"Mahal mo pa?"
Walang imik kong hinigop ang kaninang mainit na kapeng papalamig na ngayon.
"Mahal mo pa ba kako?" pag-uulit niya.
Maingat kong ibinaba ang tasa ng kape at naninimbang na tiningnan siya pero kahit anong pagmamanipula ko sa nararamdaman ay ganoon pa rin. Sumobra pa ata.
Walanghiyang mukha 'yan. Ba't parang mas lalo siyang gumwapo sa paningin ko?
Malalim akong nagbuntong hininga at matamlay na umiling.
"Ano bang gusto mong marinig?" paghahamon ko.
Humalakhak lang ito at mapaglarong uminom ng kapeng puro.
Mapait.
Kaya mas pinili kong lagyan ang akin ng kaunting krema. Ayoko nang madagdagan ang pait na nararamdaman.
"Wala naman. Baka kasi mamaya magselos ka pa sa amin ng jowa ko. Jusko ha. Mars, hindi na ako attracted sa bibingka. Alam mo 'yan.." May ipinapahiwatig ang mga salita niya.
"Tsaka matagal na namang tapos 'yung sa atin..." mahina niyang sabi.
"Ay basta! Okay na tayo. Kaloka! Hindi pa rin ako makapaniwalang naging 'ano' tayo dati."
Pormal akong ngumiti sa kaniya.
"Wait! 'Wag mo pa lang mamention ito kay Joel, ha? Jusko walang alam 'yun."
Pilit kong inangat ang gilid ng mga labi at pagak na tumawa habang ang kaloob-looban ko ay nagwawala na dahil sa sari-saring emosyong ngayon ko lang ulit naramdaman.
"Ano ka ba, Mars? Siyempre support ako sa'yo. Wala na 'yun. Tinatanong mo pa. Eh matagal na 'yun..." masigla kong sabi.
"Hindi na." dugtong ko pa.
Hindi na mahal. Kasi sobra. Sobra pa, Mars.