CHAPTER 11

7K 210 4
                                    

“S-SIR, saan po tayo?” tanong ni Gracia habang lulan na sila ng sasakyan ng binata. May iilang minuto na rin ang tinatakbo ng sasakyan ngunit tahimik lamang si Octavio na nakatingin sa labas ng bintana. Naglakas loob na rin siya na magtanong dito dahil wala naman siyang kaide-ideya kung saan sila pupunta.

Pero nang wala siyang makuhang sagot mula sa masungit na si Octavio ay nanahimik na lamang din siya at ibinaling ang paningin sa labas ng sasakyan. Inaliw ang sarili sa mga nakikita sa daan. Sobrang na-miss niya rin ang Pilipinas. Halos magwawalong taon din siyang nanirahan sa Espanya at hindi nakauwi sa Pilipinas. Hanggang ngayon ay hindi pa rin talaga siya makapaniwalang nagbalik na siya sa bansa. Panigurado siya na labis na matutuwa ang kaniyang abuela kapag malaman nitong umuwi na siya.

Makalipas ang ilang minutong pagmamasid sa labas ng bintana’y nakaramdam siya ng antok kung kaya’t sumandal siya sa gilid ng pinto at tuluyang hinila ng kaniyang antok. Naalimpungatan lamang siya nang marinig niya ang isang boses na tumatawag sa kaniya. Dahan-dahan siyang nagmulat ng mata at iginala ang paningin sa paligid.

“Ma’am, narito na po tayo. Ipinapagising na po kayo sa ’kin ni Señorito Octavio,” anang driver ng binata na siyang gumising sa mahimbing niyang pagkakatulog.

Hindi niya namalayang nakatulog na pala siya kanina sa buong biyahe. Siguro dahil sa pagod niya sa biyahe nila no’ng nakaraang gabi galing Madrid, kaya hindi na niya napigilan ang sarili na makatulog.

“Ah, n-nasaan na po tayo, Kuya?” tanong niya.

“Nasa parking lot na po ng Ildefonso building, Ma’am. Nasa labas na po si Señorito,” tugon nito.

Napaupo naman siya nang tuwid sa kaniyang puwesto pagkuwa’y muling iginala ang paningin sa labas ng sasakyan. At pagkatapos niyang ayusin ang sarili ay kaagad din siyang bumaba sa sasakyan. Unang nahagip ng kaniyang paningin ay ang binatang si Octavio na nakatayo sa ’di kalayuan habang may kausap ito sa teleponong hawak. Usual, seryoso pa rin ang hitsura nito. Mayamaya ay naglakad ito palapit sa kinatatayuan niya.

“Sir, ano po ang gagawin ko rito?” tanong niya.

“You need to work for me para makabayad ka sa utang mo sa ’kin,” walang emosyon na sabi nito sa kaniya. Pagkatapos ay kinuha nito ang bag na hawak ng driver at walang sabi-sabi na ibinigay iyon sa kaniya.

Mabuti na lamang at handa siya kaya nasalo niya agad iyon.

“W-Work? As in, dito po ako magtatrabaho sa building na ito?” hindi makapaniwalang tanong niya. Parang biglang sinalakay ng tuwa ang kaniyang dibdib sa isiping magtatrabaho siya sa isang kilalang kumpanya sa bansa. Nauunahan na siya ng saya at excitement. Dahil sa totoo lang, hindi pa siya nakakapagtrabaho sa ganitong lugar. Well, kung sabagay, sino ba naman ang makakapagtrabaho sa ganitong kaprestihiyusong lugar kung high school lang naman ang natapos niya!

Yakap-yakap niya ang itim na sling bag ni Octavio habang lulan na sila ng elevator. Nakatayo siya sa likuran ng binata habang hindi pa rin mawala-wala ang ngiti sa kaniyang mga labi. Mayamaya ay muling bumukas ang pinto ng elevator at nagsimulang humakbang palabas ang binata. Wala sa sariling napasunod naman siya rito. Namamangha at nalulula pa siya habang iginagala ang paningin sa buong pasilyo ng building. Parang hindi naman ata ito kumpanya! Parang pakiramdam ni Gracia, nasa loob siya nang five star Hotel. Teka lang, mas maganda pa nga ito sa Hotel na pinagtatrabahuan niya noon sa Madrid, e!

Hindi magkandamayaw at mas lalo pang lumawak ang ngiti sa mga labi niya habang nakikita ang mga empleyado sa paligid at binabati ang binata. Parang pakiramdam ni Gracia, siya na rin ang binabati at nginingitian ng mga ito. Nadadala siya!

“Good afternoon po, Sir!”

Kaliwa’t kanan na bati ang natatanggap ni Octavio mula sa mga tauhan nito. Ngunit seryoso at walang imik ang binata hanggang sa marating nila ang malawak na opisina nito.

BRIDE FOR SALETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon