"Tanging tunay na Kaibigan"

270 10 0
                                    

Tagalog Spoken Poetry About Depression

Mayroon akong kaibigan,

Hindi mo siya nakikita

Hindi ko na sasabihin ang kanyang pangalan  

Dahil alam kong kaibigan mo din siya.

Paano ko ba ito sisimulan?

Itong kaibigan ko, hindi niya ako iniiwan

Pagkatapos ng mahabang araw at sa dilim ako'y nagmumukmok mag-isa,  

Ako ay kanyang sinasamahan

At dahil nga hindi mo siya nakikita,

Siya ay aking ilalarawan

Ang kaibigan kong ito ay papalit-palit

Minsan siya'y kasing liit ng alitaptap sa palad ng dragon,

Minsan naman, siya yung dragon

Minsan ay kasing hina niya ang tunog ng karayom sa lupa

Minsan ay kasing lakas ng pinaka-nakakarinding kulog na dala ng pinakamaliwanag na kidlat

Ang kaibigan kong ito ay parang kanser sa aking kaluluwa

Nilalamon ako mula sa pinakaloob at pinakamalalim na kweba ng aking isipan  

Hanggang lumabas sa aking mga mata  

Kapag kasama ko siya, para akong naglalakbay sa disyertong mainit

Kontaminado ang hangin, sapatos ko'y puno ng buhangin

Ang tanging tubig na nasa saakin

Ay ang tubig na mula sa mga matang akin

Kapag kasama ko siya, para akong nalulunod

Habang pinapanood ang mga tao sa aking paligid na humihinga nang walang pagod

Para akong nahuhulog sa madilim at malalim na balon  

Habang iniisip kung saan ako mapaparoon

Para akong kinakaladkad patawid sa impyerno

Habang siya'y naka-kapit nang mahigpit sa mga kamay ko

Para akong nasa isang kahon na gawa sa salamin

Sinusubukang mapukaw ang atensiyon ng tao sa paligid

Ngunit walang nakakakita, walang tumitingin

Para akong nasa libing ng isang taong minahal ko noon;

Nasa libing ng aking sarili

Ang kaibigan kong ito ay parang bagahe na buong araw na binubuhat ng aking mga balikat

Sobrang bigat, napaka-bigat

Ngunit paano ako hihingi ng saklolo

Kung ito ay sakit sa aking sariling ulo

Paano?

Paano ako hihingi ng tulong,

Kung ako mismo, hindi ko alam ang laman ng bagaheng ito

Oo pagod na rin ako

Ngalay na ang mga balikat ko

Pagod na ang mga paa ko

Rindi na ang mga tainga ko

Tuyo na ang mga mata ko

Ngunit hindi ako makahingi ng saklolo

Dahil napaka hirap intindihin nito

Hindi niyo nakikita ang kaibigan ko

Hindi niyo nadidinig ang kanyang mga bulong sa aking utak na “walang may pake sayo”

“hindi ka nila kailangan”

“iiwan ka lamang ng lahat ng kaibigan mo”

“iiwan ka lamang nila”

Hindi ako makahingi ng saklolo sapagkat ano nga naman ba ang irereklamo ko?

Ano nga naman ba ang irereklamo ko kung buo naman ang pamilya ko?

Kung maayos naman ang bahay ko?

Kung alam kong mas mabigat ang pinagdadaanan niyo?

Ano nga naman ba ang irereklamo ko?

Wala naman akong karapatan maging malungkot.

Wala akong karapatan magreklamo ngunit bakit lagi padin akong dinadalaw ng kaibigan ko?

Sa lahat ng taong nang-iwan sa akin

Sa lahat ng taong pinagpalit nila sa akin

At sa lahat ng naging kaibigan ko, siya lamang ang totoo.

Ngunit sa kabila ng lahat ng ito,

Pinagdarasal ko na lisanin niya na ako

Dahil itong kaibigan na ‘to, wala siyang magandang naidudulot sa buhay ko

Ayaw ko na itong pakiramdam

Na kapag binuksan ko ang ilaw, kadiliman padin akong aking nakikita

Na kapag binuksan ko ang radyo, katahimikan padin ang dinig ng mga tainga ko

Kaya kaibigan,  

Parang awa mo na,

Sana ako'y lisanin mo na

At hayaan mo na akong madama yung pakiramdam na walang nadarama.

Spoken Word Poetry Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon