III

175 13 1
                                    

Imbis na umuwi agad, pinili ni Hope na makasama pa nang kaunti si Paul. Nangilid ang luha niya ngunit hindi na naalis ang ngiti at kaligayahang nadarama. Pareho na nilang inamin sa isa't isa ang mga nararamdaman nila at iyon na yata ang pinakamasayang nangyari sa buhay niya. Saglit pa silang tumambay sa malapit. Buhay na buhay pa ang parke dahil sa dami ng tao kahit gabi na.

"Kailangan mo nang umuwi. Magagalit lalo ang nanay mo. Lagot na naman ako," biro nito.

"Sana Lunes na agad bukas," aniya.

"'Wag naman. Hindi pa 'ko nakakapaglaba ng mga uniporme ng mga kapatid ko." Tumawa ito. Iyon ang pinakapaboritong naririnig ni Hope sa araw-araw.

Sinusukbit ni Paul ang backpack niya nang mapatingin si Hope sa isang babaeng biglang tumigil sa tabi niya. Kasingtangkad niya ito at sa tingin niya ay kasingtanda niya rin. May dala itong backpack, shoulder bag, at baby bag habang karga ang isang sanggol. Tinitingnan siya nito nang mabuti. Mabilis na hinanap ng kamay niya ang laylayan ng damit ni Paul at hinila ito.

"Ate, kuya," mahinang tawag ng babae. "May sakit siya," tukoy nito sa kargang sanggol. "Tulong."

Nagkatinginan sila ni Paul, parehong pinoproseso ang nangyayari. Napilitan siyang tingnan ang bata. Natatakot siyang baka modus lang ito ng babae. Hinahanda niya na ang sarili sa posibleng mangyari.

"Tulong, ate, kuya. Parang awa niyo na." Napatingin si Hope sa braso niyang kinapitan ng babae. "Parang awa n'yo na po."

Akma nang kukuhanin niya ang wallet sa bag niya nang mangiyak-ngiyak na ito at nagsimula nang mataranta. Tinutulak na ng babae sa kanya ang sanggol.

Tiningnan niya ito nang may pagtataka.

"Pahawak, ate. Sandali lang. Pakiusap. Kukunin ko lang ang naiwan naming gamit doon sa tricycle."

Hindi na siya nakatanggi dahil akmang bibitawan na ng babae ang sanggol.

"Paul . . ." aniya, hindi sigurado sa susunod na gagawin.

"Nasaan po ang gamit n'yo? Tutulungan ko po kayo," pag-aalok ng tulong ni Paul.

"Sandali lang po talaga. Wala lang po akong mapag-iwanan. Sige na po."

Mabilis ang mga pangyayari. Kinarga niya ang sanggol na natutulog at bahagyang kumikislot. Nilapag ng babae ang shoulder bag nito sa may paanan nila. Inabot din nito ang baby bag kay Paul saka umalis.

"Uy, teka—"

Susundan sana ni Paul ang babaeng nagmadaling umalis nang mahinang humikbi ang sanggol. Agad nitong dinaluhan si Hope at tumulong sa pagpapatahan dito.

"Sobrang init niya," sabi ni Paul.

Naghintay sila sa pagbabalik ng babae ngunit ilang minuto na ang lumipas ay hindi pa rin ito bumabalik. Sinubukan na itong hanapin at ipagtanong ni Paul.

"Nasaan na ba ang nanay mo?" mahina niyang tanong sa sanggol na hindi pa rin tumitigil sa pag-iyak. Patuloy siya sa paghele rito pero ayaw pa ring tumahan.

"Hope, hindi pa ba bumabalik?" Hinihingal na si Paul pagbalik nito.

"Hindi pa. Ayaw pa ring tumigil sa pag-iyak itong baby."

Luminga-linga si Paul. "Wala raw babaeng may kinuhang gamit sa terminal ng tricycle."

"Dalhin mo na kaya sa ospital, 'neng. Kawawa naman ang baby," sabi ng isang ginang na nagtitinda ng mga candy.

"Paano ang nanay niya?" Natataranta na si Hope. "Paano 'pag bumalik at wala tayo rito? Paano 'yong baby, Paul? Paano 'pag hinanap siya ng nanay niya? Pero sobrang init na kasi niya . . ."

Parang hindi lang sanggol ang hawak niya. Nakasalalay din sa kanya ang buhay nito.

"Iniwan lang ba bigla ang anak niya sa inyo, 'neng?" tanong ng ginang.

"Opo," sagot ni Hope.

Kinapa nito ang noo ng bata. "Diyos ko! Ang taas ng lagnat!"

Lalong natakot si Hope.

"Saan po ba ang malapit na ospital dito?" tanong ni Paul sa ginang.

"Sakay lang kayo ng dumadaang jeep d'yan. Sa unang titigilang overpass, may ospital doon."

"Salamat po." Inilipat ni Paul ang tingin sa kanya.  "Ano, Hope? Dalhin na natin siya sa ospital."

Dahan-dahan siyang tumango. Nakipagpalitan ng numero si Paul sa ginang sakaling may maghanap sa sanggol. Inalalayan sila nito papunta sa sakayan ng jeep.

Ilang araw silang namalagi sa ospital. Umayos na ang kalagayan ng sanggol at nakailang balik na rin sila sa parke, ngunit walang babaeng naghahanap sa kanyang anak.

-
Part 3 of 7

Hopelessly HopefulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon