumasok dala ang malaking backpack at eco bag na puno ng pinamiling grocery supplies.
"Magandang umaga po, Ma'am! Ang aga po natin, a!"
Lumingon siya sa pamilyar na mukhang sumalubong sa kanya sa pintuan ng opisina. May dala itong dalawang galon ng tubig na walang laman sa magkabilang kamay. Malapad ang ngiti ng lalaki na agad niyang ginantihan.
"Ay, 'sus! Hindi pa rin kita maunahang pumasok, Paul. Good morning din."
"Kailangan mo pang mas agahan sa alas syete," anito, nakangiti. "Tulungan na kita." Ibinaba nito ang dala para kunin ang eco bag sa kamay ni Hope.
Sumilay ang ngiti niya.
"Hindi ko na talaga nakikitang suot mo 'yong T-shirt mong hopeless," ani Hope, naalala ang dahilan ng una nilang pag-uusap.
"Hiniram ko nga lang 'yon," sagot nito sabay tawa. "At hindi ako hopeless. Sabi nga ng nanay ko, ako raw ang pinakapositibong taong kilala niya. Sa dami rin ng mga taong nega, 'wag na tayong dumagdag. Isa pa, bakit ako magiging hopeless, e nand'yan ka?"
Kumindat ito dahilan para mapangiti na naman siya. Nasilayan na naman ni Hope ang dimples nitong kinatutuwaan niya.
Malakas talaga ang dating ni Paul dahil sa kakisigan gawa ng araw-araw na pagtatrabaho, pero mas humahanga siya sa positibo nitong pananaw.
Magkasunod silang tumungo sa area ng mga System Analyst sa dulong bahagi ng opisina. Um-overtake ito sa kanya upang mapagbuksan siya ng pinto.
"'Musta pala si Joy?" pagtukoy ni Hope sa ikapitong kapatid ni Paul. "Nabili na 'yong kailangan sa school?"
Kinabog nito ang dibdib. "Ako pa ba? Syempre!"
Nilapag ni Hope ang mga gamit sa kanyang table at umupo na. Nilagay naman ni Paul sa loob ng mobile cabinet niya ang eco bag saka tumayo sa katapat na table.
"Tulungan naman kami sa pamilya," dugtong ni Paul. "Bigayan, gano'n. E, 'yong kapatid mo, may trabaho na?"
Pumangalumbaba siya. "Kinakausap ko. 'Di ko lang sure kasi parang gusto pang i-extend 'yong isang taong pagtambay—"
"'Wag kang gumanyan," anito at maingat na ibinaba ang kamay ni Hope na nakasalo sa kanyang baba. "Mamalasin ka." Mabilis pa nitong kinurot ang tungki ng ilong niya.
Kung hindi puso niya ang narinig ay hindi alam ni Hope kung ano ang biglang kumabog. Itinago agad niya ang sumaglit na ngiti at umayos sa pagkakaupo sa kanyang swivel chair bago ibinalik ang usapan.
"Pero, ano, tiwala lang. Makakahanap din 'yon. 'Di ako nawawalan ng pag-asang tutulong na siya sa 'kin sa mga gastusin. Umaasa rin akong titigil na si Nanay sa pangungutang na pinambabayad lang din ng utang."
"Basta, Ma'am, 'wag nating bibitiwan ang mga mahal natin. Kung luluwag man ang hawak nila, tayo ang humigpit sa pagkapit sa kanila."
"Ang positive mo pa rin talaga, 'no?"
"Nagsalita!" Natawa ito. "Ikaw nga ang may matataas na pangarap d'yan, napakapositibo, at malaki ang pag-asang matutupad ang mga 'yon. Tulad ng—"
"Negosyo, bahay, sasakyan, at foundation," sabay nilang sabi.
"Naks! You know me well," sabi ni Hope. "Ano, taya na ba tayo sa lotto?"
Sumeryoso ang mukha ni Paul kaya binawi niya agad ang biro.
"Joke lang. Alam kong gusto mong paghirapan ang mga makakamit mo sa buhay. Salute!" Sumaludo siya rito. "Pero kung magbago man ang isip mo . . ."
Pinanliitan siya nito ng tingin.
Ngumiti siya.
"Basta, Ma'am, hatid kita ulit mamaya sa terminal, ha?" paalala ni Paul pagkatapos tingnan ang orasan na mag-a-alas otso na. Pamilyar nitong pinisil ang kanyang pisngi. "Bawal tumaya ng lotto."
Tumango siya at napangiti na naman. Sinusundan niya ng tingin ang paglayo ni Paul. Bumati ito sa kararating lang na si Karla ng "Good morning, ma'am," bago tuluyang lumabas ng IT Department.
Umismid si Karla sa kanya pagkalapit. "Araw-araw, matamis ang ngiti natin, ha! Good morning sa smiling face ng taon!"
"Good morning din."
Pumilas siya ng tissue at nagpunas sa mesa niya, pero hindi pa rin naaalis ang kaunting kilig na nadarama.
"Ihahatid ka ulit?"
Napakagat siya sa ibabang labi para mapigilan ang pagngiti, ngunit nahuli pa rin iyon ni Karla.
"Ay, 'sus!" Tinusok pa siya nito sa tagiliran. "He's so nice and kind. Nakakatuwa kayo."
Alam niya iyon. Kaya rin sa nakalipas na isa't kalahating taon, palalim nang palalim ang pagkakaibigan nila ni Paul.
"Agang tsismisan! Sali ako d'yan, mga 'te!" Malakas ang boses ng kararating lang na si Remie.
"Loka! Nagkakamabutihan na talaga sila ni Paul," sagot ni Karla. "Kilig!"
Hindi na naman maitago ang ngiti ni Hope. Umaga pa lang pero ilang beses na siyang napangiti nang dahil kay Paul.
"Ay! I'm not a fan! Stop, Karla! Cannot be!" Pumalatak si Remie at tumingin kay Hope. "2019 na, Hopey! Told you, ang dami nating officemate na may gusto sa 'yo. Don't settle for less. Nagayuma ka yata, e! He's so less than you. Super simple!"
Hindi siya umimik.
Gusto niyang ipagtanggol si Paul, pero tulad ng dati, walang salitang lumabas sa bibig niya. Habang tumatagal tuloy, lalo lang siyang naaapektuhan.
"Ano ka ba, Remie! Tara na nga! Mag-breakfast na tayo sa baba."
Mabilis na hinatak ni Karla si Remie.
Sinundan ng tingin ni Hope ang dalawa. Napansin niyang nandoon pala si Paul, binati sina Karla at Remie pagkalabas ng mga ito saka siya nilingon at nginitian.
Hindi nawala sa isip ni Hope ang naging reaksyon na naman ni Remie sa kung ano man ang mayroon sa kanila ni Paul. Wala pa man, may humuhusga na. Kinakabahan siya dahil baka narinig pa ito ni Paul bago sila lumabas.
Pagpatak ng alas singko ay mabilis siyang nagligpit, nagpaalam, at lakad-takbong sumakay ng elevator. Hindi na niya hinintay sina Karla.
Ano'ng mali sa pagiging simple?
Bumukas ang elevator at bumungad si Paul na malapad ang ngiting naghihintay sa kanya. Kabisado na nito ang oras ng pagbaba niya tuwing Biyernes.
Kinuha nito sa kanya ang dalang mga bag gaya ng palagi nitong ginagawa.
Mabait si Paul. Hindi man nakatapos ng kolehiyo, nagtiyaga ito. Ginagawa nitong mabuti ang trabaho upang mabuhay ang ina at siyam na nakababatang kapatid kahit na minimum ang sweldo nito. At kahit salat, masayahin pa rin at napakapositibo ni Paul.
How can they not like him?
"Tara, Ma'am?"
Pinaningkitan niya ito ng mata.
"Tara . . . Hope?"
Ngumiti siya.
"Tara."
-
Part 1 of 7
BINABASA MO ANG
Hopelessly Hopeful
Short StoryHope finds a greater reason to be hopeful everyday when Paul and Leslie came into her life. This short story is about one's hope and faith that you'll get through every struggle in your life as long as you believe. #HopelesslyHopeful