IV

171 21 5
                                    

"Hopey, kakayanin mo ba 'yon? Hindi ba dagdag isipin mo lang 'yan?" Nakahalukipkip si Remie at tumataas na naman ang kilay. Nakasandal ito sa division ng table nila. "Single and ready to mingle ka lang no'ng nakaraan, tapos ngayon, may baby ka nang aalagaan!"

Hindi niya iniintindi ang reaksyon ng kaibigan. Ang tanging iniisip lang niya ay hindi na siya makapaghintay mag-uwian para makita ang anak.

Anak. Napangiti siya.

"Ang epal mo, Remie," sabat ni Karla. "For signature ni Sir." May inabot itong folder kay Hope. "'Wag mo ngang pansinin si Remie, Hope. Basta ako, excited na 'kong makita si Baby Leslie!"

Ngumiti siya.

"Okay naman ang current set-up. May mga naiwan pa 'ko sa boarding house pero dadaanan na lang ni Paul. Dalawa't kalahating oras lang naman ang pinakamatagal na biyahe ko pauwi," kuwento niya.

"Samantalang one year ago, nakaka-stress 'ka mo ang traffic! Sabi mo, hindi ka makapagpahinga nang mabuti 'pag uwian. Kaya ka nga sumama sa boarding house nina Ate Keith, 'di ba?" sabi ni Remie.

"Remie, okay lang ako. As in. Sobrang okay. Walang traffic ang makakapigil sa 'king umuwi araw-araw para makita ang anak ko," aniya habang nagliliwanag ang mga mata. "'Di ko rin alam kung bakit ang dali kong na-attach kay Leslie. Sa dami kasi ng tao sa park no'ng gabing 'yon, sa 'min ni Paul siya ibinigay. Nakakatakot pa no'ng una, pero no'ng natitigan at nakarga ko na siya nang matagal, ayaw ko na siyang bitawan. Alam n'yo 'yon? Basta!"

"Ang blooming mo nga ngayon, 'te! Ramdam ko 'yong saya mo," sabi ni Karla. "Happy family!"

"Pero 'di ko gets!" sabat ni Remie. "Mga bakla kayo! Alis nga muna 'ko!"

Nagkatinginan na lang silang dalawa ni Karla nang lumabas ito.

"In denial, pero na-cute-an din 'yon sa s-in-end mong picture ni Leslie sa group chat."

Napatawa sila.

Nang mag-uwian, kasama ni Hope si Paul sa biyahe mula Pasay papuntang Cavite para ihatid siya at bisitahin si Leslie.

"Magandang gabi po," bati ni Paul sa nanay niya. "Bibisita lang po kay Leslie."

Dumaan lang ang tingin ng nanay ni Hope.

"'Lika. Lagay mo na lang 'yan sa mesa," yakag ni Hope sa kanya papunta sa kwarto niya kung nasaan ang anak.

Napahinto sina Paul at Hope sa paglapag ng mga pinamiling diaper at gatas ng anak nang magsalitang muli ang nanay niya.

"Hindi kayo mag-asawa. Ilabas mo 'yong bata rito."

Nagkatinginan silang dalawa. Minabuti na lamang ni Paul na maupo sa sofa na katabi ng sa nanay niya. Ngumiti na lamang ito.

"Wait lang, ha?" Nagmuwestra si Hope at nagtungo sa silid.

Napatayo agad si Paul nang makita ang pabalik na nobya at ang kargang anak. Sa pagka-miss kay Leslie ay sumalubong agad ito.

"Hi po, Tatay." Kinakaway-kaway ni Hope ang maliit na kamay ni Leslie. "Miss you, Tatay."

Dahan-dahan nitong kinuha kay Hope ang anak. "Hindi halatang galing sa sakit ang anak ko, ha," sabi ni Paul kay Leslie, "Ano, strong 'yan . . ."

Napangiti si Hope. Parang may humaplos sa puso niya. Ang gandang pagmasdan ng mag-tatay.

Sa paglipas ng araw, lalong naging malamig ang pakikitungo ng kanyang ina kay Paul mula nang dumating si Leslie sa buhay nila. Hindi na lang nila iyon dinidibdib dahil ang atensyon nila ay palaging nasa anak.

Hopelessly HopefulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon