Pagsapit ng ikatlong araw na pamamalagi ni Leslie sa ospital, napilit ni Paul si Hope na umuwi muna at doon magpahinga. Labag man sa loob ay umuwi siya at saka naglinis ng katawan at umidlip.
Nagising siya sa kumukundap-kundap na bumbilya sa kisame. Nagmadali siyang bumangon nang maalala ang anak sa ospital. Bigla ring dumilim ang sala dahil sa napunding ilaw. Nang ituon niya ang paningin sa gawi ng bintana ay lalo siyang nataranta. Gabi na! Napahaba ang tulog niya! Lakad-takbo siyang umalis ng bahay at bumalik sa ospital, sabik na makita ang dalawang taong nagbibigay-lakas sa kanya.
Nakaupo si Paul sa labas ng ICU habang nakatungo at magkasalikop ang mga kamay. Tahimik ang lugar at mabigat ang pakiramdam niya sa paligid. Dahan-dahan niya itong nilapitan at hinawakan. Tumunghay ito at tumayo. Agad siya nitong hinila upang mayakap. Bumilis ang tibok ng puso niya kasabay ng mabilis na paggalaw ng balikat ni Paul dahil sa paghikbi. Hinagod niya ang likod nito kasabay ng pagpapakalma sa sarili.
"Paul . . . ?" kinakabahan niyang pagtawag.
"Hope . . ."
Natatakot siyang magtanong kung ano ang dahilan ng pag-iyak nito. Hindi. Hindi.
Ayaw niyang isipin ang posibleng dahilan. Hindi iyon.
Hindi pwede.
"P-Paul . . ." Nagtutubig na ang kanyang mga mata.
"N-nanalo ako sa lotto, Hope," anito habang humahagulgol. "M-mayaman na tayo. Ma-maiaahon ko na sa hirap ang pamilya ko . . ." Makailang ulit nitong hinagod ang buhok niya. "Hindi na nila ako ma-mamaliitin . . . Ma-mapapakasalan na kita. Ma-maibibigay . . . ko na ang lahat . . . ng-ng gusto mo. Ma-mababalik ko na lahat . . . ng-ng nawala sa 'yo."
Lalong humigpit ang yakap sa kanya ng kasintahan. Sinusubukan niyang intindihin ang magandang balitang sinasabi nito pero nararamdaman niyang may hindi tama. May iba sa pag-iyak nito. Kinukutuban siya.
"Paul . . . si Leslie?" tanong niya habang kumakawala sa pagkakayapos nito. "Kumusta ang anak natin?"
Mariin ang saglit na pagpikit ni Paul. "M-magiging masaya tayo. Pangako. Magiging masaya tayo . . ."
Patuloy ang nakahahawang pag-iyak nito.
"P-Paul . . . ano ba?!"
"Hope . . . si Leslie . . ." Pinupunasan nito ang mga naglalandas na luha sa mga mata. "Mabibigyan natin siya ng magandang libing."
Napasinghap siya. Nangatal. Nanlambot ang mga tuhod at napasalampak siya sa sahig kahit na nakahawak sa kanya si Paul. Maging ito ay nawalan din ng lakas. Parang sasabog ang dibdib niya. Parang huminto ang mundo niya. Bumuhos ang luha ni Hope.
"H-hindi. Sabihin mong hindi 'yan totoo, Paul . . ." Hinanap niya sa mga mata nito ang sagot na gusto niyang makita pero wala. "Paul!"
Wala siyang ibang nakita rito kundi pagsuko sa matagal na nilang inilalaban.
Marami siyang gustong sabihin pero hindi na siya makaderetso nang salita dahil sa labis na paghikbi. Masyadong mabigat. Masyadong masakit. Para siyang nauupos na kandila.
"Sabi mo—sabi mo, may pag-asa, 'di ba? Sabi mo 'wag tayong mawawalan ng pag-asa . . . 'di ba? Sabi mo magtiwala. Paul naman . . ."
"Hope . . ." Hinawakan siya nito sa magkabilang pisngi, pinapahid ang luha niya kahit na maging ito ay umiiyak din.
"S-sobrang . . . sobrang saya natin, 'di ba? No'ng dumating si Leslie? Kahit mahirap minsan . . . masaya tayo." Hirap na siyang makapagsalita dahil sa labis na paghikbi. "'Di tayo sumusuko, 'di ba? 'Di ba? Sabi mo, 'di rin susuko si Leslie, 'di ba!"
Mabilis niyang pinalis ang luha nang maalala ang binalita nito. "Paul, mapapagamot na natin si Leslie . . . May pag-asa pa ang anak natin . . ."
Tahimik. Masyadong payapa ang paligid at ang nahihirapan nilang pagsasalita lang ang naririnig. Masakit ang bawat paghikbi. Gustong magwala ni Hope pero nawawala na ang lakas niya. Inalo siya ni Paul na hindi bumibitiw sa kanya.
"Hope . . . nandito lang ako." Nagpahid ito ng luha. "M-magpapatuloy tayo."
"Anak . . ." Naramdaman niya ang pagluwag ng hawak sa kanya ni Paul. Nilingon niya ang kanyang ina. Lalo siyang napahikbi nang makita ang malungkot ding mukha nito.
Gamit ang kakaunting lakas ay tumayo siya at sinalubong ang mga bisig nito.
"'Nay . . ." Hindi na siya makahinga nang maayos. Naramdaman niya ang paghagod nito sa kanyang likod. "'Nay . . . si Leslie . . ."
Kakikitaan ang mukha ng kanyang ina ng labis-labis na pagkaawa. Bagay na maiintindihan nito bilang isang inang walang ibang gusto kundi ang makabubuti sa kapakanan ng mga anak.
"Bakit siya binigay sa 'kin kung—kung kukunin lang din agad? 'Nay . . . hindi naman ako nagrereklamo. Kinakaya naman namin ni Paul, 'Nay . . . Bakit gano'n? 'Nay . . ."
Naramdaman niya ang panghihina at akma siyang babagsak na nang higpitan ng kanyang ina ang kapit sa kanya.
"Anak . . . magpakatatag ka."
Panay ang pag-iling niya, hindi matanggap ang nangyari kay Leslie. "Ayoko, 'Nay. H-hindi 'to totoo . . ."
"Ssh, tahan na, anak." Niyakap siya ng kanyang ina. "Makapagpapahinga na siya. Nasa mabuting kamay na ang . . . ang apo ko."
-
Part 6 of 7
![](https://img.wattpad.com/cover/198997347-288-k160020.jpg)
BINABASA MO ANG
Hopelessly Hopeful
Short StoryHope finds a greater reason to be hopeful everyday when Paul and Leslie came into her life. This short story is about one's hope and faith that you'll get through every struggle in your life as long as you believe. #HopelesslyHopeful