SA MAYNILA na nga nagpatuloy ng pag-aaral si Miranda. At tulad ng sinabi niya sa ama ay umuuwi siya tuwing semestral break.
"'Pa, napansin kong may tao sa bahay-bakasyunan ng mga Aragon. Umuwi na ba mula sa Amerika ang dalawang matanda?" tanong niya sa ama nang minsang sunduin siya nito sa daungan.
"Apat na buwan nang may tao riyan, hija. Ang pamangkin ng mag-asawang Aragon ang nandiyan."
Malayo na ang pickup ay lumilingon pa rin ang dalaga. Dalawang lalaki ang nakita niya sa bakuran ng bahay.
"O, di puwede na ninyo siyang kausapin at aluking tuluyan nang ipagbili ang bahaging iyon ng lupain. Hindi ba at noon pa ninyo planong bilhin iyon dahil nasa gitna mismo ng lupa natin, at saka mukha namang hindi na uuwi ang mag-asawa mula sa Amerika."
Halos isang ektarya ang lupang iyon na nasa gitna ng Rancho Alcaraz. Binigyan lamang ito ng right of way ayon sa napagkasunduan. Bago nag-migrate sa ibang bansa ang mga Aragon ay ipinagbili sa mga Alcaraz ang lupain ng mga ito. Subalit itinira ang bahaging iyon ng lupain na siya rin namang kinatitirikan ng bahay-bakasyunan ng mga ito.
Ang dahilan ay dahil baka maisipan ng pamangkin ng mga ito na gamitin ang propriyedad, "Unang linggo pa lang ni Daniel dito ay kinausap ko na siya, hija. Wala siyang intensiyong ipagbili ang pag-aari nilang iyon."
"Ang Daniel bang ito ay ang pamangkin mismo ng mag-asawa, 'Pa?"
"Siya nga. Isang pamangkin ni Aling Caring ang kinuha niyang kasama. Ganoon din si Aling Caring na siyang katiwala ng bahay-bakasyunan. Umuuwi sa kanila ang matandang babae pagdating ng hapon." Kilala ng dalaga si Aling Caring. Nakatira ito sa may labas ng Rancho Alcaraz at ina ng kaibigan niyang si Aileen. Talagang ito ang katiwala ng mga Aragon noong dito pa naninirahan ang dalawang matanda.
"Ibig bang sabihin, dito na mamimirmihan ang Daniel na iyon?"
"Iyon ang nahihimigan kong sinabi ni Daniel."
Hindi na kumibo ang dalaga. At least, may kapitbahay nang malapit ang papa niya. Ang bahay ng mga Aragon ang pinakamalapit na bahay mula sa Villa Alcaraz.
BINABASA MO ANG
Mga Latay ng Pag-ibig (COMPLETED)
RomanceWalang hindi nakakakilala kay Miranda Alcaraz sa bayan nila. Unica hija ng isang ranchero. Kasama ng kabayong si Ivory ay hindi iilang tao ang dumanas ng lupit ng mga kamay niya sa sandaling ginalit o inagrabiyado ang dalaga. Hanggang kay Daniel...A...
