Prologue

950 42 1
                                    


INILAPAG ng diyese-sais anyos na binatilyong si Kean ang eroplanong papel sa ibabaw ng bed side table ng kuwarto niya. Hindi na siya bata para maglaro niyon pero para sa kanya, mahalaga ang bagay na iyon na nagmula sa taong espesyal sa kanya.

Kinabukasan ay maaga siyang pumasok sa eskuwela. Hindi siya sumabay sa service ng pamilya nila. Tumambay siya sa lilim ng punong mangga. Wala pang isang minutong nakaluklok siya sa bench ay may mga kamay nang tumakip sa mga mata niya. Amoy pa lang ng pabango, kilala na niya kung sino ito.

"Aalisin mo ang kamay mo o babaliin ko ang mga iyan," banta niya.

Inalis naman ni Sandy ang mga kamay sa mata niya saka ito bumaling sa harapan niya. Nakapamaywang ito.

"Kuya Kean, natanggap mo ba iyong eroplanong papel na pinalipad ko papasok sa bintana ng kuwarto mo kahapon?" nakangiting tanong nito.

"Hindi," mariing pagsisinungaling niya.

Ngumuso ito. "Sayang naman. Pinaghirapan ko pa namang gawin 'yon. Imposibleng hindi mo nakita. Sigurado ka bang hindi mo nakuha?" paniniguro nito.

"Sabing hindi. Ang kulit mo. Baka nakuha ng katulong at naitapon sa basurahan."

"Sinong katulong?"

"Ewan." Tumayo siya. Akmang iiwan niya ito.

"Sandali! Bakit pansin ko parang umiiwas ka sa akin?" kastigo nito.

Hindi siya sumagot, sa halip ay nagpatuloy siya sa paglalakad.

NAIINIS si Sandy. Sinula noong gabi pagkatapos ng fifteenth birthday niya ay iniiwasan na siya ni Kean. Hindi naman niya sinasadyang mabalewala ito at si Marc ang naging escort niya. Late na kasi itong dumating. Sinariwa niya ang naganap noong gabi.

"Nasaan na ba si Kean? Magsisimula na ang party," balisang sabi ni Sandy habang nasa loob siya ng kuwarto.

"Baka late lang," sagot naman ng baklang nag-ayos sa kanya.

"Late? Ang sabi niya bibili lang siya ng regalo."

Mamaya ay dumating si Marc. "Sorry, hindi na ako kumatok," sabi nito.

"Ayos lang. Nagsisimula na ba ang party?" aniya.

"Oo. Huwag mo nang hintayin si Kean. Baka na-traffic pa 'yon. Magagalit ang matatanda kapag hindi ka pa lumabas."

"Paano 'yan? Wala pa si Kean. Wala akong escort."

Ngumiti si Marc. "Ano'ng silbi ko? Let's go," sabi nito saka inialok ang kanang braso sa kanya.

Wala na siyang choice kundi sumama kay Marc. Saktong nasa gitna na sila ng malawak na function room ay namataan niya si Kean na kapapasok sa pinto dala ang malaking regalo. Tapos na ang pagpapakilala sa kanya ng Papa niya at sa mga sandaling iyon ay isasayaw na siya ni Marc, na dapat ay si Kean ang naroon.

Hindi na niya nakita si Kean nang hanapin ito ng paningin niya. Nawalan na rin siya ng pagkakataong hanapin ito dahil isinayaw na siya ng Papa niya at ibang tiyuhin niya.

Pagkatapos ng sayaw ay hinanap niya si Kean. Wala ito sa loob ng function room ng isang resort. Nakita na lang niya ang regalo nito na inilagay sa mesa na nakalaan para sa mga regalo. May kung anong pumipiga sa puso niya habang iniisip na nagtampo si Kean dahil si Marc ang naging escort niya.

Sa kasalukuyan. Sinubukang habulin ni Sandy si Kean pero nang maabutan niya ito ay hinarap siya nito at sinungitan.

"Puwede ba, tigilan mo na ang pagsunod sa akin!" hasik nito.

"Ano ba ang problema mo? Bakit ang sungit mo sa akin? Sorry na kung hindi kita nahintay noong gabi ng birthday ko. Ang tagal mo kasing dumating. Hinintay kita."

"Wala akong problema at lalong hindi ako apektado ng gabing iyon. Mabuti nga iyon dahil hindi na ako napagod. Kalimutan mo na 'yon. Mag-aral kang mabuti, malapit na ang exam," sabi nito saka siya tinalikuran.

"Kuya Kean! Hoy!"

Marahas siya nitong hinarap. "Stop calling me 'kuya', nakakairita!" nanggagalaiting sabi nito saka nagmamadaling lumakad palayo sa kanya.

Biglang nagsikip ang dibdib niya at hindi niya napigil ang pagluha.

Nagtataka si Sandy bakit biglang lumipat ng paaralan si Kean pagkatapos ng first grading exam. Sa Maynila na ito nag-aral. Sa paglipas ng taon. Nabalitaan niya na sa London ito mag-aaral ng college. Umalis ito na hindi nagpaalam sa kanya. Ni hindi sila nagkaroon ng pagkakataong magkita. Ang paglisan nito ay nag-iwan ng tanong sa isip niya na habang buhay niyang hahanapan ng kasagutan.

Bakit Hindi Naging Tayo? (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon