PAGDATING sa bahay ay nagluto kaagad ng hapunan si Sandy. May stock sila ng isdang salmon kaya iyon ang niluto niya. Paborito ni Kean ang salmon steak. Mas madali iyong lutuin kaysa karne ng baka at manok.
Nang makapagluto ay ibinukod niya ang ulam ni Kean. Inilagay niya iyon sa babasaging bowl na may takip. Pasado alas-otso nang nagtungo siya sa mansiyon dala ang ulam para kay Kean. Wala pa roon ang mga magulang ng binata pero may pagkain nang nakahain sa mahabang hapag-kainan. Sinalubong siya ni Aleng Herna, ang mayordoma sa mansiyon.
"Sandy, naparito ka. Ano iyang dala mo?" usisa nito.
"Uhm, kumain na po ba si Kean?" tanong niya.
"Hindi pa nga bumababa mula kaninang dumating. Naroon lang siya sa kuwarto niya. Pinatawag ko na nga siya para maghapunan."
"Ganun ba?"
Mamaya ay nakarinig siya ng yabag pababa ng hagdan. Sumilip siya sa sala. Pababa na si Kean suot lamang ay itim na boxer. Lumakad ito palabas ng main door. Sinundan niya ito. Patungo ang binata sa gilid ng mansiyon kung saan mayroong Olympic swimming pool. Kumubli siya sa likod ng puno ng palm tree habang pinapanood ang binata na nakatayo sa gilid ng pool sa may hagdan.
Namangha siya. Halos perpekto ang pagkakahubog ng mga muscle nito sa katawan. Malapad ang likod nito na may mga nagkaparte-parteng kalamnan. Lumipat siya sa kabilang puno ng palm tree na mas malapit sa pool. May tatlong dipa na lamang ang layo niya kay Kean. Mas malapitan niyang napagmamasdan ang nakakatakam na katawan ng binata. Nagbabanat ng kasukasuan ang binata habang nakabuka ang mga paa.
Nang pumihit ito paharap sa kanya ay lumuklok siya para matakpan siya ng mayabong na halaman. Pasimpleng sinisilip niya si Kean. Napaawang ang bibig niya nang masilayan niya ang hinaharap nito. Maskulado ang dibdib nito at may nagkaparte-parteng muscles sa puson. Bakat na bakat sa suot nitong hapit na boxer ang malusog nitong pagkalalaki. Umiinit ang sistema niya habang nakatutok ang atensiyon niya sa katawan ni Kean. Aminado siya na lalong gumuwapo si Kean. Bumagay rito ang isang dangkal na haba nitong buhok. Katamtaman ang kapal ng kilay nito na medyo nakatikwas kaya kahit sino ay suplado ang tingin dito. Ang tangos ng ilong nitong makitid at ang labi nito'y namumula na naghuhugis pusong manipis. Ang cleft chin nito na munti ay minahal niya kahit noong mga bata pa sila.
Pilit niyang tinitimpla ang kanyang emosyon. Kung noon ay nagawa niyang itago ang nararamdaman niya kay Kean, dapat magawa din niya sa panahong iyon. Pero mukhang mahihirapan siya sa puntong iyon. Iginigiit niya sa kanyang sarili na imposibleng magustuhan siya ni Kean. Tunay na pinsan ang turing nito sa kanya. Isa pa, kahit gustuhin niya ito ay hindi puwede. Hindi papayag ang Papa niya.
Nawala sa konsentrasyon si Sandy nang makita niya ang malaking aso na nakatayo sa tabi niya. Nanlaki ang mga mata niya. Nataranta siya. Ang alam niya nakakulong ang masungit na asong 'yon. Pilit niya itong itinataboy ngunit lalo lamang itong nangalit at tinahol siya. Dala pa naman niya ang ulam na ibibigay sana niya kay Kean. Naisip niyang bigyan ng isang hiwa ng isda ang aso para lang tumahimik ito ngunit huli na ang lahat. Kumilos ito upang salakayin siya. Napatili siya at napapikit sa akalang sasakmalin na siya nito ngunit nagtataka siya bakit ito dumaing na parang pinalo.
Nang imulat niya ang kanyang mga mata ay namataan niya si Kean na itinataboy ang aso. Tumakbo naman ang aso. Kumabog ang dibdib niya nang harapin siya ni Kean. Humakbang ito palapit sa kanya. Dahandahan naman siyang tumayo at inayos ang kanyang sarili.
"Ano'ng ginagawa mo riyan?" masungit na tanong nito.
"Uh, ibibigay ko lang sana itong ulam na niluto ko," balisang sagot niya.
"Bakit ka pa nagtago? Napagkamalan kang magnanakaw ng aso. Pinapakawalan siya tuwing gabi para tumulong sa pagbabantay," kunot-noong sabi nito.
"Kuwan, baka kasi tatalon ka na sa tubig," hindi napag-isipang rason niya.
BINABASA MO ANG
Bakit Hindi Naging Tayo? (Complete)
RomanceA short story romance Teaser FIRST love kung maituturing ni Sandy si Kean, na pamangkin ng kinalakihan niyang magulang. Halos sabay silang lumaki ngunit sa paglipas ng panahon, napansin niya ang unti-unting pagbabago ni Kean. Lumalayo ito sa kanya n...