Pangarap para kay Inay

5 2 0
                                    

Abot-abot ang tahip ng dibdib, ay mabilis akong naglakad habang mahigpit na yakap ang mga libro sa aking bisig. Mabilis man ay naging maingat ako sa pag hakbang nang tahakin ang mapuputik na daanan ng eskinita dahil sa takot na madumihan ang may kalumaang puting uniporme. Sa bandang kanan ng dibdib ay naka pin doon ang buo kong pangalan at isang simbulo na hugis tinidor— palatandaan ng apat na taon kong pagsusumikap. At ngayon, ang huling taon para roon.

'Konting tiis na lang.'
Sabi ko sa sarili.

Nang makarating sa tapat ng isang pamilyar na bahay ay nagpakawala ng malalim na buntong hininga.

'Kaya mo 'yan. Para saan pa at ito ang kursong kinuha mo?'

Hindi pa man nakaka pasok ay hinarangan na ako ng babae.

"Mano po—"

Iniwaksi lang nito ang kamay kong naglalahad ng pag galang.

"Wala ang mama mo dito, Grace."
Nakapamewang na giit niya.

Paanong wala? Hindi kaya...

"Hinayaan mo siyang lumabas, auntie?"

May bahid ng paga-akusa sa boses ko.

Umismid lang ito at nalukot ang mukha nang paypayan ang sarili gamit ang isang pinunit na karton.

"Paanong hindi? Isang linggo mo na akong hindi binabayaran, ah! Aba't ang swerte niyo namang mag ina! Akala mo ba ang daling pakisamahan niyang loka-loka mong nanay?" sumbat niya.

Muli, ay pinaalala ko sa sarili ang mga leksyon na natutunan ko tungkol sa mga tao. Kung gaano tayo inaalipin ng sariling kapakanan at pagiging makasarili. Ayokong matapon ang prinsipyong binuo sa pag-aaral kung sa simpleng panunumbat ay magpapakababa rin ako.

Tumikhim ako at nagsalita.

"Pasensya na po, auntie. Alam niyo namang huling taon ko ngayon sa kolehiyo at medyo gipit ako sa pera. Naiintindihan ko po. Pasensya na rin sa abala at... kay Mama."

Hindi ko na siya binigyan ng pagkakataong makapag salita at tumalikod na. Tinunton ko ang pamilyar na daanan na tinatahak ko sa araw-araw. Alam kong nandoon lang siya. Doon siya parating pumupunta kapag nakaka labas siya pero hindi namin siya pinagbibigyan.

"Kanina pa 'yan, ah! Asan na ba 'yung pinagmamalaki niyang anak?

"Ay grabe! Ang talino ng anak niyan, ser! Aiming for latin honor daw 'yun, e. Sa ano... 'yung laging nagt-top na kolehiyo.. U—? Ano nga 'yon, neng?"

"UP!"

"Oo! Sa UP! 'Yun nga lang may saltik sa utak 'yung nanay. Baka nasa pamilya nila 'yan at magaya lang siya. Sayang naman. Pang baliw pa naman ang kurso niya."

"Hahaha. Paano niya gagamitin 'yong kurso niya kung mababaliw na rin siya? Adik din 'tong si Denden, ser, e!"

Nagkatawanan lang ang mga mag-aaral nang datnan ko silang nagu-usap kasama ang dati kong guro sa highschool. Hindi ko na sila ni lingon pa.

Dati pa naman ay ayaw na ni Mr. Romulo na nagpupunta si Nanay dito.

Nakita ko si mama na naka abang sa may bintana sa labas ng malapit na classroom— ang silid ko nu'ng grade 8. Noong panahong maayos pa ang lahat...

Mabilis kong pinalis ang butil ng luha na tumulo sa mga mata at sinalubong ng yakap si mama.

Ang lakas ko noong mga panahong halos wala na rin akong maintindihan sa lahat. Ang kahirapan, ang maagang pagkamatay ni Papa, ang kalagayan niya, ang pagkamuho sa sarili kung bakit hindi ko maibigay si mama sa tamang pasilidad na kinakailangan niya.

Siya na lang... Siya na lang ang dahilan ng lahat. Kung bakit ko tinatapangan ang lahat ng ito.

Hinayaan kong mabitawan ang mga libro habang mahigpit na niyayakap si mama. Natatakot sa karaniwang itinatanong niya.

"Kilala mo ba si Grace, hija?"

Sa nanghihinang loob ay hinayaan ko siyang bumitaw sa pagkakayakap sa akin habang ang mga mata ay mapanghanap. Isa-isa kong pinulot ang binitawang mga libro. Tinulungan niya ako at napukaw ang atensyon sa pamagat ng mga libro.

"Nag a-aral ka ng Psychology?"

Tumango lang ako.

"Naku! Magkakasundo kayo nu'ng anak ko. Mahilig 'yong magbasa ng mga libro tungkol sa sikolohiya!"

Naalala mo pa, mama.

"Susunod ata sa yapak ko. Gusto ring makipag usap sa mga baliw," pahapyaw na biro nito at mababaw na humalakhak.

Hindi ako nagsalita. Hinayaan ko siyang pagmasdaan ako.

Mama... Bakit ganito? Kung kailan malapit ko nang maabot ang pangarap nating dalawa...

"Magkamukha kayo..."

saka ka naman kukunin sa akin.

Spilled Ink and Crumpled PaperTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon