"Nay pinaref ko na kina Aling Lorna ang karne!" sigaw ng panganay kong si Claudia.
Maigi kong kinuskos ang damit na nilalabhan. Alas sais pa lamang ng umaga ay heto na ako at naglalaba sa posong katabi ng aming bahay. Kung hindi ko ito gagawin ay tiyak na walang kakainin ang aking mga anak.
T'wing linggo ay tumatanggap ako ng labada. Lunes hanggang sabado naman ng gabi ay duty ko sa club. Kung minsan nga ay bihira na akong umuwi ng bahay. Kaya kung umuwi man ako, sinisigurado kong may pera akong iniiwan sa mga anak ko.
"'Nay! 'Nay!" sambit ng bunso kong si Paula.
Anim na taong gulang pa ito. Kumpara sa iba kong anak, maganda at napakaputi nito. Namana niya sa ama niyang porener.
Ibinigay nito sa'kin ang selpon kong tatskrin. Sabi ng anak kong si Troy ito raw ang uso ngayon kaya bumili ako nu'ng malaki ang kinita ko sa nakaraan kong kostumer.
"Ayy. Tumatawag siya!" tili ko.
Mabilis kong tinuyo ang mga kamay sa suot na damit at inabot ang selpon.
"Sino 'nay?" tanong ng anak ko.
'Si Arnel!' Sa Isip-isip ko.
Umiling lamang ako at sinenyasan siyang pumasok ng bahay. Agad naman itong tumalima.
"Beyb, napatawag ka? Ite-take out mo ba ako ulit?" tanong ko sa mapang-akit na tinig.
Sa lahat ng mga naging kostumer ko, si Arnel ang pinakagusto ko! Hindi ko naman akalaing sa tinagal-tagal na ng panahong lumipas ay babalik ulit siya sa akin.
"Oo. Bukas, beyb. Si Lorna kasi, baka maghinala. Inuumaga na 'kong umuwi dito sa bahay," sagot nito.
Hmp! 'Yang asawa niyang napakaboring! Kung 'di lang niya inagaw sa'kin si Arnel nu'ng hayskul, kami na sana ang nagkatuluyan.
"Eh? Akala ko ba sasakay ka na ng barko?" tanong ko.
"'Di pa. Sa makalawa pa. Kaya nga nagpapainit pa ako dito. Ikaw naman kasi beyb, ang hot mo," sabi nito sa mapang-akit na boses.
"Ayyy! Talaga ba? Hihihi," ani ko pa.
"Haha. Oo. Kain tayo bukas sa labas."
"Ih. Anong kakainin natin beh?" tanong ko.
Masubukan nga. Hihihi.
"Haha nagbago na isip ko! Ako na lang kaya kanin mo beyb," sagot nito sa mapaglarong tinig.
Hihihi. Loko talaga itong si Arnel!
Naging magulo naman ang sumunod na tunog at para bang may nangyayari.
"Arnel? Arnel? Andiyan ka pa?" tanong ko.
Pero hindi na ito sumagot at biglang pinatay ang tawag..
Iwinaksi ko muna ang pangyayari at iniisip ang magiging pagtatagpo namin bukas.
Napangiti akong isinantabi ang selpon at binilisan ang paglalaba.
Ala una ng hapon nang natapos ako sa paglalaba at nagpunta sa hapag-kainan upang kumain ng pananghalian.
Binuksan ko ang bowl na tinakpan ng plato.
Dinuguan?
"Claudia? Ikaw ba ang bumili nitong dinuguan?" tanong ko.
"Hindi po 'nay. Bigay po 'yan ni Aling Lorna, birthday niya raw kasi," sagot nito.
"Tapos na kaming kumain 'nay kaya kumain na rin kayo," dugtong pa ni Nilo, ang pangatlo kong anak.
Tumango naman ako at bahagyang napatawa. Napakasweet naman pala nitong si Lorna.
Napangisi naman ako at nagsimulang kumain.
Kakaiba ang lasa ng dinuguang ito, a. Ano kayang special recipe ni kumareng Lorna at masarap ang luto niya?
-"Kumare ito na pala 'yung pinalabhan mo," usal ko.
Inabot nito ang bag na puno ng mga nakatuping damit mula sa akin at kapalit nito ay ang dalawang daan na mabilis kong tinanggap.
Akmang isasara na nito ang pinto nang pigilan ko siya.
"Ay sandali!" pigil ko sa kaniya.
Napakamot pa ako sa ulo at nagpatuloy. "Salamat nga pala sa binigay mong ulam kanina," bawi ko. "Birthday mo raw?"dugtong ko pa.
Ngumiti siya.
"Oo," matamlay niyang sabi.
"Nga pala, kukunin ko lang 'yung karneng pina-ref ko ke Claudia," pahabol ko pa at pekeng ngumiti.
Tumango lang ito at binuksan ang pinto.
"Paki kuha na lang sa ref," sabi niya.
"Uhmm. Andito ba si Kumpareng Arnel?" tanong ko.
Tumagal ng ilang sandali bago ito sumagot. Sumusulyap lang ito habang pinagpapatuloy ang paghihiwa ng karne at mga rekados.
"W..wala. Umalis siya."
Mabilis ko namang nahagilap ang ref na nasa kusina.
Binuksan ko ito.
Ang daming karne dito sa ref ni Lorna, a. Kaya siguro masiyado itong mabait para magbigay ng ulam sa kabit ng asawa niya. Hah! Ayan kasi! Napaka boring kaya pinagpalit ni Arnel sa akin. Masiyadong mabait at santa!
Ilang sandali pa nang mahanap ko ang kulay dilaw na tupperware na pinaglagyan ng karne at kinuha ito mula sa ref. Isasarado ko na sana ang ref nang mahagip ng paningin ko ang pamilyar na tattoo na nasa isa sa mga nakabalot na karne.
Binalingan ko ng tingin ang dinuguang nasa pinakailalim na parte ng ref.
Bigla ay tinakasan ako ng dugo sa nahinuha.
Putragis!