KUMISLOT si Kean nang marinig niya ang kanyang pangalan sa ilalim ng tinig ng Daddy niya. Saka lamang niya namalayan na tapos na ang meeting. Tumayo siya nang ipakilala siya ng Daddy niya sa negosyanteng isa sa distributors nila.
"Hi, Kean! Ang laki mo na, hijo. Balita ko nag-champion ka raw sa motor cross tournament sa London," sabi ni Mr. Antonio, matapos siyang kamayan.
Sinulyapan niya ang maganda at matangkad na babaeng kasama nito. Mukhang hindi naman nito iyon asawa dahil parang kaedad lang niya.
"Yes, sir. Nice to meet you, po," magalang na sabi niya.
"Siya nga pala, she's my only one daughter, si Chesca. Siya na ngayon ang nagma-manage ng tatlong supermarket branch namin. Graduate siya ng Business Administration sa New York," pakilala naman ni Mr. Antonio sa anak nito.
"Nice to meet you, Kean," nakangiting bati ng babae. Nauna pa itong nag-alok ng kamay sa kanya.
Dinaup naman niya ang palad nito. Pagkatapos ng maikling kuwentuhan ay naiwan silang dalawa ng Daddy niya sa conference.
"I advice you to set a date with Chesca, Kean. Bata pa siya pero marami na siyang achievements at investment. Sa tingin ko kailangan mo nang makakatuwang sa buhay. Mas maganda kung stable na ang buhay mo bago ko ipagkakatiwala sa iyo ang kumpanya para mas maging mature ka. Malaki ang maitutulong ni Chesca sa kumpanya natin. Matalino siya at magaling sa business industry," sabi ng Daddy niya.
Obvious na nirereto nito sa kanya si Chesca. Lalo siyang naiirita. "Sorry, Dad, I'm not interested," sabi lang niya.
"Puwes, kailan ka mag-aasawa? Hindi ka magiging seryoso sa buhay hanggat hindi ka nagkakaroon ng pamilya. Hindi mo malalaman kung ano ba talaga ang kahulugan ng responsibilidad! Magising ka sa katotohanan, Kean!"
"Matagal na akong nagising, Dad. Huwag kayong mag-alala, kahit hindi ako mag-aasawa ay sisikapin kong maging karapat-dapat na tagapagmana ninyo."
"Nahihibang ka na, Kean. Kung ipipilit mo pa rin sa akin ang gusto mo, hindi ka aasenso."
Hindi na siya kumibo. Yumukod siya sa kanyang ama. "I'm sorry, sir," magalang na sabi niya saka ito iniwan.
Pagdating niya sa ground floor ay namataan niya si Sandy na kasama si Marc sa food center at kumakain. Gusto niyang isipin na hindi magkakagusto si Sandy kay Marc, pero hanggat alam niya na gusto ito ni Marc, hindi siya magiging panatag. Mga bata pa lamang sila ay alam na nila pareho ni Marc na iisa ang nararamdaman nila para kay Sandy. Nagparaya na ito noon. Pero nahahalata niya na nakikipagkompitensiya na ito sa kanya.
Nagtungo na lamang siya sa opisina ng presidente. Umupo siya sa bench at naghalungkat ng mensahe sa kanyang cellphone. May ilang mensahe si Sandy na hindi pa niya nababasa.
Alagaan mo kalusugan mo. Tama nang paglalasing.
Kumusta ka na?
Kumain ka na ba?
Saan ka natulog? Bakit wala ka sa mansiyon?
Ilan lamang sa mga mensahe ni Sandy. Mariing nagtagis ang bagang niya. Naiinis siya habang ipinipilit ng dalaga na maging normal ang pakikitungo sa kanya, na parang ipinamumukha nito na pinsan ang turing sa kanya.
"Huwag mo nang ipilit, Sandy. Tama na," wika niya.
Naalala na naman niya ang konbersasyon nila noon ng Daddy niya, bago tuluyang naputol ang ugnayan niya kay Sandy.
BINABASA MO ANG
Bakit Hindi Naging Tayo? (Complete)
RomanceA short story romance Teaser FIRST love kung maituturing ni Sandy si Kean, na pamangkin ng kinalakihan niyang magulang. Halos sabay silang lumaki ngunit sa paglipas ng panahon, napansin niya ang unti-unting pagbabago ni Kean. Lumalayo ito sa kanya n...