Capitulo Treinta

2.5K 121 10
                                    

 


Capitulo Treinta



Isang malalim na pagbuntong-hininga ang ginawa ko pagkadilat ko sa aking mga mata. Napatingin ako sa orasan. Alas cuatro na pala ng umaga. Ang aga kong nagising ngayon. Nilingon ko si Alejandro. Ang lalim ng kanyang tulog na tila ba'y isang natutulog na sanggol.

Alas doce na ng gabi umuwi si Alejandro. Tatlong araw siyang hindi umuwi dahil sa mga lugar bandang norte sila nangampanya. Ilang araw din akong hindi nakatulog ng maayos dahil sa kakaisip kung anong araw siya uuwi. Kinakain na ng pangangampanya nila ang mga oras na sana ay nasa tabi ko siya. Bumuntong-hininga ako. Saang parte naman ng Pilipinas kaya siya pupunta ngayon? Ilang araw kaya siyang mawawala?

Labis akong nalulungkot na hindi ko dapat maramdaman. Para bang araw-araw ay kinakain na ng kalungkutan ang sistema ko. Napahaplos ako sa aking tiyan. Kahit anong baling ko sa mga bagay na nagpapasaya sa akin dito sa loob ng bahay, hindi nito maialis ang lungkot na aking nararamdaman. Hindi ko alam kung dahil ba ito sa maraming bagay na pinagbawal sa akin ni Alejandro—kasama na ang paglabas ng bahay—o dahil kaunti na lamang ang mga oras na kasama ko siya at wala akong karamay sa pagdadalangtao ko.

Humarap ako kay Alejandro at hinaplos ko ang kanyang mukha. "Alejandro." mahinang usal ko. Nanlaki ang aking mga mata nang maramdaman kong parang binabaliktad ang aking sikmura. Nagmadali akong pumunta sa palikuran para sumuka. Wala namang laman ang sinusuka ko. Pinindot ko na ang flush ng toilet bowl nang matapos ako. Dahan-dahan akong umupo sa sahig. Nanghihina ako. Bumuntong hininga ako at muling sumuka sa toilet bowl. Tuwing umaga'y ganito palagi ang senaryo ko.

Pinunasan ko ang gilid ng aking labi at muling umupo sa sahig. Mariin akong pumikit. Ang hirap talagang magbuntis.

"Victoria."

Dumilat ako. Nag-aalalang mukha ni Alejandro ang bumungad sa akin. Inabutan niya ako ng isang baso ng tubig. "Salamat." Kaagad kong ininom ang tubig.

"Okay ka na ba?" Tumango ako kahit ang totoo ay nanghihina pa rin ako. Inalalayan ako ni Alejandro na tumayo at lumabas ng banyo. "Gusto mo na bang mag-breakfast?"

"Mamayamaya na lang."

"Sigurado ka?"

Tumango ako. "Matulog ka na ulit. Magpapalit lang ako ng damit." Kumuha na ako ng damit na isusuot ko. Bababa na lang ako mamaya upang ako na lang ang magluto ng agahan namin. Alam ko rin naman kasi na hindi na ako makakatulog ulit. Muntik na ako mapasigaw nang makita ko si Alejandro na nakatayo sa labas ng banyo. "B-Bakit hindi ka pa natutulog?"

"Hindi na ako makatulog."

"G-Ganoon ba?"

Tinanguhan niya ako. "Bababa ka ba?"

"Oo." Kinuha ko ang suklay upang suklayan ang aking buhok. "Aalis ka ba ngayong araw?"

"Oo. Mangangampanya kami sa Region V. Baka sa sabado na ako makakauwi."

Yumuko ako upang itago ang lungkot na naramdaman ko. Dalawang araw naman siyang mawawala. Bumuntong hininga ako. "Anong oras ka aalis?"

"Mamayang alas diez ng umaga."

"S-Sige. Magpahinga ka muna. Alam kong pagod ka nitong mga nakaraang araw." Pinatong ko sa mesita ang suklay at nagmadaling lumabas ng kwarto kahit pa tinatawag ako ni Alejandro. Dapat masanay na ako sa pag-alis-alis niya dahil mas magiging kaunti na lang ang panahong kasama ko siya sa oras na siya ang manalo sa eleksyon.

La Señora desde el EspejoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon