NAKAUPO lamang si Gracia sa isang bench na nasa labas ng opisina ni Octavio. Palinga-linga siya sa pasilyo kapag may mga empleyadong napapadaan sa harapan niya. Tila naaaliw pa siyang pagmasdan ang mga empleyado ng binata.
"Kung ako rin ang makapagsuot ng ganiyan, ang ganda ko rin tingnan," nakangiti pang wika niya sa sarili nang sundan niya ng tingin ang isang babae na pumasok sa opisina ni Octavio. Nakasuot ito ng kulay pulang damit na hapit na hapit sa katawan nito. Hanggang itaas ng tuhod ang haba, habang napapatungan iyon ng itim na bolero na siyang nagtatago sa mga balikat ng babae. Tinirnuhan din ng itim na tacunes na may taas na apat na pulgada. "Ang sarap siguro magtrabaho sa ganito? Araw-araw naka-aircon. Puputi ako lalo kapag dito ako magtrabaho." Napangiti siyang muli dahil sa kaniyang naiisip sa mga sandaling iyon, pagkuwa'y muling inabala ang sarili sa pagtingin-tingin sa buong lugar hanggang sa mahagip ng kaniyang paningin ang lalaking nakatayo sa dulo ng pasilyo-iilang hakbang ang layo mula sa kinaroroonan niya. Nakasandal ito sa pader habang nakasuksok sa bulsa ng pantalon ang dalawang kamay nito. Nakatingin ito sa direksyon niya habang malapad ang pagkakangiti.
Agad namang napaupo nang maayos ang dalaga nang makita niyang nagsimulang humakbang ang lalaki palapit sa kaniya.
"Gracia, right?" tanong nito nang makalapit nang tuluyan sa tapat niya.
Napatango naman agad siya at tumayo sa kinauupuan niya. "O-Opo, sir."
"Sit. Hindi mo na kailangang tumayo."
"Salamat po," aniya, at muling bumalik sa pagkakaupo habang hindi man lang magawang alisin ang paningin sa lalaki.
"I'm Judas." Inilahad nito ang kamay sa kaniya.
Hindi niya naman agad tinanggap ang kamay nito, sa halip ay tinitigan niya iyon maging ang mukha nito.
"Come on! Hindi mo kailangang mahiya o matakot sa 'kin. I'm not like Octavio," turan pa nito nang makita ang pag-aalangan sa kaniyang mukha.
"So, pareho po kayo ng ugali ni Sir Esrael?" iyon ang katanungang nanulas sa bibig niya para sa binata.
Napangiti naman ito nang mas malapad. Why so innocent? Sa isip-isip nito.
"Try me! Mas mabait pa ako kaysa kay Esrael."
Wala sa sariling napatango naman si Gracia sa sinabi ng binata kahit mukhang nagsisinungaling naman ito sa kaniya. Well, at least, hindi ito pareho kay Octavio na bugnutin at laging galit sa kaniya.
Mayamaya'y umangat ang kamay niya at tinanggap ang pakikipagkamay nito sa kaniya.
"Gracia po, Sir Judas!" pagpapakilala niya rito.
"So, is it true na hindi ka fiancée ni Octavio?" tanong nito, pagkuwa'y walang paalam na umupo sa tabi niya na bahagya niyang ikinagulat.
Napakislot siya nang magkadaiti ang mga balat nila sa braso, kaya kaagad siyang naglagay ng kaunting espasyo sa pagitan nilang dalawa.
"O-Opo, sir," sagot niya.
"Sayang naman!" Dumikuwatro ito. "I thought magkakaroon na ng girlfriend ang kapatid ko."
"Bakit po? W-Wala pong girlfriend si Sir Sungit?" kunot ang noo na tanong niya habang seryoso siyang nakatingin sa naka-side view'ng mukha ng binata. Wala naman talaga siyang pakialam kung may girlfriend man ang masungit na binatang iyon o wala. Gusto niya lang talaga malaman kung may malas na babaeng karelasyon si Octavio. Kawawa naman ang babae kung nagkataong mayroon nga dahil sa masama nitong pag-uugali.
Nagkibit naman ng mga balikat si Judas, pagkuwa'y nagbaling din ng tingin sa kaniya. "Well-"
"What are you two doing here?"