Isang bagong umaga na naman. Ngunit para sa isa sa mga almost non-existing human being na halos pag hinga na lamang ng oxygen ang nai-contribute sa lipunan ay isa lamang itong ordinaryong pasanin. Walang bago. Kasi normie. Pangkaraniwan lang. Nakikihalo sa mga simpleng kalakaran sa buhay. Nagtitiis sa init ng araw. Nagsisikad. Nagbabanat ng buto. Kung naisin ay pumapasok sa eskwela. Kung hindi naman at walang maitustos sa sarili ay patuloy pa rin.
Gigising. Magigising. Hindi sa kagustuhan ng panibago kundi dahil sa nakasanayan. Nasanay na sa kape at tinapay kaya bakit pa mag-iiba? Ililigo na lamang ang katotohanang hindi na makakapag-aral pa. Tutal ay ilang beses na ring nasawi sa mga nai-drop na subjects dulot ng under-pressure na pagsasabay ng pag-aaral, pagtatrabaho, pagsustento sa pamilya at kaunting—kung mayro'n man, na oras para sa sarili, at pati na rin ang kasawian sa eksam at iba pang bagsak sa mga pagsasanay sa eskwelahan dulot ng puyat sa pagtatrabaho; tuluyang 'di na maibalanse pa ang lahat. Kung mayro'n mang nagtagumpay sa ganitong mga sitwasyon, sila iyong maituturing na nakakaangat sa ordinaryo; Iyong mataas ang pangarap, minsa'y pinagpapala ng tadhana at talagang hindi bumibitaw sa pakikipagsapalaran. Pero teka, bumalik tayo sa orihinal.
Kahit pa siguro mapaso sa kapeng ginawa nang pampawi ng uhaw—este antok, hindi pa rin mapupukaw. At kung ang tinapay ngang pampalaman ng tiyan sa umaga ay ginawa na ring pananghalian at hapunan ay nakakapagtiis naman.
Magtitiis. Tiis lang sa minimum wage na sweldo. Kahit pa siguro ilang beses na balikan sa pamamasada ay hindi pa rin magkakasya. Pero pipilitin pa ring ikasya ang pwet sa pag upo sa dyip. Kaya 'yan. Kahit isang pisnge ng pwet na lang at nang makarating lang sa paroroonan. Sayang ang oras ng paghihintay at marami pang kakompitensya na pasahero rin. Paunahan lang 'yan. Iaabot ang pamasahe sa katabing umaga pa lang ay nakabusangot na ang mukha.
Sa minutong byahe ay iisipin ang mga gawaing tatapusin sa araw na ito pero taksil ang isipan kaya magbabalik na naman ang mga problemang kakaharapin sa linggong ito. Malapit na ang meet up ng Flat Earthers Society at walang perang pang register bilang bagong miyembro, paubos na ang maintenance na gamot ng nanay sa diabetes at highblood, si tatay ay natanggal sa trabaho kaya kailangang doble kayod bilang panganay, ang anim na kapatid na pawang mag-aaral na sa susunod na linggo ay hindi pa naibili ng mga gamit sa eskwela, at ang sarili ay mukang masisibak na sa trabaho dahil pang tatlong beses ng late ito.
Mapapamura at iisipin pa ang mga kasawian at problema sa buhay. Sa huli ay pipiliing suotin ang earphones kesa makinig sa tsismis ng katabi. Ich-check ang facebook account at bubungad ang mga bagong balita ng mga nai-follow na news page at dahil medyo may kaalaman na sa mga pekeng balita ay iiling na lang sa mga nababasa. Magr-rant ng mga hinaing at matatawa sa mga bagong memes na tila ba 'yun na lang ang natatanging source of happiness o 'happy pill'. Magl-log out at pipiliing makinig ng music.
Hinga. Magpapakawal ng malalim na buntong hininga. Napanatag ang loob sa kabila ng mapanakit na realidad. Hihimayin ang bawat liriko na tila ba awit ng buhay ang kantang 'Iris ' ng bandang Go go dolls.
Sa isang kurap, ay tila batang inihele at kakalat ang kadiliman sa paningin matapos masaksihan ang kalupitan ng mundo. Titingin sa unahan at hindi maalintana ang bus na paparating na may antuking drayber. Biglang mags-slowmo ang pangyayari.
'Katapusan na ba? Siguro nga. Handa na ba? Oo? pero ba't parang may pag a-alangan?'
'Teka lang!'
Mababangga at sa lakas ng impact ay wari itinadhanang maalimpungatan sa mga sinayang na oportunidad at itinapon na lakas ng loob dahil lang sa mga problema.
'Mamatay ba ako nang wala man lang pagkilala sa pagiging dakilang matiisin? Maatim ko bang maging normie until death? At iwanan ang pamilya ng maliban sa patong-patong na problema, ay 'eto ako dagdag gastusin na naman sa lamay? Hanggang kailan ba ako magiging loyal sa kape at tinapay, at pati sa lamay ko ay ito lang ang maaring maihanda para sa mga bisita?'
"Paabot ng bayad," maantok-antok na aabutin ang baryang pinapatugon ng katabing pasahero at bahagyang nagpasalamat sa isipan dahil nagising sa pagkakatulog. Titingnan ang selpon at biglang magp-pop up ang teks ng nobyang gusto nang makipag hiwalay.
Mapapamura na lang sa mga pangyayari at kahit pa lutang, ay bababa ng dyip na may halong pag asa; nahinuha ang kagustuhang lumihis sa tipikal na kwento.