V

152 18 1
                                    

Yakap-yakap siya ni Paul mula sa likuran habang nakaalalay sa kanilang dalawa ni Leslie palabas ng bahay at pagsakay sa tricycle.

Kitang-kita niya ang mabilis na pagtaas-baba ng dibdib ni Leslie.

"Paul . . ." hikbi niya habang dahan-dahang minamasahe ang nangangasul nang palad ng anak na karga.

"Malapit na." Mapait ang ngiti ni Paul at hinagod ang kanyang likod at ang isang kamay ay hinawak sa kamay nila ni Leslie. "Kapit lang . . ."

Sa muling pagkakataon, itinigil niya ang lahat ng ginagawa at dumeretso ulit sila ni Paul sa ospital kahit nasa trabaho pa ito.

Sana hindi mawalan ng pag-asa ang anak ko . . . dasal ni Hope habang naghihintay ng balita. Sana, patuloy na lumaban si Leslie kahit 'di pa niya 'yon alam. Kung pwedeng ako na lang ang pumalit. Masyado pang mahina ang anak ko. Bakit siya pa ang may congenital heart disease? Bigyan N'yo po kami ng pag-asa, Diyos ko . . .

Bibili sana ng tubig si Hope nang marinig ang boses ng kanyang nanay at tiya na masinsinang nag-uusap sa waiting area ng ospital. Nagtago siya sa katabing pader at patagong nakinig.

"—pakatigas ng ulo! O, ngayon, ano? Nasaan ngayon? Walang pera! Pinabayaan ang mga pangarap!"

Naririndi si Hope. Napapikit siya sa talas ng bibig ng tiyahin niya.

"Ginatungan nga kasi no'ng lalaki," sagot ng kanyang nanay. "Lalong 'di mabitawan 'yong bata. Ewan ko na sa anak kong 'yan. Akala ko ay 'yan ang mag-aahon sa 'kin. 'Ta mo ngayon, isang kahig isang tuka na nga kami, dagdag problema pa 'yong ampon niya."

"Para ngang naging malas sa kanya ang pagdating no'ng bata, Ate, ano?"

"Sinabi mo pa." Napailing-iling ito at napahawak sa sentido. "Isama mo pa 'yong lalaking 'di naman nakatapos. Diyos ko! Hindi makatulong! Janitor lang 'yon do'n sa kompanya ni Hope! Paano no'n bubuhayin ang anak ko? Siya pa ang binubuhay."

"Gaano katotoo ang naririnig kong panay pa ang taya sa lotto no'ng lalaki? Doon na yata inuubos ang kakaunti na ngang pera. 'Maryosep."

Napapikit siya. Bakit lahat ng gawin ni Paul ay hindi maganda sa paningin nila? Sinusubukan naman nitong sumuporta sa kanila kahit na may binubuhay na malaking pamilya. Sina Paul at Leslie ang nagbibigay sa kanya ng lakas. Hindi siya sinusukuan at iniiwan ni Paul, at mahal din nito si Leslie. Si Paul na binali ang sariling paniniwalang hindi aasa sa suwerte at paghihirapan ang lahat ay palaging nagbabakasakaling mananalo siya sa lotto. Paano nagagawa ng mga itong pagsalitaan ang dalawang taong nagbibigay ng pag-asa sa kanya?

"E, pa'no 'to? Dadalawang libo lang ang naipangutang ko." Nakita niyang nag-abot ang tiya niya sa nanay niya ng pera.

"'Wag na po, Tita." Pinilit niyang makapagsalita nang buo kahit naiiyak na naman siya. Buti pa nga kung pisikal na sugat na gumagaling ang nararamdaman niya, pero hindi—masasakit na salitang tatatak na sa kanyang damdamin. "Naghanap na po ng pera si Paul."

Nagmadaling tumayo ang dalawa at lumapit sa kanya.

"Naku, naku, kuhanin mo na ito, Hope." Inabot sa kanya ng kanyang nanay ang pera. Kinulong nito ang pera sa mga daliri niya. Gusto niyang lamukusin iyon. "At hindi natin alam kung saan kukuhanin no'ng nobyo mo ang pera. Baka nagnakaw pa 'yon."

"'Nay!" Hindi niya na naitago ang pagkainis sa nanginginig niyang boses. "Kung wala po kayong sasabihing maganda, pwede po bang umuwi na lang po kayo?"

"Hope, anak, ang sinasabi ko lang, kung hindi ka na sana nagmatigas na ibigay 'yang batang 'yan—"

"Hindi po ako nagrereklamo, 'Nay!" Basag ang boses niyang sabi sa ina. "Nahihirapan po ako pero hindi ako nagsisisi sa mga naging desisyon ko . . ."

"'Yang Paul na 'yan—"

"Please po, 'Nay." Halos hindi iyon marinig dahil sa paghikbi niya. "Tama na po. Please . . . Sobrang bigat na po, 'Nay. 'Wag n'yo naman na pong dagdagan . . ."

Mabilis siyang tumalikod at nagmartsa palayo, hindi na nilingon ang tumatawag na ina. Nagpalipas siya ng ilang sandali sa chapel ng ospital, doon ibinuhos ang sakit ng puso niya dahil sa pagsasabay-sabay ng mga nangyayari sa kanilang pamilya.

Lalo siyang napaiyak nang maramdaman ang paghagod sa kanyang likod na kahit hindi niya lingunin ay kilala niya kung sino.

"Hope, hindi ngayon ang oras para mawalan ng pag-asa. Habang buhay, may pag-asa. 'Di ba?" Inakbayan siya ni Paul upang mahilig niya ang ulo niya sa balikat nito. "Kakayanin ni Leslie. Magtiwala ka."

Nauubos na ang positibong paniniwala ni Hope. Paanong hanggang sa mga sandaling iyon ay ganoon ang nasasabi ni Paul? Nasaan ang pag-asang sinasabi nito kung walang ibang nangyari sa buhay nila kundi problema?

-
Part 5 of 7

Hopelessly HopefulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon